Home » Blog » IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY K

IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY K

MAKIBAHAGI SA LUWALHATI

Jn 13: 31-33a; 34-35

MENSAHE

Ang susi ng Mabuting Balita sa Linggong ito ay “luwalhati” o “parangal.” Tila simple at maigsing salita lang subalit puspos naman ng kahulugan at hiwaga. Pinagkalooban ng Ama ang Anak ng kaluwalhatian o karangalan. Niluwalhati o pinararangalan ng Anak ang Ama sa kanyang sarili. Niluwalhati  din ng Ama ang Anak bilang ganti. Ang kaluwalhatiang ito ay nagaganap ngayon, sa kasalukuyan, at nagpapatuloy magpakaylanman.

Sa buhay ni Hesus, ang luwalhati ay hindi nangahulugan ng panatag na buhay, pagsang-ayon ng kapwa, tagumpay, o maaliwalas na landas. Ang layo nito sa karaniwan nating iniisip na luwalhati. Kung tutuusin, ang landas ng Panginoon ay napapaligiran ng pagsalungat, pagtanggi, panghuhusga, at pagkapako sa Krus. Kahit sa sandali ng kaluwalhatian sa Muling Pagkabuhay, taglay pa din ng Panginoong Hesukristo ang mga marka ng mga sugat na tinamo niya.

Naalala ko tuloy ang isang maikling paalala sa akin ni Cardinal Gaudencio Rosales noon: “Matapos ang Krus… Kaluwalhatian!” Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay hindi “shortcut” sa ating sariling muling pagkabuhay. Kung nais nating makabahagi sa kanyang luwalhati – kung nais nating luwalhatiin tayo ng Ama at ng Anak – babalikan at papasanin natin ang pangaraw-araw na krus ng ating buhay. Kung tatanggapin ang mga ito na may pagmamahal at kababaang-loob, maging mga krus ay daluyan din ng mga biyaya, ng grasya, ng luwalhati ng Diyos!

Sa dulo ng Mabuting Balita, iniutos ng Panginoon na magmahalan ang mga alagad. Isa na namang simple at maigsing salita – magmahalan – at tila kay tamis at kahali-halina, subalit sa totoo lang, e mahirap at mabigat na pananagutan. Mararating natin ang luwalhati ng Diyos kung magmamahal tayo tulad ng utos ng Panginoon, kung pagsisikapan natin na magmahal sa bawat sandali, at kung magsisikap tayong magmahal lalo na kung mahirap gawin.

MAGNILAY

Isa sa mga kinagigiliwan kong talata sa Biblia na nagiging inspirasyon sa aking paghahanap ng luwalhati ng Diyos sa buhay at ito: “Kaya nga, kung kayo’y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.” (1 Cor 10:31). Nawa tulungan tayo ng Muling Nabuhay na Kristo na hanapin ang luwalhati ng Diyos araw-araw sa pamamagitan ng pagmamahal sa maliit o malaking mang ginagawa, iniisip, at sinasabi natin.