KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK A
PANAGINIP PARA SA PAMILYA
MT 2: 13-15, 19-23
MENSAHE
Nakakamangha na sa dakilang pista ng Banal na Mag-anak, matutunghayan nating sila, sa pangunguna ni San Jose, ay ginabayan ng panaginip, ng tatlong panaginip. Ang unang panaginip ay isang pangarap upang pangalagaan ang pamilya laban sa sakunang naghihintay bunsod ng galit ni Herodes. Kaya dinala si San Jose ang Mahal na Birheng Maria at ang Banal na Sanggol na si Hesus sa Ehipto. Dito, malayo kay Herodes, lumago sila sa pagmamahal at kasaganaan ng buhay.
Ang ikalawang panaginip ay pangarap upang itatag ang pamilya sa tinubuang-bayan. Iniuwi ni San Jose ang maybahay at si Hesus, Anak ng Diyos, sa Israel upang maging konektado, tanggap, at nakaugat sa kasaysayan, sa angkan at sa pakikipag-ugnayans a Diyos at sa kapwa.
Subalit may ikatlong panaginip, isang pangarap na nag-udyok sa kanila na tahakin ang landas na hindi inaasahan. Nagtungo ang Banal na Mag-anak sa Nasaret, isang liblib at hindi kilalang nayon, subalit magiging tagpo ng tahimik na paglago at pag-unlad ng Mesiyas, ng Anak ng Diyos na hinihintay ng Israel at ng buong mundo. Sa Nasaret, doon sila ay lalago sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Doon sila matututong mamuhay na payak, may pakikipag-kapwa, at may tiwala sa sarili. Sa pinakasimpleng kapaligiran, ang Mabuting Balita ay ihahanda upang ipahayag sa buong daigdig. Ang Banal na Mag-anak, tulad natin, ay nanaginip at nangarap din, at sinunod nila ang pangarap ng Diyos para sa kanilang buhay.
MAGNILAY
Ano ang pangarap mo para sa iyong mag-anak? Hayaan mong gabayan ng Espiritu Santo ang iyong pangarap upang matupad sa takdang panahon ng Diyos. O tumigil ka na bang mangarap para sa iyong pamilya? Huwag masiphayo kundi mangarap muli, at umasa, at manalangin na ang grasya nawa ng Panginoon ang magbuo ng pamilyang puno ng pagkakaisa at pagmamahalan.