IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY A/ LINGGO NG BANAL NA AWA
IPAKITA ANG IYONG AWA SA KAPAYAPAAN
JN 20: 19-31
MENSAHE
Nitong mga nakaraang buwan, naging mahirap ng buhay para sa atin sa bansa at sa buong daigdig. Digmaan, isyu sa pulitika, kahirapan sa ekonomiya ang nagkasunud-sunod. Ang kaguluhan sa labas ay nakaapekto sa ating kalooban at isipan.
Sa gitna ng lahat, pumasok pa din ang biyaya, umagos pa din ang grasya, umulan pa din ng pagpapala mula sa langit. Si Kristo ay Muling Nabuhay at walang makapipigil sa kabutihan at kapangyarihan ng Diyos. Kung paanong gumuho ang mundo ng mga unang alagad at namaluktot sila sa takot, nagwagi naman ang Panginoong Hesus laban sa kamatayan upang sabihin sa kanila na hawak niya ang tagumpay.
Ang natatanging kaloob ng Muling Pagkabuhay ay kapayapaan. Masdan kung paanong paulit-ulit na binabati tayo ngayon ng Panginoon ng kapanatagan, tulad ng ginawa niya sa mga nanginginig na alagad. Ang maawaing Diyos ay nagdadala ng kinakailangang biyaya ng kapayapaan sa kanyang mga mahal na mga anak.
Ang kapayapaan ay hindi ang kawalan ng sigalot o kaguluhan kundi ang pananatili ng Diyos na lagging tumatawag na magtiwala at sumandal sa kanyang pagmamahal. Napakasaya ng mga alagad nang mapalitan ang kanilang takot ng kapayapaan mula kay Kristong Muling Nabuhay na kapiling nila ngayon.
MAGNILAY
Ano ang sumisira sa kapayapaan ng isip at puso mo ngayon? Ano ang lumiligalig sa iyo ngayon? Masdan si Kristong Muling Nabuhay at manalig sa kanyang awa. Hilingin sa kanya ang kapayapaan… hilingin sa kanyang gawin ka din kasangkapan ng kapayapaan sa lahat ng nakakasalumuha mo. Nabuhay Siyang muli! Maghahari ang kapayapaan!
(patuloy tayong manalangin para sa kapayapaan ng daigdig… para sa wakas ng mga digmaan… para sa pagkakasundo ng lahat ng mga anak ng Diyos… para sa katapusan ng lahat ng mga krisis sa lipunan at sa buong mundo… HESUS, HARI NG AWA, DINGGIN MO ANG AMING PANALANGIN. AMEN.)