Home » Blog » SAINTS OF AUGUST: SAN ROQUE, Agosto 16

SAINTS OF AUGUST: SAN ROQUE, Agosto 16

Patron laban sa Peste

KUWENTO NG BUHAY

Si San Roque ay sikat sa mga Katoliko sa Pilipinas na nagdarasal sa kanya laban sa anumang peste, sa tagtuyot, sa kagat ng aso, at iba pang mga himala. Lalong lumakas ang debosyon sa kanya nitong nakaraang pandemia ng Covid na naranasan sa buong daigdig.

Si San Roque ay patron ng mga maysakit at mga imbalido o nalumpo. Isinilang siya noong 1295 sa mayamang pamilya sa Montpellier, France. Ayon sa tradisyon, may balat (birthmark) na hugis krus and dibdib niya noong siya ay isilang. Nagsabuhay ng espirituwalidad ng Pransiskano si Roque at ipinamigay ang kanyang mga kayamanan sa mahihirap. Nanirahan siya sa Italya at doon nagkasakit noong panahon ng peste habang naglilingkod sa mga maysakit, at dahil doon ay itinaboy siya papalabas sa bayan. May karamdaman at walang makain, isang aso ang nakakita sa kanya at dinalhan siya ng tinapay araw-araw.

Nang gumaling, itinalaga niya ang sarili sa paglilingkod sa mga maysakit, at nagbalik din siya sa France. Ang kanyang amain na siyang gobernadora noon ay hindi nakilala ang anyo ng kanyang pamangkin at ipinakulong siya dahil sa paghihinalang siya ay espiya. Matapos ang limang taong pagkakakulong, namatay siya sa sahig matapos tanggapin ang Huling Sakramento.

Doon nakilala siya nang matagpuan ang balat na krus sa kanyang dibdib, at lumitaw ang tunay niyang pagkatao. Maraming mga himala ang kaakibat ng kanyang buhay. Madalas na may kasamang aso ang imahen o larawan ni San Roque at ipinakikita din na may sugat siya sa binti.

HAMON SA BUHAY

Sa kabila ng masamang ugali ng mga nakapaligid sa kanya, nanatiling mabuting tao si San Roque dahil may kapayapaan ang kanyang puso na nagmula sa pananampalataya. Maging tulad nawa tayo ni San Roque sa banayad na pagmamahal at paggalang sa kapwa, maging sa mga gumawa sa ating ng masama.

mula sa panulat ni Fr. RMarcos sa ourparishpriest website