Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKATLONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

BAYANG DI-NAKALIMUTAN NG DIYOS

MT 14: 12-17

MENSAHE

Nang minsang mapadpad sa Cebu ang aking kaibigan, hinimok ko siyang kumain sa karinderyang nabigyan ng pagkilala ng Michelin-guide. Dahil naengganyo naman, tumungo ang kaibigan ko doon subalit laking gulat niya nang malaman niyang ang lokasyon ng kainan ay isang lugar na itinuturing palang hindi masyadong maayos o ligtas para sa mga turista. Napaisip tuloy ako kung bakit sa dinami-dami ng lugar sa Cebu, dito napili ng Michelin na dumalaw.

Noon Pasko, ipinagdiwang natin ang paglalakbay ng Anak ng Diyos mula langit patungo sa lupa – isang kahanga-hangang banal na pasya. Ngayon naman, sa simula ng kanyang pampublikong buhay, nadinig nating naglalakbay ang Panginoong Hesukristo sa Israel, subalit hindi sa bantog na Hudea kundi sa iniiwasang Galilea. Ang Galilea kasi ay, para sa mga pinunong relihyoso, hindi elegante, hindi dalisay, at may mababang uri ng wikang ginagamit ng mga tao doon. Sa pagtungo ni Hesus dito, nagiging malinaw ang kanyang pakay. Ipinapakita niya ang landas ng kanyang misyon, na siya ay papalapit sa mga dukha, itiniwalag, at itinapon.

Si Hesus ang “Diyos mula sa Diyos, at liwanag mula sa liwanag,” at ang kanyang nais ay tanglawan ng liwanag ang mga nasa kadiliman, ang nasa bingit ng kamatayan, tulad ng sinabi ng propeta. Ang pagpili na ito ni Hesus sa Galilea ay nagbubunyag ng puso ng kanyang misyon: mag-anyaya ng pagbabalik-loob at bagong buhay hindi ng mga banal kundi ng mga makasalanan, hindi ng malusog kundi ng mga maysakit, hindi ng mga perpekto kundi ng mga nagsisikap pa lamang.

Minsan tinanong ang isang monghe kung mas nalulugod daw ba ang Diyos sa panalangin ng mga banal kaysa sa mga taong may salang mortal. Ang tugong ng monghe, hindi sinasala ng Diyos ang mga panalangin natin at sinusuri kung kanino ito nagmula. Sa halip, lahat ng panalanging tapat at mula sa puso ay nakalulugod sa kanya.

MAGNILAY

Nararamdaman mo ba minsan na lagi ka lang nadadapa sa kahinaan, na laging kulang ang hakbang mo tungo sa kabanalan at kabutihan? Dahil dito, sa tingin mo, malayo ang Diyos sa iyo? Lakasan ang loob! Sa gitna ng kadiliman ng kasalanan pinipili ng Anak ng Diyos na dumalaw at manahan, na makilakbay at makiugnay sa kanyang bayan. Walang sawa siya sa pag-aalok ng pagbabagong puso at bagong buhay.