EPIFANIA/ TATLONG HARI A
HANAPIN ANG IYONG “TUNAY NA HILAGA”
MT 2: 1-12
MENSAHE
Ang tatlong Haring Mago o mga Pantas ay mula sa “Silangan” at nagsisikap silang saliksikin ang mga pangyayaring nagaganap sa Silangan. Subalit sa kaibuturan ng kanilang puso, natagpuan nila ang kanilang “true north” o “tunay na hilaga.” Ano ba ang tinatawag na “true north” o “tunay na hilaga”?
Ito ay isang salitang paghahalintulad o talinghaga. Lahat daw tayo ay may personal na compass sa ating puso na nagtuturo sa atin ng direksyon ng hilaga, “north,” na ang ibig sabihin ay ang tunay na pamantayan, ang layunin, dakilang pakay, at tamang landas at direksyon ng buhay. Kapag natagpuan ang “tunay na hilaga” ng iyong buhay, natuklasan mo na ang kahulugan, ang lugar, ang misyon na iniatas ng Diyos para sa iyo lamang.
Ang mga pantas ay hindi lamang matatalino o edukado, kund tunay na “marunong,” puno ng malalim na pagninilay at pagkilatis. Hindi lang sila maalam sa pangyayari sa kalangitan. Masaliksik din sila sa kabuluhan ng buhay. Galing sa “Silangan,” natuklasan nila ang “tunay na hilaga” ng kanilang pag-iral sa mundo – ang Panginoong Hesukristo.
At nakakamangha, nang matagpuan nila ang Banal na Sanggol na si Hesus, doon naging malinaw ang kahulugan ng kanilang buhay – na ang kanilang gawain ay panalangin, ang kanilang propesyon ay altar, ang kanilang pamilya ay simbahan, ang kanilang tahanan ay tahanan ng Diyos. Kaya nagbalik sila sa pinanggalingan sa “silangan,” puno ng saya na namasdan nila ang mukha ng Diyos, at kung magiging laging tapat kay Hesus, matatagpuan nila lagi ang Diyos sa lahat ng lugar dahil lahat ng lugar ay maaaring maging “tunay na hilaga” kung kapiling ang Panginoong Hesus.
MAGNILAY
Naghahanap ka ba ng kahulugan ng buhay mo, ng iyong “tunay na hilaga?” Hilingin sa Panginoon na pumasok sa iyong puso at ipadama sa iyo ang kanyang presensya, na tiyakin sa iyo na wala sa malayo kundi nariyan siya kung saan ka nabubuhay at naghahanap-buhay, kung saan ka nagdadasal at naglilibang, kung saan ka nagmamahal at naglilingkod. Hesus, aking Tunay na Hilaga, maawa ka sa akin! Amen.