Home » Blog » KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO A

KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO A

HUBO

MT 18: 1-5, 10

MENSAHE

Para sa ating mga Pilipino, hindi natatapos basta-basta ang Pasko. Ang pagkamangha natin sa Sanggol na Hesus ay tila walang patid, at kailangan muling sariwain sa pamamagitan ng Pista ng Santo Nino.

Sa kaisipan natin, ang Santo Nino ay nakagayak nang marangal bilang hari o Emperador na may korona, setro, at globo, tulad ng mga tanyag na imahen sa Cebu, Pandacan, Tondo at Ternate. Dito matutunghayan ang Santo Nino bilang mabunyi, marangal at matagumpay. Subalit sa Cebu, matapos ang pista, may ritwal na tinatawag na “Hubo” kung saan hinuhubaran ng damit at palamuti ang Santo Nino upang ilantad ang kapayakan nito sa kanyang pagiging hubo, payak o karaniwan. Matapos hugasan at punasan, muli itong dinadamitan at iniluluklok sa altar.

Napakalalim ng kahulugan ng ritwal na ito. Tila paalala sa atin ng pagkakaugnay ng kasaysayan ni Hesus sa lupa, mula sa sabsaban kung saan ang hubad niyang katawan ay nanginig sa ginaw ng hangin at kuweba. Ang hubad niyang katawan ay muling nalublob sa malamig na tubig ng Jordan noong siya ay binyagan. At sa huli, ang kanyang katawan ay hinubuan at ibinayubay sa krus ng mga taong marahas na nagdala sa kanya sa kamatayan.

Sa puso ng Santo Nino ay isang Diyos na nagpasyang samahan tayo sa pagiging hubad at mahina, nagdurusa at walang depensa. Niyakap niya ang ating karupukan upang hilumin ang ating pagkawasak, patawarin ang ating mga kasalanan, at ibalik ang nawala nating dangal bilang mga anak ng Diyos.

MAGNILAY

Huwag mamangha lamang sa magarang imahen ng Santo Nino. At huwag ding maliitin ang kaamuan at kawalang-malay nito. Sa halip, pagnilayan ang mensaheng dala niya, buhay na ibinigay, hinati at ibinahagi, at inialay para sa ating kaligtasan. Nawa ang parangal natin sa Santo Nino ay magpaalala sa atin ng lalim ng pagmamahal ng Diyos. Ngayon, manahimik sandali at magpasalamat sa kanyang pagmamahal.