ARAW NG MGA YUMAO/ IKA- 31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
NATATANGING OKASYON
JN 6: 37-40
MENSAHE
Ano ang ginagawa mo pag nagsisimba nang Linggo? Aminin natin, ipinagdadasal natin ang ating sarili – sariling kalusugan, trabaho, pamilya, problema at mga kahilingan. Siyempre, nagdadasal din para sa iba, pero una muna ang ating sarili, di ba?
Subalit ngayon ay natatanging okasyon. Ang buong simbahan ay nagtitipon sa Misang ito, hindi para magdasal sa mga pansariling kahilingan kundi para sa iba – sa iba na mahal natin, nami-miss natin, nais natin sana ay narito pa… subalit wala na. Ipinagdadasal natin ang mga mahal nating yumao – ina, ama, kapatid, asawa, matalik na kaibigan, anak o pinagkakautangan ng loob. Ang Araw ng mga Yumao ay pag-alala, pangungulila, pakikipagniig, at pag-asa na sa kanilang kinalalagyan, ipinagdadasal din nila tayo habang hinihintay nila tayo doon balang araw.
Dapat ba ipagdasal ang mga yumao? Nasa Bible iyan e, sa Aklat ng Macabeo, unang-una. Ginagawa iyan ng mga Hudyo bago pa dumating ang Panginoong Hesus. Gayundin ang mga Kristiyano sa sinaunang panahon pa. Ang mga Kristiyano, lalo na ang mga Katoliko at Ortodosso, ginagawa din ito ngayon dahil naniniwala tayo sa pag-ibig ng Diyos na nag-uugnay hindi lang sa ating magkakahiwalay ngayon at dito, kundi maging sa pagitan ng langit at lupa. Ang Araw ng mga Yumao ay pagdiriwang ng kapangyarihan ng pagmamahal na nagbubuklod, ng Diyos na nagtitipon sa kanyang mga anak, buhay man o yumao na.
Ang mga mahal na yumao ay nagdarasal din para sa ating habang nananalangin tayo para sa kanila. At kung tayo naman ang papanaw, ang mga maiiwan natin ay magdarasal pa din para sa atin. Bahagi ito ng paninindigan natin sa “kasamahan ng mga banal.” Ito ay kayamanan ng pananampalataya natin kay Hesus na namatay at muling nabuhay.
MAGNILAY
Ialay natin ang Eukaristiya para sa mga mahal na yumao sa ating buhay, sa ating pamilya. Hilingin natin sa Panginoong Hesukristo ang biyayang makaugnay pa din sila sa espiritu. Hilingin din natin sa mga kaluluwa sa Purgatoryo na ipanalangin tayong patuloy na nakikibaka sa lupa ngayon. Amen.
(isang awit ng paggunita sa mga minamahal na yumao)