Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A

IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A

PANAHON PARA MANAHIMIK

MT 17: 1-9

MENSAHE

Kamangha-manghang pangitain! Mapaghimalang panoorin! Anong luwalhati ni Hesus habang nasa magkabilang tabi niya sina Moises at Elias na kinatawan ng Batas at mga Propeta ng Lumang Tipan. Ang mga alagad, bagamat nagugugulumihanan, ay tunay na naapektuhan ng nasaksikahan sa bundok.

Narinig nila ang tinig ng Ama; nabalot sila ng ulap ng Espiritu Santo; nasaksihan nila ang karangalan ng kanilang payak at dukhang Panginoon. Nagkaroon sila ng tahasang karanasang ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Subalit bakit sa huli, kailangang ang tugon ay katahimikan? Bilin ng Panginoong Hesukristo, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman…” Huwag muna… habang pakiramdam pa nila na nasa alapaap sila. Para kay Hesus, mahalagang kimkimin muna ang mga masuyong karanasang ganito bilang bahagi ng mga sikreto ng Diyos, at dapat pahalagahan bilang mga lihim ng puso.

Bakit? Alam ng Panginoong Hesus na hindi pa tamang panahon… hindi pa hinog ang sandali para sa mensahe; hindi pa handa ang pang-unawa ng mga tao; hindi pa lumalago ang pusong tatanggap nito. Ang kaluwalhatian ni Hesus bilang Diyos, ang kanyang Krus at Pagkabuhay, ang Pagsusugo sa Espiritu Santo, ay magaganap sa tamang oras. Matapos lamang ang mahaba at masinsing paghahanda.

Paalala sa atin ng Mabuting Balita ngayong Kuwaresma na may mga bagay na dapat ituring na tulad ng hiyas. Hindi lahat ay dapat ilantad sa sampayan ng Facebook o Instagram. Hindi lahat ibabandera agad. Ang buhay espirituwal, ang pagkaklala sa Diyos, ang personal na kaugnayan sa Panginoon, ay dapat munang tumubo nang nakatago, yumabong sa kadiliman at katahimikan, hanggang magpasya ang Panginoon na maaari na itong ibahagi sa mundo.

MAGNILAY

Ngayong Kuwaresma, hilingin natin sa Panginoon ang kaloob na pagiging malapit sa kanya at ang pagtatalaga ng sarili sa kapwang naghihintay ng pagmamahal. Habang nagdarasal, nag-aayuno, nagsa-sakripisyo, pabayaan lahat ay maganap sa puso. Gagamitin ni Hesus ang mga ito kapag hinog na ang panahon, kapag hubog na hubog na tayo, kapag kailangan na ng daigdig ang ating mga pagsasalita at pagsaksi. Amen.