JUBILEE 2025: ANG PAG-ASA SA LUMANG TIPAN
LUMANG TIPAN: ANG PAG-ASANG NAGSIMULANG MABANAAGAN
ANG DI-MAKATWIRANG PAG-ASA NI ABRAHAM
Si Abraham ang ama natin sa pananampalataya, subalit siya din ang ama natin sa pag-asa. Ayon sa Rom 8: umasa siya kahit tila walang aasahan pa. Kaya nga, nakakalito, mahirap ipaliwanag sa matalinong tao ang pag-asa ni Abraham, kumbaga nga, hindi makatwiran dahil tila walang matinong tao ang gagawa nito. Paano ba siya umasa? Nang tawagin siya ng Diyos, iniwan ni Abraham ang kanyang bayang sinilangan, ang kanyang seguridad, at namuhay na isang dayuhang naghahanap ng lupang pangako. Nagtiwala din siya sa kakaibang pangako – na magkakaanak pa siya gayung halos tuyot na ang sinapupunan ng kanyang asawang si Sara.
Sa gitna ng mga ito, nadama din niya ang panimdim, ang kawalang pag-asa, ang tila imposible – paano kung hindi matupad ang mga pangako ng Diyos? Kaya bumaling siya sa panalangin, panalangin ng himutok, panalanging nagre-reklamo, hindi siya natakot magreklamo sa Panginoon. Ang pananampalataya ay hindi lamang pagtanggap nang tahimik sa nagaganap, hindi lamang buhay na walang duda o alinlangan. Ang pananampalataya minsan ay pakikipagbuno sa Diyos at pagsasabi sa kanya ng ating mga hinaing na walang pasubali. At isa na namang pangako ang ibinigay sa kanya – ang mga bituin – na tanda ng katapatan ng Diyos na magiging mabunga ang mga salinlahi niya.
ANG LUHAANG PAG-ASA NI RAQUEL
May “crying lady” sa Lumang Tipan, at ito ay si Raquel na ina nina Jose at Benjamin. Isinakripisyo niya ang kanyang buhay sa pagsilang ng bunsong si Benjamin. Subalit sa panulat ni Propeta Jeremias (31: 15) si Raquel ay buhay sa Ramah, umiiyak sa nawawalang mga anak, ang bayang Israel, na ipinatapon sa ibayong lugar. Ang kanyang hinagpis ay tanda ng pait ng pagkawala, ang awa niya sa kinahinatnan ng kanyang bayan.
May pag-asa sa pakikiramay, sa pakiki-dama, sa pagiging sensitibo sa kapalaran ng iba. Ang dalamhati ni Raquel ang nagtulak sa Diyos na tumugon ng mga salita ng pag-asa. Ang mga luha ay mga “binhi ng pag-asa.” Ang sulat ni Jeremias tungkol kay Raquel ay umalingawngaw din sa Mabuting Balita ni Mateo (2: 16-18), sa pagpaslang sa mga Niños Inocentes, na naging sagisag ng Kordero ng Diyos na mamamatay sa krus. At kung nanangis man si Raquel sa dinanas ng bayan, ang Panginoong Hesukristo naman ay hindi lamang tatangis sa kalagayan ng makasalanang mundo kundi ihahandog pa ang kanyang sarili, bilang ang “tiyak na Salita” ng kaaliwan. Hindi lang dadanak ang kanyang luha, kundi ang dugo niyang papatak sa lupa ang magiging kaligtasan ng lahat. Kapag tulad ni Raquel, tayo ay natutong makiramay sa sinapit ng iba, laging may uusbong na pag-asa.
ANG NAGDARASAL NA PAG-ASA NI JONAS
Kay Propeta Jonas, makikita ang ugnayan ng pag-asa at ng panalangin. Pinatungo siya sa Nineve, isang mapanganib na misyon dahil gugunawin na ito dahil sa kawalan ng pananampalataya. Nang maging maalon at peligroso ang paglalakbay sa dagat, itinapon si Jonas sa karagatan upang maligtas ang kanyang mga kasama. Nang makarating na sa Nineve, ang pangangaral ni Jonas ay tumimo sa puso ng mga tao, at sila ay nagsisi.
Maraming mga tao ang nasa bingit ng kamatayan at pagkawasak, at ang tanging pag-asa nila ay panalangin. Hindi ito makasarili, kundi isang tunay na pagtanggap sa kahinaan at kawalang-lakas ng tao. Ang Diyos na mahabaging Ama, ay laging tumutugon sa mga anak niyang nasa bingit ng panganib o pagkatupok. Kamatayan man ay isang pakakataon upang makilala ang pag-asa at magbalik loob sa Diyos. Sa gitna ng dilim ng buhay, ang panalanging nagtitiwala ay humahantong sa pag-asa. Ang nagdarasal na may pag-asa ay tinutugon ng higit pang pag-asa.
ANG MATAPANG NA PAG-ASA NI JUDIT
Sa aklat ni Judit (7: 25-26) ang isang lungsod ng Judea ay mahuhulog na sa kamay ng mga kaaway nito at malapit nang sumuko ang mga tao. Alam nilang ang naghihintay ay kamatayan o pagka-alipin. Ang pinuno ng mga tao ay humingi ng himala subalit hindi matatag ang kanyang tiwala sa Diyos. Ang pag-asa niya ay malamya; kunwaring tumatawag sa Diyos pero hindi naman talagang umaasang magaganap ito.
Nakakabigla na isang babae, si Judit, isang biyuda na may taglay na ganda at karunungan, ang bumuhay muli ng pananampalataya ng mga tao, ang nagbuhos ng pag-asa sa kanilang duwag na mga puso. Binatikos niya ang malabnaw na pananampalataya ng mga tao, ang kanilang pagsubok sa Diyos at kawalan ng tiwala sa kapangyarihan at pagmamahal ng Panginoon. Ipinakita niyang hindi dapat binibigyan ng limitasyon ang Diyos dahil lamang sa takot at panghihina ng loob ng tao. kung magtitiwala, kung magdadasal nang taimtim, kung magsisikap, magkakaroon ng tagumpay. Pinatay ni Judit ang pinuno ng mga kalaban at ibinalik ang kalayaan ng bayan ng Diyos.
by Fr. RMarcos