IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA A
DALHIN ANG PAGKAWASAK SA PANGINOON
Jn 9: 1-41
MENSAHE
Habang naglalakad, namataan ni Hesus at ng mga alagad ang isang lalaking bulag. Agad na sinikap ng mga alagad na ipaliwanag ang kapansanang ito bilang bunga ng kasalanan, maaaring ng tao mismo o ng kanyang mga magulang. Hindi ito pinalampas ng Panginoon. Nang lumaon, matapos ibalik ang liwanag sa mata ng bulag, ang mga Pariseo naman ang nagbintang na si Hesus ay hindi nagmula sa Diyos, na isa din siyang makasalanan na lumabag sa batas ng Sabat.
Hindi nagkakalayo ang ating panahon sa panahon ng Panginoon. Tayo din ay nahuhumaling sa kategorya ng kasalanan, at kaydali nating tawaging kasalanan ang pagkukulang ng iba. Dahil dito, naging mapanghusga ang mundo natin. Sa pamilya man o kapitbahayan, trabaho o simbahan, lagi tayong may pagdududa sa kapwa at naghihintay ng kanyang pagkakasala. Kapag nadapa siya, madali tayong pumupuna, lumalayo, nagtataboy, at sumisigaw ng parusa.
Kaylayo sa paraan ni Hesus ng pagtingin sa ating mga kahinaan, pagkakamali, at pagbagsak. Hindi niya tinitingnan ito bilang kasalanan kundi bilang pagkawasak ng pagkatao. Walang perpekto sa mundo, alam niya iyan. Walang higit na mataas kaysa sa iba. Lahat ng tao ay may dinadalang kirot at sakit sa buhay, lantad man ito o tago. Lahat ay may pagkawasak.
Kaya nga hindi dumaan si Hesus sa daigdig na nanghuhusga kaliwa’t kanan, kahit may karapatan pa siya. Sa halip, pinagaling niya ang bulag, at ang iba pang mga wasak na taong nakasalamuha niya sa mundo. Wasak ang mga tao, kaya naparito siya upang magbuo, magpanariwa, at magpanumbalik.
MAGNILAY
Kalimitan, natatakot tayong magkumpisal ng kasalanan dahil inaasahan nating mapapahiya tayo at parurusahan. Bakit hindi natin ituring ang sakramento ng Kumpisal kung ano talaga ito sa puso ng Diyos, isang pagkakataon para sa espirituwal na paghilom na kailangan nating maranasan? Huwag mag-atubili na lumapit sa trono ng habag at tanggapin ang umaapaw na kaloob ng pagmamahal at pagpapagaling, paghilom na pangako ng Kuwaresmang ito.