IKA-14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
MAY MISYON KA NGAYON!
LUKE 10: 1-12, 17-20
MENSAHE
Isa lang ang nais ni Felipe Neri – ang maging Heswita at magmisyon kasama nila sa India. Subalit nang mamulat siya sa kaawa-awang kalagayan ng simbahan at lipunan sa Roma, nagsimula siyang maglingkod sa mga batang lansangan at mga dukha, mangaral sa mga mamamayan, at gumabay sa mga namamanata sa banal na lungsod hanggang mapagtanto niyan ang misyon niya ay hindi sa India. Kaya naging misyonaryo siya mismo sa Roma, at naging isa sa mga pinakamamahal nilang santo doon.
Nilisan ni Robert Francis Prevost ang kanyang pamilya upang maging isang seminaristang Agustino. Nang maging pari, hinirang siyang maging superyor ng kanyang orden at misyonero sa mga mahihirap na tao sa Peru. Dinala siya ng kanyang misyon sa Roma kung saan noong 2025 siya ay naging si Papa Leon XIV, ang misyonerong Santo Papa!
Umaalingawngaw sa Mabuting Balita ang tunog ng misyon. Ipinagkatiwala ng Panginoong Hesukristo sa mga alagad ang maging manggagapas sa anihan ng Diyos. Hindi alintana ang panganib o pansariling kapakanan, mangangaral sila ng Kaharian ng kapayapaan at magpapalaya sa mga tao mula sa kamalian, kasalanan, at kasamaan. Ang tawag ng Diyos para sa misyon ay hamon pa din sa lahat ng mga tagasunod ni Kristo ngayon. Lahat tayo ay isinusugo upang ipagpatuloy ang gawain ng Panginoon at ng mga alagad saan man tayo naroroon ngayon at saan man tayo mapapadpad bukas.
Hindi madali ang misyon. Kailangan ng sakripisyo, minsan pa nga, ng paghahandog ng buhay. Kaya dapat nating ipagdasal ang mga misyonero at itaguyod sila. Subalit sa ating buhay, malayo sa mga panganib ng pakikibaka sa malalayong lugar, ang misyon natin ay mahirap din dahil humihingi ng pagpupunyagi, pagtitiis, pagtatalaga at pagmamahal sa gitna ng mga simple at karaniwang gawain natin para sa mga nakapalibot sa atin.
MAGNILAY
Tinatanong mo ba minsan ang Diyos kung may nakalaan pang misyon para sa iyo? Naghahanap ka ba ng kahulugan at pakay ng buhay? Hilingin mo sa Espiritu Santo na buksan ang iyong puso sa tahimik na tinig ng Diyos sa iyong kaluluwa, at buksan ang iyong mga mata sa mga posibilidad na maglingkod sa kanya kung saan ka naroroon ngayon, na taglay ang lakas at tapang ng isang tunay na misyonero sa mundo.