IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
ANG MAGKAROON NG SARILING PAG-IISIP
LK 14: 25-33
MENSAHE
Nasa Mabuting Balita ngayon ang pinakamalaking hamon sa pangangaral ng Panginoong Hesukristo: “Ang hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.” Tulad ng Panginoon, bawat alagad ay may krus na dapat bitbitin patungo sa kaganapan ng Kaharian.
Paano kaya magpasan ng krus ngayon? Isang maaaring tugon ang handog ng ebanghelyo: kailangang mag-isip, magnilay, magbulay-bulay. Tulad ng isang magtatayo ng tore o ng haring sasabak sa digmaan,ang alagad ni Kristo ay dapat yumakap sa krus ng masusing pag-iisip, tamang pag-iisip, matalas na pag-iisip hindi para sa sarili kundi para sa Diyos at kapwa.
Maaaring sabihin natin na madali naman mag-isip, di ba? Subalit sa panahon natin ngayon, tila ang mag-isip ay natabunan na ng pagsunod na lang sa boses ng maiingay, sa kabobohan, at sa katamaran. Ilan ngayon ang sunud-sunuran na lang sa damdamin at sigaw ng mga idolo nila? Ilan sa atin ang tunay na nagsasaliksik, nagtatanong, naghahanap ng tama bago magpasya? Ilan din ang sa halip na makinig sa mga tao, kumilatis sa mga pangyayari, at dalhin ito sa panalangin, ay naghahanap na lang ng gabay mula sa Google, artificial intelligence (AI), o social media?
Ayon sa isang pag-aaral, ang mga taong sobra ang paggamit ng AI, mag-aaral man o hindi, ay nagkakaroon ng pagbaba ng memorya, mapanuring pag-iisip, at ng kakayahan ng utak. Isang malaking krus ang magnilay, mag-isip, at mangatuwiran nang tama ngayon; lubhang madali naman ang sumunod na lang o gumamit ng gadget. Subalit sa panahong kailangan ang mga tunay na Kristiyanong ginagabayan ng Salita ng Diyos at kaibigan ni Hesus, mahirap na gawain ang masusi at madasaling pagkilatis na isang krus na dapat nating pagdaanan upang matulungan nating lumago at maghilom ang ating daigdig.
MAGNILAY
Tapat mo bang masasabi na tulad ng haring sasabak sa giyera on ng taong nagbabalak magtayo ng tore, maingat mo ding pinag-iisipan at pinagdadasalan ang mga kilos mo? Hilingin natin sa Panginoon na ipagkaloob sa atin ang krus ng pagkilatis upang matuklasan ang kanyang kalooban at presensya sa ating mundo at sa ating buhay. Amen.