IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
ANG MAHIWAGANG MAKIPOT NA DAAN
LK 13: 22-30
MENSAHE
“Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.” Hindi ba ang Panginoon naman ang gumawa ng landas patungo sa langit? Bakit kailangang makipot ang pintuan? Parang hindi patas a! Kung gusto niya tayong lahat na maligtas, dapat mas maluwang ang pintuang inilagay niya!
Hindi ba ganito ang mga tanong na naglalaro sa isip natin at puso? Bakit binigyan tayo ng lakas pang-ugnayan at sekswal, tapos ang daming bawal gawin? Bakit may sikap at tiyaga para umunlad at yumaman tapos sasabihin sa ating huwag mahumaling sa materyal na bagay at pera? Bakit pinagkalooban tayo ng maganda at matipunong mga mukha at katawan tapos bawal daw ipagmalaki at ipagyabang? Ang kalikasan ba ng tao ay landas patungong impiyerno?
Naku hindi po! Ginawa ng Panginoong Diyos ang lahat ng kanyang mga anak na mabuti at maganda at binigyan ng pagkakataong lumigaya at magpakabanal. Kahit nga tayo sumasably at bumabagsak, lalo pa niya tayong minamahal at kinakalinga. Ang landas sa kabanalan ay hindi makipot kundi malawak, dahil sa anumang landas ng buhay, maging sa pinakamalayo o pinakamadilim, maaari nating iugnay ang ating puso sa Panginoon. Malawak ang landas… ang pinto lang ang makipot.
Mahirap tayong makapasok sa makipot na pinto kung sobrang lumobo na ang ating kayabangan na hindi na kasya sa pasukan. Hindi tayo makakatawid sa pinto kapag ang pagkamakasarili natin ay sobrang bigat na hindi na tayo makahakbang. Ang impiyerno ay hindi kasama sa balakin ng Diyos subalit tunay ito dahil tunay din ang ating yabang at kasakiman na nagiging hadlang sa paglilingkod sa Diyos at pagtanggap, pagmamahal at pagpapatawad sa ating kapwa-tao.
MAGNILAY
Huwag matakot na hindi makapasok sa makipot na daan. Walang sinabi ng Panginoong Hesus na hindi makatatawid doon ang makasalanan. Tandaan nating siya ang nakatayo sa harap ng pinto, nag-aabang na may pagmamahal na ganap at wagas. Subalit kailangan isuko ang kasakiman at mangakong magiging mabuti at makatarungan sa kapwa. Kailangang ibaba ang yabang at taos-pusong humingi ng patawad at paghilom.