Home » Blog » IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

HINDI DRAKU-LOVE
LK 10: 25-37

MENSAHE

Kapag lumulutang ang usapin sa pag-ibig, marami ang nag-iisip na nakababagot, karaniwan, at gasgas na paksa na ito. Paano ba naman, ang pag-ibig ay maaaring ituon sa paboritong pagkain, alagang hayop, lugar bakasyunan, o gawaing pan-libangan. Karamihan sa gamit ng salitang pag-ibig ay tila “Dracu-love” at hindi tunay na pagmamahal.

Kilala naman natin si Dracula. Nang-aakit ng mga babae upang siluin ng matatamis na salita at panunuyo hanggang makuha ang kanyang tunay na kagustuhan – ang sipsipin ang dugo nila at iwanan silang walang buhay. Ang Dracu-love ay pekeng pag-ibig dahil kumukuha at hindi nagbibigay, naninira at hindi bumubuo, pumapasalang at hindi nagpapanatili.

Ang tunay na pagmamahal, na hinahanap ng tao mula kay Hesus, ay para sa “buhay na walang hanggan.” Ang ganap na pag-ibig na mula sa Diyos lamang at itinuturo ni Hesus, ay hindi nakatuon sa sarili kundi sa kapwa. Kaya nga, hinikayat ng Panginoong Hesukristo ang tao na iwaglit ang sarili at italaga ang puso sa Diyos at sa kapwa niya. Ito kasi ang pag-ibig na may pangakong buhay.

Higit sa pasya lang o damdamin, itinuro ng Panginoong Hesukristo ang taong lumapit sa kanya, at tayong lahat ngayon, na magmahal nang kongkreto tulad ng Mabuting Samaritano, sa pamamagitan ng pag-aabot ng kamay, pagbabahagi ng nakayanan, at paglalaan ng konting panahon, para sa isang nangangailangan. Ang pagsasabuhay ng pagmamahal ay nasa pangaraw-araw na kilos ng habag para sa ating mga kapatid at kapwa.

REFLECT

Sa harap ng salamin, tanungin mo ang sarili: Alam ko ba paano magmahal sa paraang nagbibigay-buhay? O mas mahal ko ba ang sarili ko kaysa aking pakikipag-ugnayan sa Diyos at ibang tao? Panginoong Hesus, bigyan mo po ako ng pag-ibig na nagbibigay buhay sa kapwa, na nagbibigay parangal sa Diyos na una at laging nagmamahal sa akin. Amen.