PAG-ASA SA KUWARESMA 5: SANTONG DATING ALIPIN NI SATANAS!
Blessed Bartolo Longo
ANG KANYANG BUHAY
Si Bartolo Longo (1841-1926) ay isang Italyano mula sa mabuting Katolikong pamilya na araw-araw ang sama-samang pagdarasal ng Rosaryo. Tulad ng ibang kuwento ng mga anak mula sa pamilyang Katoliko, nagbuhay rebelde si Bartolo sa kolehiyo. Nabarkada sa mga tumitira ng droga na nahumaling din sa mga kultong sumasamba sa demonyo. Natuto siyang mamuhi sa mga pari, sa simbahan, at maging sa Diyos. Nahirang pa siya ng mga kasama niya na maging isang paring satanista. Subalit nalublob si Bartolo sa kalungkutan, depression, at mga panggugulo ng demonyo. Naglaho ang galak, pati na ang Diyos, sa kanyang buhay. Napuno siya ng kalituhan, galit at poot, nerbyos, habang lumubog pati ang kanyang katawan at na-apektuhan pati kanyang isip. Sa isang panaginip, hinikayat siya ng kanyang ama na magbalik sa Panginoong Diyos.
Isang paring Dominican ang tumulong sa kanyang magsisisi, mag-Kumpisal at muling magbalik sa simbahan at mga sakramento, bagamat matagal din bago niya napatawad ang kanyang sarili at bago niya kinilalang tunay na siyang pinatawad ng Diyos. Naging member siya ng Third Order Dominicans at nakapag-asawa ng mabuting babae. Sa loob ng 50 taon, pinalaganap niya ang Banal na Rosaryo, nagtatag ng mga paaralan para sa mga mahihirap at ampunan para sa mga anak ng mga bilanggo.
ANG KANYANG ARAL
Sikat ngayon ang exorcism dahil totoong maraming mga taong nahuhulog sa patibong ng demonyo lalo na sa mga gawaing “occult” o satanista sa internet, sa social media, at maging sa mga hindi inaasahang mga lugar kung saan naroroon ang mga kabataan at ang mga taong nawawalan ng pag-asa. Bagamat maaari namang pag-usapan, pag-isipan, at pagtuunan ng pansin ang kilos ng masamang espiritu, higit na dapat umasa at humawak sa kapangyarihan, kabutihan, at lakas ng Diyos sa katauhan ng kanyang Anak na ating Panginoong Hesukristo. Mas matagumpay ang Krus at Pagkabuhay ni Kristo sa anumang pagkakatali sa mga pakana ng demonyo. Lagi nating dasalin sa Ama Namin: “Huwag mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya mo kami sa lahat ng masama. Amen!”
MUNTING EXORCISMO LABAN SA TUKSO AT MGA KAAWAY ESPIRITUWAL
(Mula kay San Antonio de Padua)
Masdan ang Krus ng Panginoon (gumuhit ng Krus + sa hangin)
Lumayas, mga kapangyarihan ng kasamaan!
Nagwagi na ang Leon mula sa lipi ni Juda!
Ang Anak ni David! Aleluya!
*ang Leon ni Juda at Ugat (Anak) ni David ay ang Panginoong Hesukristo (Rev. 5:5);
(sariling salin ng ourparishpriest 2023)
3/17/24