SAINTS OF APRIL: San Marcos
ABRIL 25: Ebanghelista
A. KUWENTO NG BUHAY
Si San Marcos ay tinitingala bilang isa sa mga ebanghelista o manunulat ng Mabuting Balita ng Panginoon. Sa kanya nakapangalan ang ikalawang ebanghelyo sa Bagong Tipan ng ating Biblia, ang Ebanghelyo o Mabuting Balita ayon kay San Marcos na isinulat niya ayon sa inspirasyon ng Espiritu Santo.
Hindi naging direktang alagad o disipulo ng Panginoong Jesucristo si San Marcos. Sa halip, siya ay tagasunod ng ilan sa mga dakilang apostol. Halimbawa, nasusulat sa Bagong Tipan na siya ay disipulo ni San Pablo (Gawa 13:5 at 12:25). Sinamahan niya si San Pablo sa mga paglalakbay nito para sa pagmimisyon, halimbawa sa mga lugar na Cyprus, Antioquia, at Rome (Col 4:10; 2 Tim 4:11).
Kamag-anak o pinsan ni San Marcos si San Bernabe na isa ring ka-manggagawa ni San Pablo. Nasa piling siya ni San Bernabe nang maglakbay ito patungong Cyprus (Col 4:10).
Naging disipulo din ni San Pedro Apostol si San Marcos. Ayon sa mga sinaunang sulat ng mga Ama ng Simbahan (Fathers of the Church), malapit na katuwang ni San Pedro si Marcos.
Tinawag ni San Pedro na “aking anak” si San Marcos na maaaring nangangahulugan na siya mismo ang nagbinyag o nagdala sa pananampalataya kay Marcos.
Hinihinalang si San Marcos ay tumupad ng gawain bilang kalihim ni San Pedro. Dinala ni San Pedro ang pananampalataya sa Antioquia at Rome. Dinala naman ito ni San Marcos sa Alexandria (ngayon ay nasa bansang Egipto) kung saan pinaniniwalaang siya ang unang obispo doon. Kaya may bahid pa rin ng aral at buhay ni San Pedro ang tinanggap na aral ng mga taga-Alexandria.
Pagdating naman sa ebanghelyo na sinulat niya, alam natin sa impormasyon tungkol sa Biblia na ito ang pinakaunang naisulat sa apat na ebanghelyo. Nagsisimula ang salaysay ng ebanghelyong ito sa misyon ni San Juan Bautista, na nanirahan sa ilang at doon ay nagsimulang mangaral. Isa itong dahilan kung bakit ang simbolo ni San Marcos ay isang leon. Si Juan Bautista ay inihalintulad sa leon na sumisigaw sa disyerto o ilang.
Dahil sa kanyang matalik na kaugnayan kay San Pedro Apostol, tiyak na naging basehan ng mga salaysay sa ebanghelyo ni San Marcos ang anumang natutuhan niya mula kay San Pedro tungkol sa buhay at aral ng ating Panginoong Jesucristo. Napakagandang basahin ang ebanghelyong ito dahil ito ay maikli lamang, diretso sa mensaheng tinutumbok, at simple ang pagkakasulat. Nais ni San Marcos na ipakilala ang tunay na pagkatao ni Jesus—na siya ang dakilang Anak ng Diyos.
Sa dulo ng kanyang buhay, si San Marcos ay naging tagapagtatag ng simbahan sa Alexandria tulad ng binanggit sa itaas. Ang Alexandria ay isa sa limang pinakamahalagang sentro-simbahan noong simula ng Kristiyanismo. Ang tawag sa pagkakaugnay ng limang mahahalagang sentrong ito ng pananampalataya ay “pentarchy” o ang pamumuno ng limang Simbahan. Bukod sa Alexandria, ang natitirang apat ay ang Jerusalem, Rome, Antioquia, at Constantinople. Ang mga pinuno ng limang lugar na ito ay tinatawag na Patriarka, isang obispong kinikilala na mas mataas sa ibang mga obispo sa mga karatig na lugar nila.
Namatay bilang isang martir si San Marcos sa Alexandria noong taong 68. Iniwan niya sa atin ang isang kayamanan ng ating pananampalataya at batayan ng ating pag-asa sa Anak ng Diyos na buhay, ang Panginoong Jesus.
B. HAMON SA BUHAY
Buong pananabik nating basahin ang Mabuting Balita ayon kay San Marcos. Pansinin nating mabuti kung ano ang mga temang lumulutang sa kanyang pagsasalaysay ng buhay ng Panginoon. Tulad ni San Marcos, tayo din sana ay mapuno ng pagpupuri at pagsamba sa ating puso.
K. KATAGA NG BUHAY
Mc 16:20
Umalis sila [ang Labing-isa] at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila.
(From the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)