Home » Blog » SAINTS OF AUGUST: SAN AGUSTIN, OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN

SAINTS OF AUGUST: SAN AGUSTIN, OBISPO AT PANTAS NG SIMBAHAN

AGOSTO 28

A. KUWENTO NG BUHAY

Kahapon ang kapistahan ng ina, at ngayon ang kapistahan ng anak.  Nakakatuwang isipin na sa loob ng dalawang araw, ay dalawang santo din, at  mag-ina pa, ang bahagi ng ating mga pagninilay. 

Makulay ang naging buhay ni San Agustin. Marami siyang pinasukan na gulo bago naging maayos ang kanyang buhay.  Maraming balakid ang dapat masira bago niya matagpuan ang tunay na landas sa Diyos. Pero nang mamulat ang kanyang mga mata sa katotohanan at kagandahan ni Kristo, naging inspirasyon siya ng maraming tao lalo na ang mga dumadaan sa maraming pagsubok at kahinaan ng kaluluwa at katawan.

Tulad ng sinabi na kahapon, si Agustin ay anak ng isang banal na babae, si Santa Monica. Isinilang siya sa Tagaste, ang kanilang bayan sa Africa. Sa panahon natin ang Tagaste ay matatagpuan sa Algeria, isang lugar kung saan halos lahat ng mamamayan ay Muslim. Dating Kristiyano ang buong paligid ng lugar na ito hanggang sa mapasa-kamay ng mga Muslim.

Lubhang magulo ang landas ni Agustin. Bata pa lamang siya ay tinalikuran na niya ang Salita ng Diyos na kanyang pinag-aaralan. Nahalina siya sa mga sulat ng mga klasikong philosophers. Dahil mga pagano ang mga ito, naapektuhan ang kanyang pangangatuwiran.  Unti-unting napalayo siya sa pananampalataya na nais ipunla ng kanyang ina sa kanyang puso.

Nadala ng mga maling turo ang isip ni Agustin. Tinanggap niya ang mga aral ng Manichean, isang grupo na nagsasabi na dalawa ang kapangyarihang nagpapatakbo sa daigdig – ang isa ay mabuti at ang isa ay masama.

Pinagbigyan ni Agustin ang luho ng kanyang katawan.  Nagkaroon siya ng kabit na babae.  At nagkaroon siya ng anak kahit hindi sila nagpakasal. Adeodato ang pangalan ng anak ni Agustin.

Nagpunta sa Roma si Agustin sa kanyang paghahanap ng katotohanan.  Sa Milan naman, naging isang guro siya ng rhetoric o pagtatalumpati.  Mahalaga ang Milan sa kanya dahil dito niya unang narinig ang paliwanag ng Salita ng Diyos mula sa banal na obispo ng Milan na si San Ambrosio.  Unti-unting nabuksan ang isip at puso ni Agustin sa Panginoon, sa tulong ng obispo.

Isang bantog na kuwento ang nagsasabi na habang iniisip ni San Agustin ang mga katotohanan ng Kristiyanismo, isang bata ang nagsabi sa kanya na abutin ang Bibliya at basahin ito. Ang nabasa niya ay ang sulat ni San Pablo (Rom 13: 13-14) na nagdala ng malaking pagbabago sa kanyang puso. 

Nagpabinyag si Agustin at naging ganap na Kristiyano. Namuhay siya sa pag-iisa at panalangin at lalo niyang nakita ang kamalian ng dati niyang buhay at ng dati niyang pinaniniwalaan.

Pagbalik sa Africa, ipinagpatuloy niya ang paghahanap ng kabanalan. Naging pari siya at pagkatapos ng ilang panahon, nahirang na maging obispo ng Hippo noong 395.  Bukod sa mabuting paggabay sa mga tao, nangaral din siya at nagsulat ng napakaraming paliwanag tungkol sa pananampalataya at laban sa mga erehe o heretic.  Hanggang ngayon, mababasa pa rin natin ang mga aklat ni San Agustin na itinuturing na klasiko ng maraming Kristiyano, maging ng mga Protestante at mga Katoliko.  Ilan sa pinakasikat ay ang Confessions of St. Augustine, The City of God, at On the Trinity.

Namatay siya noong taong 430 at kinilalang santo. Tinatawag siya ngayong “Doctor of Grace” o “Pantas ng Biyaya.”

B. HAMON SA BUHAY

Pagnilayan natin ang mga salita ni San Agustin: “My heart is restless, O Lord, until it rests in you.” (Ang puso ko ay magulo, O Panginoon, hanggang makatagpo ito ng pahinga sa Iyo.)

K. KATAGA NG BUHAY

Rom 13: 14

Kaya ibihis ninyo ang Panginoong Jesukristo at huwag kayong sumunod sa hilig ng laman at sa mga pagnanasa nito.

FROM THE BOOK SULYAP SA MGA SANTO BY FR. RMARCOS

1 Comments