SAINTS OF MAY: SAN ATANASIO
MAYO 2: OBISPO AT PANTAS
KUWENTO NG BUHAY
Marami nang nabanggit tungkol kay San Atanasio mula sa unang aklat ng seryeng ito (mga santo ng Adbiyento at Pasko), dahil sa kanyang kaugnayan sa iba pang mga santo at mga kilusan ng Simbahan sa kanyang kapanahunan. Napakalaking impluwensya ni San Atanasio sa mga unang yugto ng kasaysayan ng Simbahan lalo na sa panahon ng pagsasaayos, pagbubuo, at pagpapatatag ng mga aral at doktrinang Kristiyano. Panahon na upang lalo natin siyang makilala at mabigyang-pansin ang kanyang katangi-tanging kontribusyon sa ating pananampalataya.
Ang mga magulang ni San Atanasio ay kapwa mga Kristiyano sa Alexandria (ngayon ay isang lugar na nasa Egipto). Isinilang siya doon noong huling bahagi ng ikatlong siglo, bandang taong 295. Tumanggap siya ng isang mahusay na edukasyon at pagsasanay sa Banal na Kasulatan kung saan siya ay naging isang eksperto. Naging isang diyakono si San Atanasio sa edad na 21 taong gulang lamang.
Noong kanyang kabataan ay unti-unting lumaganap ang maling katuruan ni Arius (na nabanggit na rin sa unang aklat ng seryeng ito). Si Arius ay isang pari na nahumaling sa kanyang sariling maling pagninilay tungkol sa Diyos. Dahil hindi matanggap ni Arius na ang Diyos ay iisa subalit may tatlong Persona sa pagka-Diyos, itinuro niya na si Jesucristo ay hindi tunay na Anak ng Diyos kundi isang nilalang na may mataas na antas kaysa ibang nilalang. Sa pagnanais ni Arius na pangalagaan ang pagiging isa ng Diyos, itinanggi niyang isinugo ng Diyos ang kanyang tunay at sariling Anak upang iligtas ang daigdig.
Ang mga aral ni Arius ay bumulabog sa buong Simbahan. Ang naging tugon ay isang malawakang pagtitipon ng mga obispo mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang pag-aralan at ituwid ang turo ni Arius. Naganap ito sa Nicaea at dumalo ang obispo ng Alexandria na si Alejandro. Kasama niya ang kanyang kalihim at tagapayo na si Atanasio.
Si San Atanasio ang naging kahalili bilang obispo o patriarka ng Alexandria sa pagkamatay ni Alejandro. Ipinagpatuloy ni San Atanasio ang kanyang laban sa mga tagasunod ni Arius. Naging masugid siyang tagapagpatupad ng mga turo ng Simbahan mula sa Biblia at sa Konseho ng Nicaea. Ipinaglaban niya ang doktrina ng Santissima Trinidad (Holy Trinity o Banal na Santatlo).
Dahil sa kanyang katatagan at katapangan, nagdusa si San Atanasio dahil sa kanyang mga prinsipyo. Tinuligsa siya ng mga kaaway niya. Pinalayas siya mula sa kanyang simbahan nang limang beses. At nawalay siya sa kanyang kawan nang halos 17 taon. Pinagbintangan siya ng mga kasinungalingang hindi naman niya tunay na ginawa. Nakatulong lahat ang mga paghihirap na ito upang mapadalisay ang puso at kaluluwa ni San Atanasio.
Maraming naiwang kasulatan si San Atanasio na may temang espiritwal o doktrinal o tungkol sa pagtatanggol ng pananampalataya. Naisulat din niya ang talambuhay ni San Antonio, Abad (Enero 17). Kinikilala din si Atanasio bilang Ama ng Pneumatolohiya (pag-aaral tungkol sa Espiritu Santo) dahil sa kanyang aral tungkol sa Ikatlong Persona sa Iisang Diyos.
Pumanaw si San Atanasio noong 373, sa Alexandria, matapos siyang makabalik dito.
HAMON SA BUHAY
Tulad ni San Atanasio, maging malapit nawa tayo sa Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo upang kilalanin natin ang iisang Diyos sa pagkakaisa ng Tatlong Persona, at upang maisabuhay natin ang ating pananampalataya sa Panginoon.
KATAGA NG BUHAY
2 Cor 13:13
Sumainyo ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesucristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikisama ng Espiritu Santo.
From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos