Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO K

DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO K

KARAPAT-DAPAT O HINDI KASALI?

LK 9: 11b-17

MENSAHE

Kapag tumatanggap ka ng Banal na Komunyon, dahil ba sa dama mong banal ka na sa harapan niya? Kapag nagdarasal sa simbahan o adoration chapel, pakiramdam mo bang malinis ka nga? Dahil sa mga kahinaan mo, umiiwas ka bang magsimba o mag-Komunyon? Dahil madalas na hindi ka tapat, sa palagay mo ba ay sarado na ang puso ng Diyos sa iyo?

Ang unang dalawang tanong ay nagsasaad ng paniwalang ang mga banal, perpekto, at pinili lang ang tinatawag makapiling ng Panginoon. Ang sumunod na dalawa naman ay tumutukoy sa kaisipang kapag makasalanan ka o mahina, walang puwang sa iyo sa puso ni Hesus, o sa plano ng kanyang pagliligtas.

Parehong mali ang mga ito kapag iniugnay sa Eukaristiya, sa tunay na presensya ng Panginoong Hesus sa kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Misa. Totoong nalulugod ang Diyos sa mga banal at tapat, subalit hindi ba sinabi din niyang naparito siya para sa makasalanan at mahihina (Lk 5:32)? Kailan ba napigil ng kasalanan, ng anumang kasalanan, ang pagmamahal, paglingap, at pagsagip sa atin ng Panginoon? Ang Diyos ay higit sa ating puso (1 Jn 3: 20) at ang kaisipan niya ay lampas sa ating panghuhusga at pagtataboy sa kapwa.

Tinatawag ng Panginoon Diyos ang lahat ng kanyang mga anak; dahilan upang mamatay si Hesus sa krus at mabuhay siyang muli. Ang tunay na mga banal ay hindi naniniwalang sila lang ang may karapatan kundi mababang-loob na nagpapasalamat sila sa pag-ibig na nakamtan nila. Ang mga madalas bumagsak at magkamali naman ay lubhang malapit sa puso ng Diyos dahil mas kailangan nila siya. Ganito ang alibughang anak, ang nawawalang tupa at kusing, ang nagsising salarin sa krus, at si Pedrong nagbalik-loob.

MAGNILAY

Kung tagumpay tayo sa pagsunod, dahil ito sa biyayang kaloob sa atin ng Diyos. Kung lagi naman tayong nadadapa, kailanman hindi niya tayo iiwan o pagsasawaang mahalin. Sa mga nagnanais na tumayo sa pagkakadapa, na mababang-loob na humihingi ng tawad at awa, alay ng Diyos ang bagong buhay. Si Hesus ay hindi para sa mga perpekto kundi para sa mga nagnanais sa kanya, banal man o makasalanan. Baunin mo ang aral na ito sa kapistahan natin ngayon.