Home » Blog » Litanya ng Kaaliwan (A prayer for Mental Health)

Litanya ng Kaaliwan (A prayer for Mental Health)

Kapag ang dilim ng kapanglawan ay umaaligid sa akin – Panginoong Hesus, ang wika mo: Ako ang Liwanag ng mundo.

Kapag nagugupo ng aking kahinaan at hangganan – Panginoong Hesus, ang wika mo: Mapalad kayong dukha sa espiritu, sa inyo ang aking Kaharian.

Kapag binabalot ako ng kalungkutan – Panginoong Hesus, ang wika mo: Mapalad ang nagdadalamhati, aaliwin ko kayo.

Kapag nababagabag ng kawalang-katiyakan at mga kakulangan – Panginoong Hesus, ang wika mo: Mapalad ang mababang loob, sila ang magmamana ng daigdig.

Kapag naliligaw at walang mabalingan – Panginoong Hesus, ang wika mo: Alam ng iyong Ama ang kailangan mo bago mo pa sabihin ito.

Kapag nababahala at nag-aalala sa maraming bagay – Panginoong Hesus, ang wika mo: huwag mag-alala sa pagkain, inumin o kasuotan.

Kapag tinatamad at hindi mapalagay – Panginoong Hesus, ang wika mo: Hanapin muna ang Kaharian ng Ama at ang lahat ng ito ay ibibigay sa iyo.

Kapag hindi makakilos dahil sa sobrang pagkabagabag – Panginoong Hesus, ang wika mo: Pabayaan mo ang bukas na mangalaga sa mga bagay na iyan.

Kapag tila iniwanan at walang laban – Panginoong Hesus, ang wika mo: Humingi ka at ikaw ay bibigyan.

Kapag puno ako ng hiya at panghihinayang sa nagawang kasalanan – Panginoong Hesus, ang wika mo: Naparito ako hindi para sa matuwid, kundi para sa makasalanan.

Kapag nababalot ng takot at pagkabalisa – Panginoong Hesus, ang wika mo: Huwag kang matakot sa anuman; narito ako.

Kapag walang direksyon o layunin ang buhay – Panginoong Hesus, ang wika mo: Sumunod ka sa akin.

Kapag sa tingin ko ako’y kabiguan at walang halaga – Panginoong Hesus, ang wika mo: Higit kang mahalaga sa mga ibon sa himpapawid

Kapag nagugupo ng mga pagkagumon sa masasamang gawi o bagay – Panginoong Hesus, ang wika mo: Halikayong lumapit lahat ng napapagal at nahihirapan.

Kapag sinasalungat ng masungit at marahas na pangyayari sa buhay – Panginoong Hesus, ang wika mo: Ako ay maamo at mababang-loob; sa akin ka magpahinga.

Kapag tila munti lamang ang aking maibibigay – Panginoong Hesus, ang wika mo:   sa sinumang mayroon, mas bibigyan pa siya.

Kapag nag-aabang ng pagsang-ayon ng iba at natatakot naman sa kanilang panghuhusga – Panginoong Hesus, ang wika mo: Sinumang maging tulad ng isang maliit na bata ay mas mahalaga sa Kaharian ng Diyos

Kapag pinanghihinaan ng loob dahil nang dahil sa kalagayan ng katawan ko – Panginoong Hesus, ang wika mo: Manatili ka sa akin at huwag matakot sa anuman

Kapag tila wala nang pag-asa ang aking situwasyon sa buhay – Panginoong Hesus, ang wika mo: Sa Diyos, walang imposibleng mangyari

Kapag palagay ko ang buhay ko’y walang halaga at kabuluhan – Panginoong Hesus, ang wika mo: ang nahuhuli ang siyang mauuna.

Kapag takot akong harapin ang katotohanan ng aking sarili – Panginoong Hesus, ang wika mo: ang nagpapakababa ay itataas.

Kapag napapagod na sa pagkabagot, pagkapagal, at pagkahapo – Panginoong Hesus, ang wika mo: Halikayo at tumungo sa malayong lugar upang mamahinga.

Kapag nasisindak sa rumaragasang unos ng buhay – Panginoong Hesus, ang wika mo: Huwag matakot, narito ako.

Kapag nag-aalinlangan at walang masandalan – Panginoong Hesus, ang wika mo: Lahat ay mangyayari sa isang nagtitiwala.

Kapag mahirap magpunyagi at natutukso nang sumuko – Panginoong Hesus, ang wika mo: Sa pagsisikap mo, maliligtas ang buhay mo.

Kapag kapaitan at hinanakit ang lumalason sa puso – Panginoong Hesus, ang wika mo: Kapag pinalaya ka ng Anak, tunay kang magiging malaya.

Kapag pakiramdam ko, ako ay walang kakampi at hindi kabilang – Panginoong Hesus, ang wika mo: Kilala ko ang aking mga tupa at kilala nila ako.

Kapag ang tanging nakikita ko ay ang kamalian at kahinaan ng iba – Panginoong Hesus, ang wika mo: Huwag mabagabag ang inyong puso; manalig sa akin.

Kapag tila itiniwalag at nilayuan ng kapwa – Panginoong Hesus, ang wika mo: Ako ang puno, at kayo ang mga sanga.

Kapag nalinlang ng pagmamahal at pagkahilig lamang sa aking sarili – Panginoong Hesus, ang wika mo: wala kang magagawa kung malayo ka sa akin.

Kapag nasisiphayo dahil sa pag-iisa at pagkakalayo sa iba – Panginoong Hesus, ang wika mo: Hindi kita iiwanang ulila.

Kapag malungkot dahil tila walang kaibigan at pinagtaksilan ng kapwa – Panginoong Hesus, ang wika mo: Itinuturing kitang kaibigan.

Kapag tumatanggi akong maniwala na may magmamahal pa sa akin – Panginoong Hesus, ang wika mo: Hindi ikaw ang pumili sa akin; ako ang pumili sa iyo.

Kapag natutuksong magsawalang-bahala, magduda at masindak – Panginoong Hesus, ang wika mo: Humingi ka at ikaw ay bibigyan, at mapupuno ka ng kagalakan.

Kapag nabahiran ng poot at karahasan ng mundong ito – Panginoong Hesus, ang wika mo: Manalig ka; napagtagumpayan ko na ang mundo.

Kapag naiisip kong ang kaligayahan ay isa lamang maling akala – Panginoong Hesus, ang tanong mo sa akin: Iniibig mo ba ako?

Kapag nagipit ako at tila wala nang pag-asa – Panginoong Hesus, ang tanong mo sa akin: Iniibig mo ba ako?

Kapag nagpasya akong wala nang halaga ang aking buhay – Panginoong Hesus, ang tanong mo sa akin: Iniibig mo ba ako?

Opo, Panginoong Hesus, mahal na mahal kita! – Panginoong Hesus, ang wika mo: Manatili ka sa aking pag-ibig.


(Sariling salin ng ourparishpriest mula sa English version sa Magnificat)