LINGGO NG PALASPAS K
MAHAL NA ARAW, MAPAG-ASANG ARAW
LK 9; 28-40/ LK 22: 14-23:56
MENSAHE
Bakit iwinawagayway ang mga palaspas sa simula ng mga Mahal na Araw? Sa katulad na kadahilanan ng mga Hudyo sa pagpasok ng Panginoong Hesus sa Herusalem. Ipinahayag nila ang kanilang kagalakan at pananabik sa inaasahang darating na Mesiyas! Umawit sila, sumigaw sila, nagpuri sila sa harapan ng Panginoong Hesus na nagsindi ng pag-asa para sa kaligtasan at tunay na buhay. Ngayon, gamit natin ang mga palaspas, upang ipahayag na si “Kristo Hesus, ang ating pag-asa” (1 Tim 1:1).
Sa simula ng linggong ito ang simbolo ay palaspas subalit sa gitna ng linggong ito may isa pang mas makapangyarihang simbolo, ang Krus. Hindi naiintindihan ng mga hindi Kristiyano ang Krus, at galit pa nga ang iba dito. May mga Kristiyanong gusto man ang Krus, subalit dapat iyong kahoy lang, walang nakapako dito. Subalit tayong mga Katoliko, mahal natin pareho – ang simpleng kahoy na Krus at ang Krusipiho (crucifix) na kasama ang Anak ng Diyos na nakabayubay dito. Kaya nga sa lahat ng lugar at sa bawat sandali, nagpupugay tayo sa Krus man o Krusipiho. Nakikita natin dito ang “mapagpalang pag-asa… ang dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesukristo” (Tito 2: 13).
Mahalaga ang pag-asa sa ating buhay. Sumasampalataya tayo sa Diyos na makapangyarihan, marunong, at mapagmahal. Subalit ang maniwala ay hindi sapat; kailangang umasa din na totoo ang pinananaligan natin, na magaganap lahat ngayon tulad ng naganap noon. Kailangan ng maningas na pag-asa na mahal tayo ng Diyos ngayon tulad ng minahal niya ang mga tao noon. Kailangan natin ang pag-asang ang kapangyarihan ng Krus ni Kristo ay magliligtas muli’t-muli ngayon at sa hinaharap man.
Nakamasid kay Hesus sa Krus, tumibay lalo ang pag-asa sa puso ng Mahal na Ina. Katabi si Hesus sa Krus, nabuhayan ng pag-asa ang nakapakong magnanakaw. Pagkarinig sa sigaw ni Hesus sa Krus, ang sundalo ay nagkaroon ng pag-asa na tunay ngang ibinigay ng Diyos ang kanyang sariling Anak para sa ating mga makasalanan.
MAGNILAY
Habang iwinawasiwas ang mga palaspas, hilingin natin sa Panginoon na punuin tayo ng pag-asa sa gitna ng ating kahinaan at mga kasalanan. Sa ating pagninilay sa harap ng Krus, tanggapin natin ang daloy ng pag-asa na mananariwa muli ang ating pananampalataya sa Diyos, sa sarili at sa magandang daigdig na nilikha niya.
“Panginoon, ikaw ang aking pag-asa! Huwag mo pong tulutang panghinaan ako ng loob kailanman.”