Home » Blog » IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

HUWAG MO KAMING IPAHINTULOT…

LK 11: 1-13

MENSAHE

Ang  Ama Namin ay isa sa mga yaman ng panalanging Kristiyano. Isinisiwalat nito sa atin kung sino ang Diyos para kay Hesus; siya ang kanyang Ama! At ibinabahagi ng Panginoon sa atin ang pinakamahalaga niyang kayamanan. Ang kanyang Ama ngayon ay Ama na din “natin.”

Minsan madaling magdasal, at minsan namin nakakalito din. Sa Ama Namin, nakapagtataka na kung tunay na mabuti ang Diyos, kung tunay siyang Ama natin, bakit may sinasabi na “huwag mo kaming iharap sa matinding pagsubok?” Iyan ang sabi sa ebanghelyo ngayon na katumbas ng ating karaniwang dinadasal na: “Huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.” Totoo nga bang ibubuyo tayo ng Diyos sa tukso? Ito ang dahilan kung bakit sa ibang bansa, inayos ang panalangin at ngayon ang sambit nila: “Huwag mo kaming iwanan sa tukso” (Italya) o “Huwag mo kaming ilantad sa tukso” (Pransya).

Subalit ang sabi ng Panginoong Hesus ay “iharap sa pagsubok” o “ipahintulot sa tukso.” Paano nga ba kung minsan talagang pinapayagan tayo ng Diyos na dumanas ng mga tukso? Maaaring para sa kanyang dakilang karunungan, ang mga tukso din ay may halaga sa buhay espirituwal. Sa mga oras ng tukso kasi, doon tayo nagigising sa katotohanang marupok tayo at mahina at hindi makaaasa sa sariling lakas lamang. Sa tukso, nakikita nating mapanganib ang buhay, kaya dapat piliing mabuti ang mga salita at gawa na nagmumula sa atin ngayon.

Ang isang tukso ay hindi agad katumbas ng kasalanan, maliban na lamang kung tatanggapin natin ang paanyaya nito at kakalimutang unahin ang Diyos kaysa ating pagka-makasarili. Nagiging higit na masama ang tukso kung maniniwala tayong hindi natin ito matatalo; na nakatakda talaga tayong madapa at mahulog dito. Dahil ang biyaya, ang kapangyarihan ng Diyos, ang lumulupig sa tukso kapag tapat natin itong hinihingi. Minsan, inihaharap tayo ng Diyos sa tukso, ipinapahintulot niya itong mangyari, subalit tandaan natin na lagi din niya tayong “ipinag-aadya sa lahat ng masama.”

MAGNILAY

Lahat tayo ay may karaniwang tukso na kumakatok sa ating puso o dumadapo sa ating isip. Ano ang pangkaraniwang tukso sa buhay mo? Kapag dumadating ito, kumakapit ka ba sa kamay ng ating Ama sa langit at humihingi ng grasyang malampasan ito? At kung madapa o mahulog man tayo dito, nagtitiwala ka ba sa mga kamay ni Hesus na hahawak sa iyo at itatayo kang muli na may pagmamahal at awa?