Home » Blog » IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

MULA KASAKIMAN TUNGO SA KALAYAAN

LK 12: 13-21

MENSAHE

Tahasan ang mga aral at babala sa atin ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita ngayon: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman.” Ang aral ng Panginoon ay ang panlaban sa masamang epekto ng kasakiman, maging sa materyal o hindi materyal na bagay. Ang kasakiman ay nakaugat sa pagnanasa (desire) – pagnanasang mag-angkin at magsaya para sa sarili lamang; ang pagkapit sa mga bagay na pagmamay-ari mo na at sa mga nais mo pang mapasa-iyo sa hinaharap.

Nang ipahayag ng Panginoong Hesus ang panganib ng kasakiman, ito ay dahil alam niyang ang pagnanasa ay nagbubunga ng damdaming tila kulang pa, naghahasik ng pagkabahala, at nagdadala sa pagkawasak ng tao at ng kanyang pakikipag-ugnayan. Sa halip na maging masaya, ang sakim ay nananatiling malungkot; sa halip na ganahan sa buhay, nagiging insecure; sa halip na maging maligaya, nabubulid sa panimdim ang puso.

“Ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.” Sa pananaw ni Hesus, dapat mabuhay nang malaya, nagpapasalamat, walang takot na magbahagi, at sa kapayapaan ng isip at puso na nagmumula sa pagkalas sa pagka-makasarili. Ang mabuhay sa Diyos ay hindi tungkol sa pagnanasa kundi sa pananabik (longing) – pananabik sa mga pangako ng Diyos, sa kanyang pagbubukas-palad, katapatan at maaasahang pagmamahal, pagkalinga at awa.

MAGNILAY

Hindi ka sakim sa anuman o nakakapit sa anuman, palagay mo? Saliksikin ang puso ngayon. Ano ang mga bagay na hindi ka mabubuhay na hindi mo taglay – maging ari-arian, reputasyon o mga tao? Hilingin sa Panginoon ang kaloob na kalayaan, pagbabahagi, at pasasalamat sa kanyang mga kaloob sa buhay mo.