UNANG LINGGO NG ADBIYENTO A
KAPANA-PANABIK NA UMAGA
MT. 24: 37-44
MENSAHE
Sa pagsisimula ng Adbiyentong ito, gawin nating inspirasyon ang paghahalintulad ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, at gamitin natin na pananaw sa bagong panahon ng biyaya. Salubungin natin ang Adbiyento tulad ng pagsalubong sa bagong araw! Ang liwanag ng umaga ay dumarating; ang bukang-liwayway ay dahan-dahang sumisilip na. May mga taong naghihintay ng umaga na mabigat at maligalig;
Marami sa atin ang naghihintay lang mag-umaga dahil wala tayong tulog sa gabi… nakahiga pero hindi mapakali, nagbibilang ng oras at minuto, nakapikit pero nag-iisip, nagpupuyos ang puso sa dami ng alalahanin. Ang katawan ay minsang pagod o nananakit, ang Espiritu ay lupaypay, o talagang tinatamad lang tumayo at yakapin ang liwanag.
Subalit bilang mga Kristiyano, dapat may pananabik na naghihintay tayo sa umaga. Alam nating ang gabi ay magbibigay-daan sa bagong araw; ang kadiliman ay lalamunin ng sinag; ang paghiga ay hahantong sa pagbangon at pagkilos. Ang pagsalubong sa umaga ay salamin ng ating pananabik sa pagdating ng Panginoon na handang isuko ang madidilim na bahagi ng ating kaluluwa kanyang ilaw, at handang magpasalamat sa sa wakas, may bago at sariwang pag-asa na nakalaan sa atin.
Tama, hindi natin alam ang oras at araw ng pagdating ng Panginoon. Subalit taglay ang pusong bukas at masigla, ang kaluluwang nakikiramdam sa kanyang presensya, naghihintay tayong nakabukas ang mga bisig sa pagsalubong sa Panginoong tunay na nagmamahal sa atin.
MAGNILAY
Handa ka na ba sa bagong araw? Nananabik ka ba sa Diyos na magbibigay ng bagong liwanag sa iyong buhay at tatanglaw sa dilim ng kasalanan, kahihiyan, at kahirapan na iyong dinaranas? Panginoong Hesus, sa Abyentong ito, halina at dalhin mo ako sa bagong araw ng pangako, paghilom, at paglaya! Amen.