DAKILANG KAPISTAHAN NG MULING PAGKABUHAY A
KARERA NG TAKBUHAN
JN 20: 1-9
MENSAHE
Ang mensahe ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay ay puno ng aksyon. Pansinin kung paano kumilos ang mga alagad sa tagpo ng libingang walang laman. Tumakbo si Maria Magdalena patungo kina Pedro at sa isang alagad. Kapwa naman tumakbo si Pedro at ang alagad patungo sa libingan. Mas mabilis na tumakbo ang alagad kaysa kay Pedro at una siyang nakarating doon. Ngayon, tila may karera ng takbuhan sa Mabuting Balita, isang marathon na nagpapahayag ng pananabik ng lahat. Dama nila sa kanilang puso na may isang bagong nagaganap kahit hindi pa nila ito nauunawaan. Habang tumatakbo ang mga paa, mas mabilis naman ang tibok ng kanilang mga puso.
Ano ang nag-udyok sa mga alagad na kumilos? Pag-asa na muling nabuhay sa dibdib nila. Pananampalataya na unti-unting nagpapaunawa. Pagmamahal kay Hesus na dama nila ay wala na sa libingan subalit hindi ninakaw, nawala o itinago ng kanyang mga kaaway. Buhay siya at tumatakbo sila dahil muling natagpuan ang lakas na pumanglaw nang ang Panginoong Hesukristo ay ipako at mamatay sa krus.
Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang pinakadakilang himalang nasaksihan sa kasaysayan. Nag-alay siya ng ganap na pagsamba at pagtalima sa Ama. Bilang tugon sa perpektong paghahandog, kumilos ang Ama tungo sa Anak, at itinaas niya ito mula sa kamatayan. Ang Muling Pagkabuhay ang gantimpala ng pagmamahal sa pagmamahal. Sinumang magiging saksi nito, maniniwala dito, ay mapupuno ng kapangyarihan na mag-umapaw sa kagalakan, pananabik, at katapangan. Kay Kristong Muling Nabuhay, nagbalik ang sigla na tumakbo at ipahayag ang kahanga-hangang balita; pagkatakbo sa libingan, handa namang tumakbo sa naghihintay na mundo.
Tumatakbo ang mga tao papalayo sa mga bomba at missiles ngayon. Tumatakbo upang mag-ipon ng mga kailangang supply sa magiging krisis. Tumatakbo dala ng takot, pangamba, at pag-aalala. Marami din sa atin ang tumatabo sa ating sarili, sa mga suliranin na tayo din ang may gawa. Subalit kung mananalig sa Muling Nabuhay, sa katotohanan na narito si Hesus sa ating piling, titigil na tayo sa pagtakbo dala ng sindak at tatakbo tayong bitbit ang tiwala at kapanatagan.
MAGNILAY
Nabuhay muli ang Panginoon! Ang ating Diyos ay buhay na Diyos na nagbibigay ng lakas. Huwag manlumo, huwag sumuko sa pagsubok. Tumakbo tayong may mga pusong puno ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Aleluya!
MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY! NGITI NAMAN DIYAN, AT MAGPANGITI DIN NG KAPWA-TAO NGAYON.