IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
TUMAYO SA SARILING PAA
LK 17:11-19
MENSAHE
Maraming anggulo ang ating Mabuting Balita ngayon. Isa itong salaysay ng paghilom, habag, pasasalamat, pagtanggap, at kapangyarihan ng Diyos kay Hesus. Subalit may masusungkit pa tayong ibang mukha ng kuwento: ang tapang at pagsasarili ng Samaritanong ketongin.
Habang ang sampung ketongin ay pinagaling lahat, ang Samaritano lamang ang nakaisip bumalik at magpasalamat sa Panginoon. Habang lahat ay tumanggap ng matinding pagpapala, siya lamang ang nagpasyang maki-ugnay sa Dakilang Manggagamot. Habang masayang umuwi ang lahat, tinahak niya ang salungat na landas kung saan siya nakaranas ng kalayaan sa hiya at pait. Gumaling sa pisikal na anyo, at higit pa doon, naghilom siya mula sa kahihiyan, pagtatago, at pagkatakot. Nagkaroon siya ng sariling mukha, tinig, at paninindigan… kahit pa mag-isa lamang siya ngayon.
Hindi ba magandang aral ito sa pagsunod-Kristiyano? Madalas ang mga tao ngayon ay sumusunod lang sa kilos at salita ng iba, at limitado sa pansariling pag-iisip at pasya. Kung ano ang makita sa social media, agad bilib; kung ano ang marinig sa balita, agad agree; kung sino ang maingay at tila kapani-paniwala, agad sunod naman.
Ang pagiging Kristiyano ay “lonely” o mapanglaw dahil nangangailangan ito ng pagbabalik kay Hesus at hindi sa madlang pipol, ng pagkakaroon ng sariling prinsipyo at hindi iyong sabi ng nakararami, at ng malayang paninindigan na hindi basta susunod sa umiiral sa kapaligiran. Ang naghilom na ketongin ay tumayo sa sarili niyang paa. Naging isang tao siya na puno ng pasasalamat, pananampalataya, at pagkilatis sa presensya ng Diyos.
MAGNILAY
Madali ka ba mabahiran ng kaisipan, haka-haka, at kilos ng iba? Bilang Kristiyano, lumalago ka ba o nahihinog sa gitna ng pamilya, simbahan, at lipunan? Manalanging matutong tumayo sa sariling paa at magkaroon ng sarili at matatag na mga paninindigan bilang Kristiyano sa mundo ngayon.