IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
MAHAL NG DIYOS ANG MAPAGPAKUMBABA
LK 19, 9-14
MENSAHE
Ang hambog o mayabang ay malikhain at mapag-imbento. Kaya niyang humabi ng sariling salaysay, kuwentong sinasabi niya sa sarili at nais na paniwalaang ng iba. Sa imahinasyon niya, may mundong siya lang ang perpekto at magaling. Ang mapagpakumbaba naman ay simple at makatotohanan. Nagsisimula siya sa katotohanan ng kanyang kahinaan, at maging sa kapalpakan. Hindi siya takot ipakita sa mundo na hindi siya ganap at hindi hayahay ang buhay niya.
Ang mayabang ay puno ng takot, kasi takot na mabisto o malantad. Sa halip na umamin ng pagkakamali, ituturo niya ang iba upag magmukha siyag mataas, mabuti at kaiba sa kapwa niya. Ang mapagpakumbaba ay nakatingin sa kanyang sarili; kaya kita niya ang sariling pagkakamali at ang pangangailangan niya ng kaligtasan. Hindi siya naghahalintulad sa iba dahil ano pa ba ang maaaring ikumpara sa pinakamababa na?
Ang mayabang ay nagtatago sa loob ng pader na itinayo niya. Iniingatan ang sarili palibot ng mga narating at natamo niya, ng mabubuting gawa niya, ng pagsunod niya para lamang mapansin, purihin at kainggitan siya. Ang mapagpakumbaba naman ay nakatira sa malayang espasyo kung saan naroon ang awa at kapatawaran. Hindi siya nagmamalaki subalit handa na magsimulang muli sa wala.
Ang mayabang ay nakatayo sa harap ng Diyos habang nagdarasal sa sarili niya, para bang gustong hangaan siya ng Panginoon. Ang mapagpakumbaba ay hindi makatingin sa Diyos subalit nagdarasal sa Diyos na tanging makapagliligtas sa kanya sa lahat ng kanyang mga pagsubok.
At kaya, “Ang dalangin ng mapagkumbaba ay lumalampas sa ulap,” sabi sa unang pagbasa ngayon. At “ang sinumang nagpapakababa ay siyang itataas,” ayon sa Panginoong Hesukristo sa Mabuting Balita natin.
MAGNILAY
Natural lang makaramdam ng pagyayabang dahil nais din ng Diyos na sikapin nating maging dakila at matuwa sa ating mga narating at nakamtan. Subalit sa harap ng Diyos, na siyang pinakadakila at pinakamakapangyarihan sa lahat, dapat lamang na manatiling mababang-loob, bukas, at masunurin. Hilingin nating matagpuan natin ang kaloob na tunay na kababaang-loob.