Home » Blog » SAINTS OF MAY: SAN FELIPE NERI

SAINTS OF MAY: SAN FELIPE NERI

MAYO 26: PARI

KUWENTO NG BUHAY

Tulad ng santa kahapon, ang santo ngayon ay tubong Florence din kung saan isinilang siya noong 1515. Katamtaman ang kakayahan ng pamilya ni San Felipe Neri, sapat lamang para sa kanilang mapayapa at maaliwalas na buhay.

Isang santong masaya at magiliw si San Felipe Neri. Isa siya sa laging halimbawa ng mga santong nakangiti o nakatawa, nagbibiro, at nakikipaglaro sa kapwa. Para sa kanya, ang tunay na Kristiyano ay hindi malungkot kundi masaya at nagpapasaya sa ibang tao.

May pelikula din tungkol sa buhay ni San Felipe at dito ko lalong nabigyan ng pagpapahalaga ang diwa ng santong ito na naging kaakit-akit sa mga tao dahil sa kanyang kagalakan. Mas madali siyang lapitan ng mga tao dahil lagi siyang nakangiti at binibigyang-halaga niya ang magagandang bahagi ng buhay.

Sa Florence, naging ugali ni San Felipe na bisitahin ang simbahan ni San Marcos na hawak ng mga Dominikano. Habang nagnenegosyo siya, nakasalamuha at nakilala rin niya ang ilang mga Benediktino at natutuhan ang espiritwalidad nila.

Nagtagpo rin sila ng bantog na si San Ignacio ng Loyola, dahil ayon sa pelikula, nais niyang maging isang Heswitang misyonero sa ibang bansa tulad ng mga alagad ni San Ignacio.

Nag-aral sa unibersidad si San Felipe pero iniwan niya ito dahil nagustuhan niyang maging isang lay volunteer sa Rome lalo na para sa mga pilgrims (peregrino) na dumadayo doon mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Itinatag niya ang isang grupo ng mga layko na mangangasiwa sa pag-aasikaso sa mga manlalakbay na ito.

Pinayuhan si San Felipe na lalo siyang makagagawa ng mas maraming kabutihan kung magiging pari siya. Kaya pinasok niya ang buhay pagkapari noong 1551 sa gulang na 36 taon. Nagningning ang talento ni San Felipe sa pagdinig ng kumpisal at sa pagbibigay ng mga panayam sa mga tao, at nagkaroon siya ng mga tagasunod. Ang mga ito ang naging unang mga kasapi ng kanyang Congregation of the Priests of the Oratory.

Ang grupong ito ay naging tagapaglingkod sa mga bata sa lansangan ng Rome na inaruga nila at tinulungan sa espiritwal at pisikal na paraan. Naging malapit din sila sa mga maysakit at mahihina. Nakilala ang grupo ni San Felipe dahil sa kanilang kasiyahan—umaawit, naglalaro, nagbibiruan habang lumalago sa pagdarasal at paggawa ng kabutihan sa kapwa.

Naranasan ng mga tao ang kabanalan ni San Felipe sa maraming nasaksihan na himala na nagawa niya. Sa bisa ng kanyang mga panalangin, gumaling ang mga maysakit at dininig ng Diyos ang kahilingan ng mga taong lumalapit sa kanya. Hinangaan din ng marami ang pagiging simple ng buhay ng santo at ng kanyang mga kasama.

Ilan sa mga naging kaibigan niyang mga santo rin ay sina San Ignacio de Loyola, San Carlos Borromeo, San Francisco de Sales, at San Camilo de Lelis. Nagtayo ng isang simbahan sa Rome si San Felipe na ang tawag ngayon ay Chiesa Nuova o Bagong Simbahan.

Ang mga huling taon ng buhay ni San Felipe ay ginugol niya sa pagdinig ng kumpisal ng mga deboto at pagbibigay ng aral tungkol sa pananampalataya. Namatay siya noong 1595, dala ang pagmamahal at paghanga ng mga Romano.

HAMON SA BUHAY

Kailangang makita ang bunga ng Espiritu Santo sa ating puso sa pamamagitan ng mga ngiti at halakhak na tanda ng isang tunay na buhay-Kristiyano. Tulad ni San Felipe Neri, magpasaya tayo ng kahit isang tao ngayong araw na ito.

KATAGA NG BUHAY

Jn 17:21

Maging iisa sana ang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at ako’y nasa iyo. Mapasaatin din sana sila upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin.

From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos