FAITH, HOPE AND LOVE – Alamin part 1
ANG MASIGLANG PAGKILOS NG PANANAMPALATAYA, PAG-ASA, AT PAG-IBIG
ANG TATLONG BANAL NA KABUTIHANG-TAGLAY (THEOLOGICAL VIRTUES)
Ang tinatawag na “theological virtues” (mga banal na kabutihang-taglay) ay mga kagalingan na nag-uugnay sa atin sa Diyos. Magkakaroon lamang tayo ng tunay na pansariling kalayaan kung mapapaunlad natin ang tatlong banal na kabutihang-taglay na ito.
Ang “virtue” ay mula sa salitang Latin na nangangahulugang lakas o kapangyarihan. Ang “theological” ay nagsasaad na ang “virtue” na ito ay mula sa Diyos at hindi lamang sa tao – at tatlo ang mga banal na kabutihang banal (three theological virtues). Ang una ay pananampalataya, na siyang lakas o katatagan para sa ating buhay pananampalataya (Rom 4: 20). Ang ikalawa ay pag-asa, na hindi isang lutang o malabong hangarin kundi katatagan sa katapatan ng Diyos sa kanyang mga pangako sa atin; ito ay pag-asang lakas-loob na nagbibigay ng malaking katapangan sa ating mga pakikibaka. At ang ikatlo, ang pag-ibig (kawanggawa), ay ang katibayan ng loob na magmahal sa Diyos at sa kapwa.
Ang tatlong banal na kabutihang-taglay ay mahahalagang sangkap ng buhay-Kristiyano. Mahalagang sa mga ito natin i-sentro ang ating buhay pananampalataya at hindi sa kung anu-anong mga aspekto na hindi kasing halaga. Walang paglago at pagkahinog sa buhay pananampalataya kung hindi lalago sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Ang pagiging Kristiyano ay hindi pagsunod sa mga batas kundi paglago sa tatlong banal na kabutihang-taglay – manalig sa Diyos, umasa sa kanya sa lahat ng bagay, at naising mahalin siya nang buong puso at gayundin ang kapwa. Lahat ng mga utos, sakramento, at anumang biyaya mula sa Panginoon ay iisa lang ang layunin: na lumago tayo sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.
Ayon kay San Pablo, ang tatlong ito ang pinakapuso ng pagiging Kristiyano. “Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y kasama kayo sa aming mga dalangin. Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa dahil sa inyong pananampalataya, ang inyong pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Tes. 1: 2-3).
Ang panlaban natin sa digmaang espirituwal ay ang tatlong ito din: “Ngunit dahil tayo’y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos” (1 Tes. 5: 8).
May pangunahing gampanin ang tatlong banal na kabutihang-taglay sa ating buhay espirituwal dahil dito makikita ang pakikipagtulungan ng biyaya ng Diyos at ng ating pakikiisa sa kanya. Lahat ng mabuti sa ating buhay ay mula sa Espiritu Santo, subalit balewala ang grasya kung hindi makikiisa sa kanya, hindi ba?
Kaya ang tatlong banal na kabutihang-taglay ay mahiwaga subalit tunay na kaloob ng Diyos at tugon ng tao. Ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos, na manampalataya tayo sa kanyang Anak na si Hesus; subalit kailangan pa din ang malaya at bukas-pusong pagsang-ayon sa katotohanang ipinapahayag niya sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan at ng aral ng simbahan. Nasusubok ang malayang pagsampalataya kung dumadaan tayo sa gitna ng mga pagsubok at paga-alinlangan. Hindi laging madali ang maniwala at manalig subalit dito tayo kakapit sa tapang ng loob upang wakasan ang ating pag-aatubili at ang ating pagdududa. Posible ito kung lagi nating sasariwain ang ating pananampalataya sa tulong ng Espiritu Santo na tumutulong sa atin sa ating kahinaan.
Ang pag-asa ay isa ding kaloob ng Diyos na nangangailangan ng pagsisikap. Mas madaling mag-alala hindi ba? Panghinaan ng loob, hindi ba? Matakot, hindi ba? Ang pag-asa ay pagtitiwala. Kung tayo ay nagtitiwala, hindi lang tayo nagmamasid kundi aktibo tayong lumalaban sa mga negatibong kaisipan at damdamin.
Ang ang pag-ibig ay kaloob subalit isa ding pasya. Minsan biglaan at kusang dumarating ito, subalit kalimitan kailangang piliin nating magmahal dahil ang pagmamahal ay higit pa sa emosyon at humihingi ng ating malayang pagsang-ayon.
Subalit higit sa lahat, sa tulong lamang ng Diyos nagiging posible na magkaroon ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Lumalago at nahihinog ang mga ito sa puso nga tao sa kilos at aral ng Espiritu Santo. Minsan ang aral ng Espiritu Santo ay nakakabagabag sa ating damdamin.
(Salamat sa inspirasyon ni Fr. Jacques Philippe, na siyang batayan ng seryeng ito)