IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
MABUTING MAGHANDA
MT 15: 17-37
MENSAHE
Sa gitna ng linggong ito paparating na ang Kuwaresma, na sisimulan sa Miyerkules ng Abo. At wala nang mas mabuting paghahanda dito kundi ang mga pagbasa sa liturhiya ngayon, na tungkol sa pagsunod o pagsuway sa Panginoon.
Sinasabi ng mga pagbasa na, una, ang kasalanan ay isang pasya. Ayon sa unang pagbasa (Sirac 15), ang maling gawain ay hindi aksidente. Sa kanyang kabutihan, binibigyan tayo ng Diyos ng mga landas na tatahakin kahit na hindi niya tayo pinipilit sa anuman. Gumagabay siya sa paggawa ng kabutihan subalit iginagalang niya ang kalayaan nating pumili. Ang pananaw na ito ng Diyos ang dapat magturo sa atin ng pananagutan at pagiging sensitibo sa kalooban ng Panginoon.
Ikalawa, ipinapaalala sa atin na ang kasalanan ay hindi muna isang kilos, kundi isang hangarin. Maaaring hindi natin nilalabag ang mga utos o sinusuway ang batas ng Diyos, subalit mayroong tinatawag na “diwa” ng batas, na malinaw sa aral ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita ngayon.
Sa puso nabubuo ang pagnanasa; sa kalooban nagaganap ang pagsang-ayon; sa imahinasyon nalilibang ang isip sa ipinagbabawal; sa hangarin kumikiling ang puso tungo sa masam… kahit wala pang nagaganap na kasalanan sa kilos.
Ang mensahe ng Panginoong Hesus ay nakasentro sa kasalanan subalit ang hamon at paanyaya niya ay nakatuon sa lalim ng pagpapatawad at awa ng Diyos. Ang pagsunod sa Panginoon ay hindi tungkol sa pag-iwas sa masama, kundi sa pagsasanay sa puso na tumibok tulad ng kanyang puso, na magmahal at gumalang sa lahat ng nakapaligid sa atin, maging tao, nilikha, o mismong ang mundong nakapalibot.
MAGNILAY
Mainam na maghanda sa Kuwaresma sa pamamagitan ng pagninilay sa ating mga kahinaan at paghingi sa Panginoon ng lakas na labanan ang mga ito, ang lakas na sa kanya lamang magmumula. Panginoon, nawa ang Kuwaresmang ito ay maging pagpapasya para pillin kita higit pa sa anuman o sinuman sa buhay ko! Amen.