Home » Blog » PANALANGIN PARA SA MGA AMA (Fathers’ Day)

PANALANGIN PARA SA MGA AMA (Fathers’ Day)

Ama naming Makapangyarihan,

Maylikha ng langit at lupa.

Noong iyong ipinagkaloob sa amin

ang Iyong Bugtong na Anak na si Hesukristo

upang maging aming Manunubos,

niloob mong ipagkatiwala Siya

sa ilalim ng pangangalaga ni San Jose

bilang kanyang ama dito sa lupa.

Hinihiling namin na Inyo pong basbasan

ang lahat ng mga Ama at Lolo

sa araw na ito.

Pagkalooban mo po sila ng lakas

mula sa iyong Banal na Espiritu;

upang kanilang mahalin nang may katapatan;

at maitaguyod nang may pagtitiyaga

ang kanilang mga pamilya;

at upang sila ay maging huwaran

ng mabuting pamumuhay bilang mga Kristiyano.

Amin ding inaala-ala ang lahat ng mga amang naghahanap-buhay

sa labas ng bansa upang kanilang matustusan

ang mga pang araw-araw

na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Manatili nawa silang tapat sa Iyong mga kautusan,

Manatili nawa silang tapat

sa kanilang mga sinumpaang pananagutan

sa sakramento ng kasal;

at iadya mo po sila sa ano mang uri ng sakuna

at karamdaman sa pangangatawan.

Ito’y aming hinihiling sa pamamagitan ni Hesukristo

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.