DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES K
ANG ESPIRITU SANTO AT PAG-ASA
JN 20: 19-23
MENSAHE
Habang ang pananalig ng simbahan sa Diyos ay sinasagisag ng isang angkla (anchor) na nagpapakita ng katatagan ng pangakong presensya at tulong ng Diyos, isa pang matibay na larawan ng pag-asa ay ang layag (sail) ng isang barko, na nagpapakita ng kilos, pag-usad, at pagtulak.
Ang pag-asa ay tila isang layag, at ang hangin na umiihip dito tungo sa malawak na karagatan at sa ligtas na daungan ay ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. “Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Rom 15: 13).
Ang Espiritu Santo ang pumupuno sa Kristiyano ng pag-asa, lalo na sa mga situwasyon na tila madali nang sumuko, kung ang tuksong maupo na lang at huwag kumilos ay malakas. Ang Espiritu Santo ang gumagawang posibleng na magka-pag-asa sa pamamagitan ng pagpapaalala na tayo ay mga anak ng Diyos at tagapagmana ng “pag-asang hindi mabibigo” (Rom 5:5).
Ang Espiritu Santo ang gumaganyak sa mga Kristiyano na kumawala sa pagkabilanggo sa sarili at sa takot at maging tulad niya – mga mang-aaliw – na handang dumamay at magtanggol sa mga mahihina, dukha at mga itinapon ng Lipunan. Sa madaling salita, ang Espiritu Santo ang nagpapabago sa atin mula “tagatanggap ng pag-asa” tungo sa “tagahasik ng pag-asa” sa paligid na ginagalawan natin at sa buong mundo.
MAGNILAY
Kung kinailangan ni Hesus ang Espiritu Santo sa kanyang buhay, lalo’t higit sa atin. Ipanalangin nating mapuno tayo ng Espiritu Santo, maging mga sisidlan niya, at pagkatapos ay maging mga tagahasik ng kanyang pag-asa sa paligid natin. Halina, Espiritu Santo, at baguhin mo kami!