Home » Blog » IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

HUWAG KATAKUTAN ANG KATAPUSAN

LK 21: 5-19

MENSAHE

Hindi tayo nagsisimba para mangamba at matakot pero kung ganito ang Mabuting Balita, paano ka mapapalagay? Mantakin mo naman, ang tinatalakay ng Panginoong Hesus ngayon ay mga digmaan at pag-aalsa, mga kalamidad tulad ng lindol. Kung kailan pa naman kararanas pa lang natin ng mga lindol sa ating bansa, at ng tension ng hidwaan laban sa Tsina sa ating teritoryong pan-dagat. Ang mensahe, sa mga tagapakinig ni Hesus at sa atin man, ay hindi para sa mahihina ang loob.

At karaniwan sa mga ganitong paksa, ang unang tanong ng mga tao ay: Malapit na ba ang katapusan? Mapupunta ba tayo sa kapahamakan? Hindi natin masisisi kung maisipan ng mga tao ang maghanda para sa wakas.

Subalit ang Panginoong Hesus ay mabilis na nagpaalala na ang mga pangyayaring ganito ay hindi hudyat ng wakas. Ang makatotohanang pagtingin sa buhay ng tao at ng lipunan ay hindi dapat magdulot ng pagsuko. Sa halip, kapag dumating man ang pagkawasak, maging handang tumindig at magbuo muli. Kapag sumabog ang digmaan, dapat maging tagapagtaguyod ng kapayapaan. Kapag naganap ang mga kapahamakan, maging tulay ng habag at pagkakaisa.

Hindi perpekto ang mga tao kaya laging may hidwaang magaganap. Hindi kumpleto ang mundo kaya magluluko pa rin ang kalikasan. Hindi pa lubos na tanggap ang pananampalataya kaya’t may tutuligsa at tatanggi dito. Sa lahat ng ito, ang mensahe ng Panginoon ay matatag: Huwag matakot. Mas makapangyarihan ang Diyos sa kasamaan. Huwag masindak; Ako ang iyong tagapagtanggol.

MAGNILAY

Tayo ay bayang madalas dalawin ng kalamidad at kapahamakan, at api sa kamay ng mga matatakaw at tiwaling nasa kapangyarihan. Subalit ang ating tunay na lakas ay hindi sa takot kundi sa pananampalataya; hindi sa pag-aalinlangan kundi sa pagtitiwala. Panginoong Hesus, iligtas mo kami!