Home » Blog » LINGGO NG DAKILANG AWA/ IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY K

LINGGO NG DAKILANG AWA/ IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY K

ANG HABAG NIYA AY KATOTOHANAN!

JN 20: 19-31

MENSAHE

Masisisi ba natin si apostol Tomas kung nag-alinlangan muna siya sa Pagkabuhay ng Panginoong Hesus? Kahit sa panahon niya, duda na din siya sa mga “fake news,” sa maling impormasyon. Binayaran ng mga Pariseo ang mga sundalo upang magkuwentong ninakaw ang bangkay ng Panginoon. At laganap din ang mga makakating dila, mapanghabing imahinasyon, at mga kathang kuwento lamang. Mahal ni Tomas ang Panginoon, subalit hindi ang “fake news” tungkol sa Panginoon!

Tulad natin ngayon, si Tomas ay humingi ng “resibo” – ng patunay o ebidensya na mula sa tunay na pangyayari, sa di maitatangging kaganapan na buhay na nga Siya! At natagpuan ni Tomas ang katotohanan sa harap mismo ni Hesus, at ng mga sugat nito na kanyang nakita at nahawakan. Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay hindi napapatunayan ng sabi-sabi, kahit pa ng magigiting na kwento at salaysay. Tanging ang mga sugat ang makapagpapatotoo na si Hesus ang Panginoon ng buhay at ng kamatayan!

Sa Pagkabuhay, nanaig ang habag o awa ng Diyos. At mahal ang kabayaran ng awang ito. Ang awa ng Diyos ay hindi emosyon lang, pakiramdam lang, o kahit desisyon lang. Ang habag niya ay katangian ng isang sanay magmahal… magmahal na walang sukatan… magmahal na walang takot suungin ang mga sugat para sa kanyang mga minamahal.

Dinala si Hesus ng habag sa tuktok ng krus, ipinako siya at pinahirap, at kinuha ang kanyang huling hininga at huling patak ng dugo alang-alang sa mga makasalanan niyang mga kapatid. Ganito ang habag ng Ama na nagluksa sa paghihirap ng Anak. Ganito ang habag ng Anak na tumawid sa madilim na pintuan ng kamatayan. Ganito ang habag ng Espiritu Santo na nanangis sa kataksilan ng mundo. Subalit ang mga sugat ng Panginoon, sa halip na maging kahihiyan at kabiguan, ay naging patunay ng paghilom, kaligtasan, at awa ng Diyos para sa buong mundo.

MAGNILAY

Sa dakilang panahon ng Pagkabuhay, patuluyin natin ang habag ng Diyos sa ating mga puso. Magtiwala tayo sa Mahabaging Puso ni Hesus. At ipagdiwang natin ang 50 araw ng luwalhati sa pagiging mahabagin din sa mga nangangailangan sa paligid natin. MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY SA LAHAT! HESUS, HARI NG AWA, NAGTITIWALA AKO SA IYO!

(Dasalin ang Consecration to the Divine Mercy (Tagalog) – CONSECRATION TO THE DIVINE MERCY (TAGALOG) ngayon kapistahang ito…)