SAINTS OF SEPTEMBER: KABANAL-BANALANG PANGALAN NI MARIA
SETYEMBRE 12
‘KUWENTO NG BUHAY
Ang kapistahang ito ay katapat ng Kapistahan ng Kabanal-banalang Pangalan ni Hesus, Enero 3; ang dalawang pangalan ay kapwa may kapangyarihang pag-ugnayin ang mga taong nagkakawatak-watak sa ibang mga usapin.
Ang kapistahang ito ay nagsimula sa Espanya noong 1513 at noong 1671 ay lumaganap sa buong Espanya at sa kaharian ng Naples. Noong 1683, ang hari ng Poland na si Juan Sobieski ay nanguna sa hukbo sa labas ng Vienna upang pigilin ang paglusob ng mga hukbong Muslim ni Mohamad IV ng Constantinople. Matapos ipagkatiwala ang sarili sa Mahal na Birheng Maria, siya at ang buong hukbo ay nagwagi. Ipinasya ni Papa Inocente XI na ipagdiwang ng buong daigdig ang kapistahan.
Ipinagdiriwan natin ang Pangalan ni Maria dahil sa mga dahilang ito: una, ito ay puno ng karangalan dahil si Maria ay Ina ng ating Dakilang Tagapagligtas, Ina ng Diyos; minarapat ng Ama na isugo sa mundo ang kanyang Kaisa-isang Anak sa pamamagitan ni Maria na naglihi lalang ng Espiritu Santo. Ikalawa, ang Pangalang ito ay tumutukoy sa kanya na napupuno ng grasya, kinalulugdan ng Diyos at bukod na pinagpala sa lahat ng babae. Ikatlo, ito ay Pangalan ng isang ina, ang Ina na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Hesukristo mula sa Krus (Jn 19: 26-27). Ika-apat, ito ay Pangalang ng Ina na nagliligtas sa atin sa masama, nagbibigay ng ating pangangailangan, at nananalangin para sa atin “ngayon at magpasawalang hanggan.”
HAMON SA BUHAY
Palagi tayong inaakay ng Mahal na Birheng Maria patungo sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Ang mga huling salita niya sa Bibliya ay: “Sundin ninyo ang anumang sabihin niya.” Lagi tayong lumapit sa Mahal na Birheng Maria upang humingi ng tulong sa buhay kabanalan at paglilingkod.