PAGBIBINYAG SA PANGINOON A
ISANG PISTA PA?
MT. 3: 13-17
MENSAHE
Nasa dulo na naman tayo ng panahon ng Pasko at papasok na sa karaniwang panahon. At tila sinasabi ng Simbahan na hindi naman masama na magkaroon pa ng isang pagdiriwang. Isa na lang, at ito ay ang Pagbibinyag sa Panginoon.
Gamitin natin ang kapistahang ito upang pagnilayan ang Paskong ating ipinagdiwang. Ano ba ang kahulugan nito para sa atin? Naging paraan ba ito upang bigyan lamang ng ligaya ang pagtatapos at pagsisimula ng taon? Naging pampalasa lamang ba ito ng bakasyon sa pamamagitan ng kasiyahan, pagsasama, at mga alaala? O naging daan ba ang mga nagdaang araw upang mapalapit tayo kay Jesus, na siyang tunay na sentro ng ating pagdiriwang?
Noong Pasko, nasilayan natin ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at sa kanya ay nakita natin ang mukha ng Diyos Ama. Ngayon naman, sa kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon, ang Ama ang siyang nakatitig sa kanyang Anak, hindi na bilang isang sanggol na nakabalot sa mainit na kumot, kundi isang ganap na taong umaahon mula sa malamig na tubig ng ilog. May paghanga at pag-ibig na nakatuon ang Ama kay Jesus na kanyang Anak, kinikilala siya hindi lamang bilang karaniwang nilalang kundi katulad niya, Diyos mula sa Diyos!
Inaanyayahan tayo ng Ama: “Pakinggan ninyo siya. Masdan ninyo siya. Huwag ninyong alisin ang inyong paningin sa kanya. Mahalin ninyo siya sapagkat siya ang Minamahal ko. Mahalin ninyo siya gaya ng pagmamahal ninyo sa akin. Siya at ako ay iisa. Siya ay Diyos at tao, ang aking Anak na totoo.”
MAGNILAY
Sa mga araw na ito, maglaan ng panahon upang pag-isipan kung gaano kakaiba si Jesus sa lahat ng tao sa kasaysayan. Pagnilayan kung paano mo siya nakikita at kung paano ka nakaugnay sa kanya. Iniaalok niya sa iyo ang isang ugnayang panghabambuhay. Pahalagahan mo ang iyong pananampalataya sa kanya, mahina man o matatag. Ito rin ang pananampalataya ng sinaunang Simbahan, ng Banal na Kasulatan, ng Nicea, at ng mga mananampalataya sa ating panahon.