Home » Blog » SUMASAMPALATAYA AKO PART 2: SA DIYOS AMANG MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT…

SUMASAMPALATAYA AKO PART 2: SA DIYOS AMANG MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT…

Sumasampalataya Ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at lupa. Ano ang kahulugan ng mga salitang ito? Paano natin isasabuhay ang hamon ng mga salitang ito sa ating pang-araw-araw na pag-iral sa mundong ito? Unang-una, kapag sinabi po natin Sumasampalataya Ako sa Diyos, tatandaan natin, pag sinabing Diyos, sa isip ng mga Kristiyano, sa isip ng mga Katoliko, agad-agad nalalagay sa isip natin, ang Diyos ay iisa. Ang Diyos ay hindi dalawa, ang Diyos ay hindi tatlo, hindi apat, hindi lima.

Ang Diyos ay iisa. Ang Diyos ay iisa sapagkat iiyan ang ibinunyag niya tungkol sa Kanyang sarili, na may iisang Diyos lamang na dapat sambahin, may iisang Diyos na dapat mahalin, may iisang Diyos na dapat sundin.

Ang pananampalataya ng mga Hudyo ay nagpapahayag na ang Diyos ay iisa. Ang pananampalataya ng mga Muslim ay nagpapahayag na ang Diyos din ay iisa. Ang pananampalatayang Kristiyano, lalung-lalo na, ay nagsasabing na ang Diyos ay iisa.

Subalit may kaibahan doon sa kaisipang Kristiyano, sa pang-unawang Kristiyano, sa pagiging isa ng Diyos, sapagkat matutuklasan natin sa panalangin ito, na sinasabi natin, sumasampalataya ako sa Diyos, at alam natin ang Diyos ay isa, pero para sa ating mga Kristiyano, ang Diyos ay Ama, Anak, at Espiritu Santo.

At kahit na ang Diyos ay Ama, Anak, at Espiritu Santo, ang Diyos ay hindi tatlo, kundi iisa pa rin. Ang Diyos ay iisa, at nagpakilala Siya sa kasaysayan ng ating buhay, sa kasaysayan ng daigdig, sa kasaysayan ng mundo, bilang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ito iyong tinatawag natin na Holy Trinity, Santissima Trinidad, isang misteryo, isang hiwaga. Hindi ibig sabihin na hindi mauunawaan, kundi mauunawaan natin kapag tiningnan natin ang daloy ng kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos.

Kaya para sa mga Kristiyano, ang Diyos ay iisa, pero ang Diyos ay hindi nag-iisa. There is only one God, but God is not lonely. Bahagi po ito ng pananampalataya at paninindigang Kristiyano.

Ang anumang grupo na nagsasabing sila ay Kristiyano, at gumagamit ng Salita ng Diyos, ng Biblia, pero hindi naniniwala na ang Diyos ay Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay hindi tunay na grupong Kristiyano. Kaya po, iyong mga pinakamalalaking sangay ng simbahang Kristiyano sa buong mundo, ang mga Katoliko, ang mga Protestante, at mga Ortodosso, lahat ay nananampalataya at naninindigan na ang iisang Diyos ay Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ngayon naman, tingnan po natin iyong kasunod na bahagi ng panalangin.

Sumasampalataya ako sa Diyos, Ama. Bakit Ama? Kalimitan, iniisip natin na bago dumating si Hesus, bago siya mangaral at magturo, hindi kilala ng mga tao na ang Diyos ay Ama. Pero hindi po ito totoo.

Kung titingnan natin ang kasaysayan ng Israel, ang mga Israelita, ang mga Hudyo, ay naniniwala na na ang Diyos ay Ama. At para sa Israel, ang Diyos ay Ama sapagkat ang Diyos ay ang Amang Lumika. Iyan ang kahulugan ng Father para sa mga Hudyo.

Una-una, He is Father because He is Creator. Pangalawa, para sa Israel, ang Diyos ay Ama ng kanilang bayan, ng buong bayang Israel, sapagkat ang bayang Israel ang hinirang ng Diyos sa lahat ng mga bayan sa daigdig. Kaya ang Diyos ay Father of the Nation.

Pangatlo, ang Diyos ay Ama ng Hari. Bakit? Kasi po ang Israel, ang Diyos ang nagbibigay ng Hari sa kanila. Ang Diyos ang humihirang ng Hari. Ang Diyos ang nagbibigay ng kapangyarihan sa Hari. Kaya ang Hari ay nakasalalay lagi sa Diyos. God is the Father of the King.

At napakahalaga din, ikaapat, sa Lumang Tipan, sinasabi at pinaniniwalaan ng mga Hudyo, ang Diyos ay Ama ng mga Dukha. God is Father of the Poor. Dito pa lang makikita na natin na mahal na mahal ng Diyos ang mga mahihirap sapagkat siya ang tunay na Ama na lumilingap sa mga taong naghihirap.

Minsan kapag sinabing Diyos, unang nating maiisip na: Diyos, makapangyarihan, nasa langit, malayo, dakila, hindi malapitan, banal, at tayo ay laging kulang at hindi karapat dapat.

Pero ang sinasabi natin sa panalanging Sumasampalataya, hindi, hindi ka dapat matakot sa Diyos, hindi ka dapat mahiya sa Diyos, hindi ka dapat mag-atubili na lumapit sa Kanya, makipag-usap sa Kanya, humingi sa Kanya, sapagkat siya ang iyong Ama. Isang Amang malapit sa kanyang mga anak, isang Amang punong-puno ng kabutihan, isang Amang tunay na mapagmahal. Sinasabi sa panalanging na ang Amang ito ay makapangyarihan.

At siguro po ay maaalala natin, no, iyong usapan ng Mahal na Birheng Maria at ng Anghel, Gabriel, nang magpakita ang Anghel kay Maria at ipinahayag na siya ay magiging Ina ng Anak ng Diyos na si Hesus, ang ating Panginoon. Noong una ay hindi makapaniwala ang Mahal na Birhen naguluhan ng kanyang puso, pero ang sabi ng Anghel, walang imposible sa Diyos. Ang Diyos ay makapangyarihan.

God is Almighty because nothing is impossible for God. At kapag sinabi ang kapangyarihan ng Diyos, unang-una makikita natin, ano, sa Genesis 1 pa lang, ang kapangyarihan ng Diyos ay nandoon sa kanyang kapangyarihang lumikha ng daigdig. Imagine noong unang panahon, sa simula ng lahat, wala pa ang sangnilikha, wala pa ang daigdig.

Pero ang sabi doon, ang Espiritu ng Diyos ay kumilos sa kadiliman, sa kaguluhan, at doon nagsimula ang paglikha ng sangkatauhan, ng sangnilikha ng mundo. Pangalawa, ang kapangyarihan ng Diyos ay makikita doon sa kanyang pagliligtas. At iyong pagliligtas na iyon ay mababasa natin, matatalunton natin sa kasaysayan ng buhay ng mga taong kanyang pinili at minamahal.

Makikita natin yan sa Exodus 6, very clear, ang Diyos ay makapangyarihan, at ang kapangyarihan Niya ay nagliligtas. Kaya nga po kapag sinabi palang kapangyarihan ng Diyos, dalawang bagay agad ang dapat nating maisip, una: kapangyarihang lumikha at ikalawa: kapangyarihang magligtas. Bukod po dito, namumulaklak pa ang kapangyarihan ng Diyos, ikatlo: sa pagpapakilala niya ng kanyang katarungan, iyong justice of God. Sa pagpapakilala niya ng kanyang pagmamahal, iyong love of God. Makikita natin iyan kapwa sa Jeremiah 31. At higit sa lahat doon sa mercy of God, habag at awa ng Diyos.

Nandoon naman iyan sa Wisdom, chapter 11. Kaya po ang mga Israelita, hindi sila naniniwala sa diyus-diyosan. iyong mga diyos ba na sinasamba ng mga bansa sa paligid nila? Iyong mga diyos na kawangis ng hayop, ng halaman, mga diyus-diyosan na gawa lang ng tao o kaya ay inimbento lang ng isip para lang masabi na merong sinasamba, para lang may mapuntahan iyong energy ng mga tao na naghahanap ng pakikipag-ugnayan sa isang dakilang nilikha.

Iyan ang mga Diyos-Diyosa na nakapalibot sa Bayang Israel. Pero ang Bayang Israel ay kakaiba. Sapagkat ang kanilang Diyos ay iisang Diyos na makapangyarihan at nagliligtas.

Diyos na kilala nila at nakikipag-ugnayan sa kanila bilang Ama. Hindi siya diyus-diyosan. Siya ay tunay na Diyos sapagkat siya ay nagpakilala.

Siya ay nakipag-ugnayan sa kanyang bayan. At makikita po natin ito sa buhay ng mga alagad ng Panginoong Hesus. Ang mga alagad ni Kristo ay naniwala, nanindigan, nanangan sa lubahang kapangyarihan ng Diyos Ama.

At nakita nila ang kapangyarihang ito ng Diyos Ama sa ipinaliwanag sa kanila ng Panginoong Hesus, lalung-lalo na sa paglalarawan ng habag at awa ng Ama para sa lahat ng mga anak Niya. Higit sa lahat, ang awa, ang pagmamahal, ang katarungan ng Diyos ay naging ganap doon sa pagpapatawad Niya sa makasalanan. Kaya ito pala ang kapangyarihan ito ng Diyos.

Kapangyarihan hindi lamang para gumawa ng mga daigdig, ng mundo, ng mga planeta. Hindi lamang para magligtas sa mga tao sa pagkaalipin, sa gyera, sa paniniil. Kundi, higit sa lahat, kapangyarihang magpatawad.

Napakaganda ano po, sa Romans chapter 3, diyan natin iyan mababasa, na ang Diyos ay sobra ang pagmamahal sa atin bilang Ama. Pinapatawad Niya ang mga anak na nagbabalik sa Kanya. At ang kapangyarihan ito ng Diyos, nakakagulat din, nagniningning pa sa kahinaan.

Makikita natin na ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi nagdilim, kundi lalong nagningning doon sa Krus ni Kristo. Iyong tinatawag ng daigdig na kahangalan ng Krus, iyan pala ang kapangyarihan naman. Ang lihim na kapangyarihan ng Amang Makapangyarihan sa langit na nagpadala ng Kanyang anak para magbigay ng Kanyang buhay sa Krus.

Nandiyan iyan sa 1 Corinthians, 2 Corinthians, mababasa natin iyan diyan. Ang Diyos ay ating Ama, Amang Makapangyarihan. At ang Kanyang kapangyarihan ay nadarama natin ngayon sapagkat ginawa Niya tayong Kanyang mga anak.

Kaya kapag nagtataka ka, ang Diyos ba e talagang makapangyarihan? Isipin mo na lang, oo, ang Diyos makapangyarihan sapagkat nandiyan iyong creation, ginawa Niya iyan. Revelation, nagbunyag Siya ng Kanyang sarili, e nandiyan pa rin iyong divinization, affiliation. Ano ibig sabihin noon? Na ginawa Niya tayong mga anak at ginawa Niya tayong banal tulad Niya kapag ka tayo ay lumalapit sa Kanya at nananatili tayo sa Kanyang pag-ibig.

Ang Ama na lumika, ang Ama na makapangyarihan, ang Ama ng Israel ay higit nating nakilala Nang ipinakilala siya sa ain ni Hesus bilang personal na Ama. Sabi ng Panginoong Hesus, ang Amang iyan, ang aking Ama. Kaya iyong unang mga kristyano, nagulat sila, namangha sila.

Pero naniwala din sila sa mga salita ni Hesus. Nang sabihin ni Hesus, ako ang Anak. Ako ang ipinadala ng Ama.

Ang Ama at ako ay iisa. Siyempre noong panahon na iyon, hindi masabi ni Hesus na ako ay Anak ng Diyos, derecho. O kaya ako ay Diyos Anak.

Sapagkat hindi matatanggap ng mga Hudyo. Dahan-dahan, gradual, ang pagbubunyag ng Panginoon. Pero iyong mga unang Kristyano na sumunod, naniwala, tumanggap ng mensahe, nakita nila ang totoo ang sinasabi ni Hesus. Nagpapatotoo ang buhay, ang kapangyarihan, ang pagsaksi ni Hesus na ang Diyos Ama sa Langit ay Kanyang personal na Ama. At ang nakakatuwa pa doon, si Hesus hindi niya sinarili iyong Kanyang Ama.

Ang sabi niya, ang Amang ito ay Ama ninyo din. At kaya nga pag nadadasal kayo, sabihin ninyo, “Ama namin, sumasalangit ka.” Hindi Ama ko lang, kundi Ama namin.

Ama nating lahat, ibinahagi sa atin ng Panginoong Hesus, ang Kanyang Ama. Sapagkat iyan ang puso ng Ama. Ang gusto ng Ama ay kilalaning siya ng Kanyang mga nilikha na ngayon ay inaampon niya sa Kanyang pag-ibig bilang Kanyang mga anak.

Kaya nga po iyong panalangin na Ama Namin, napakaganda talaga eh. Ito iyong tinatawag na The Lord’s Prayer. The model of all prayer.

Sapagkat dito pa lamang sa panalangin na to, pag bukas pa lang ng bibig natin, Ama Namin, Our Father, ipinapaalala sa atin umaga, gabi, kalagitnaan ng maghapon, ang Diyos ay Ama natin. Kaya kapagka dinadasal natin iyong Ama Namin, ano ba ang naiisip natin, ano ba ang nararamdaman natin? Tayo pa namang mga Katoliko, ang bilis natin magdasal, basta matapos lang; ratsada e.

Ay, huwag naman sana ganoon. Sa susunod na dasalin natin ng Ama Namin, tayo po ay magdahan-dahan. Tayo po ay magnilay.

Damahin natin bawat salita, pero lalong-lalo na iyong unang salita. “Ama.” Amang nagmamahal, Amang nangangalaga, Amang nagbibigay, Amang yumayakap sa atin na kanyang mga anak.

Minsan sabi ng ibang tao, mahirap daw i-picture o i-imagine ang Diyos bilang Ama kasi iyong karanasan nila sa kanilang ama ay hindi maganda. Sila ay nagkaroon ng traumatic experience sa kanilang mga ama sa lupa, ama sa laman. Pero ito nga po iyong maganda.

Kung hindi ka nagkaroon ng kaaya-ayang karanasan sa iyong sariling ama, bakit hindi mo subukan ang Diyos Ama na ipinakilala sa atin ni Hesus na ating Panginoon bilang Ama Niya at Ama din natin sa larangan ng biyaya, sa larangan ng kabutihan ng Diyos. Ang Amang ito ang lumikha ng langit at lupa. Sabi din sa panalangin.

Meron ako nabasa dati ang sabi: Ang mga tao daw ngayon, hindi na tumitingin sa ibaba at hindi na rin tumitingin sa itaas. Hindi na tumutungo at hindi na rin tumitingala.

Dahil ang mga mata daw ng mga tao ngayon ay laging diretsyo lang, straight lang. Bakit? Ibig sabihin ang mga tao laging nagmamadali, laging busy, laging abala, laging may ibang pakay, na pupuntahan, tutunguhan, kaya wala silang pakialam sa kanilang paligid. Siguro isang biyaya na rin na masasabi natin na nitong nakaraaang pandemic ay bigla tayong napatigil.

Kahit na gusto natin magmadali, kahit na gusto natin umabante, kahit na gusto natin umarangkada, hindi natin kayang gawin sapagkat pinatigil tayo ng isang virus na hindi natin nakikita. Nang natigil tayo sa ating pagmamadali, sa ating pagka-busy, natuto tayong tumungo o tumingin sa ibaba. At nang tumingin tayo sa ibaba, ano ang nakita natin? Nakita natin, wow, ang ganda pala ng garden ko, ang ganda pala ng mga halaman, ganito pala ang kulay ng dahon, may design pala iyan, ang ganda naman ng tunog ng mga awitin ng mga ibon sa umaga, ay iba-iba pala ang kulay ng mga insekto sa paligid.

Natuto tuloy ang mga tao na maghalaman, mag-garden, naging plantito at plantita; kayo ba naging ganoon din nahumaling sa mga bagay na nasa nature, nasa mundo, nandoon sa ating natural world. Nadiscover natin na iyong mundo pala ay maganda at kaaya-aya. Kahit iyong mundo pa na iyan ay limitado, kahit hanggang garden lang tayo nakakalabas, nakita natin napakaganda pala ng daigdig.

Ang daigdig pala ay biyaya sa atin ng Diyos, natuto tayong pagyamanin ang mundo. Tumingin din tayo sa itaas, napatingala tayo, at nang tayo ay tumingala, nakita natin ang ganda pala ng bukang liwayway, iyong nagsisimula palang sumikat ang araw, napagmasdan natin ang paglubog ng araw, at sa gabi naman pag tayo ay lumalabas sa ating garden o sa garahe natin o sa pagbubukas natin ng bintana, nandiyan ang buwan at bituin, at napagtanto natin, napakaganda pala ng sangnilikha. Ang mundo pala ay totoong mabuti.

Dati hindi natin napapansin, at dati nga hindi lang sa hindi natin pinapansin, binababoy pa natin ang ating daigdig. Sa pamamagitan ng basura, sa pamamagitan ng pagsira ng bundok, ng gubat, ng bukid, ng ilog, ng dagat, sa pamamagitan ng ingay, halimbawa, ng noise pollution, sinira natin ang napakagandang mundo. Pero ngayong biglang na-realize natin, ang ganda pala ng mundo, at ito ay gawa ng Diyos.

This is God’s work. Gawa ito ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. At iyong titinan natin ang mundo maging sa ibaba man o sa itaas, ang mundo ay nagpapahayag sa atin ng kaluwalhatian ng Diyos.

At naisip na ba natin, bahagi ng mundong ito, ng napakaganda at kaaya-ayang mundong ito, bahagi ng mundong ito ang ating mga sarili. We are part of the world that God has created. Kung ang mundo ay maganda at mabuti, tayo din.

We are also good and beautiful because this is God’s gift to us. Ang langit, ginawa din iyan ng Diyos.Iyong mundo, alam natin, ginawa ng Diyos eh.

Iyong langit, sabi sa ating pananampalataya, iyan ay nilikha din ng Diyos. Misteryoso siya sapagkat ang ginawa ng Diyos ay hindi lang iyong mga bagay na madaling maunawaan, madaling mahipo, makita, madama. Ang Diyos ay gumawa ng mga bagay na nakikita, pero hindi rin nakikita.

Merong mga bagay na madaling unawain at merong mga hiwaga o misteryo sa mundong ito. Halimbawa, nang gawin ng Diyos ang langit, ginawa din ng Diyos ang mga anghel. Hindi natin nakikita ang mga anghel, pero naniniwala tayo na inaalagaan tayo ng mga anghel sapagkat iyan ang atas sa kanila ng Diyos.

Ang mga anghel, iyong hindi natin nakikita, ay kasama ng Diyos sa langit, pero kasama din natin sapagkat sila ang pumapatnubay sa atin. Of course, meron din mga bad angels. Ito iyong mga anghel na dating mabuti, pero sumuway sa kalooban ng Diyos at naging bad angels, bad spirits.

Ang minsan ang nakakalungkot, kapag ang mga Kristyano ay naguusap-usap, ang mga Katoliko ay nag-iisip o nagdarasal, napo-focus iyong atensyon sa mga bad angels, sa mga evil spirits. Hindi doon sa mga good angels at archangels na ginawa ng Diyos. Hindi po dapat ganoon.

Dapat ang ating focus ng atensyon natin doon sa invisible world, sa hindi natin nakikita, doon sa misteryo, ay iyong mga anghel na nandito at may tunay na kapangyarihan para protektahan tayo. Ganoon din iyong mga banal na nasa langit na kasama ng Diyos. Sila ay napaka-makapangyarihan kapag lumalapit tayo sa kanila at tumatawag tayo sa kanila.

Kasi ang langit ang ating future home. Hindi naman impiyerno ang ating future home. Ang ating future home ay ang tahanan kung saan nandoon din ang Diyos kasama ng mga anghel at mga santo.

Hindi natin ito nakikita. Pero alam natin totoo ito. At makikita natin ito pagdating ng panahon, pagtawid natin sa kabilang buhay.

Ang alam natin ito ay umiiral sapagkat sinabi ng Diyos na ito ay umiiral. At kapag sinabi ng Diyos, tayo ay sumasampalataya. Kapag sinabi natin na ang Diyos ay Creator, dapat din natin isipin iyong tinatawag na Divine Providence.

Alam niyo po ba iyon, Divine Providence? Iyong banal na pangangalaga. Iyong bang God will provide? Alam natin iyan eh sa buhay natin, sa karanasan natin. Pero minsan hindi natin napagninilayan.

Halimbawa, isipin nyo na lang sa inyong buhay. Kailan ba kayo pinabayaan ng Diyos? Iyon talagang pinabayaan ng Diyos na iniwan niya kayo na walang liwanag, puro kaguluhan, puro kalungkutan, siphayo. Alam ninyo pag tinatanong ko iyong mga tao ng ganitong tanong, hindi sila makasagot.

Sapagkat, sa totoo lang, hindi tayo inaabadona ng Diyos kailanman. Kung tayo man ay nakakaranas ng mga hirap,  pagdurusa sa buhay, makikita natin kapag tiningnan natin iyong pangyayari na iyon, kaya natin nakayanan ang lahat, kaya tayo nagtagumpay sa huli, kaya tayo nakapagsikap na makaalis doon sa ganoong sitwasyon ay sapagkat nandiyan ang Diyos na lumikha. Hindi lang Siya lumilikha sa simula, iyong gagawin ka lang niya at iiwanan ka niya, hindi.

Merong ding Divine Providence, Banal na Pangangalaga. Aalagaan ka niya kapag mahina ka. Aalagaan ka niya kapag nalilito ka. Aalagaan ka niya kapag nasa kadiliman ka hanggang makabalik ka sa liwanag.

Kaya kapag tayo tumingin sa langit, sa lupa, at sa ating sarili, dapat din pala natin isipin iyong tinatawag na Divine Providence at magpasalamat tayo sapagkat narito ang Diyos na hindi nagpapabaya sa atin.

Minsan, nagtatanong tayo, kung ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, bakit may mga masamang nangyayari sa buhay na ito? Bakit may kasamaan sa daigdig? Bakit po ba pinapabayaan ng Diyos na mangyari iyong evil kung ang Diyos naman pala ay mabuti at makapangyarihan, good and powerful? Alam ninyo po, minsan, iyong evil ay dapat natin tanggapin ay bunga ng kapabayaan ng tao. Maraming masasamang nangyayari sa mundo dahil sa pasya ng tao. Huwag natin ipasa sa Diyos iyong masasamang nangyayari na tao naman talaga ang gumagawa. Kasi nang likhain ng Diyos ang daigdig, lalung-lalo nang likhain ng Diyos ang tao at ang mga anghel, binigyan niya tayo ng isang bagay na hindi niya puwedeng bawiin at hindi niya babawiin kailanman.

At iyan ay walang iba kundi iyong freedom o kalayaan. Tayo ay nilikha na malaya. At dahil tayo ay malaya, tayo din ay malayang magkamali, malayang makalimot, malayang tumalikod.

Kaya nagkakaroon ng evil sapagkat ginagamit ng tao iyong kalayaan na iyon sa masama. Isa pa, meron talagang evils na nangyayari sa kalikasan. Nakasulat na iyan sa Batas ng Kalikasan, halimbawa po, bagyo o lindol; iyan ay mga natural evils. Sapagkat nang ginawa ng Diyos ang mundo, ito ay hindi perpekto. Kaya nga hindi ito ang tunay nating tahanan kundi ang langit. Dahil hindi perpekto ang mundo, ito ay laging magkakaroon ng kakulangan. Iyong kakulangan na iyon ang nararanasan nating bilang evil kapag may dumarating na kalamidad. Pero sa gitna ng lahat ng ito, nandiyan pa din ang pagpapala ng Diyos, ang pagmamahal ng Diyos, ang kanyang Divine Providence.

Minsan naman nagtatanong tayo bakit nangyayari ang mga evil sa mga taong mabubuti? Wala kang ginagawang masama e ikaw pa ang napahamak. Nananahimik ka e ikaw pa ang inabot ng trahedya.

Dito naman po kumikilos iyong hiwaga ng plano  ng Diyos. May plano, may disenyo siya sa buhay natin. Kapag malaya nating tinangga pang disensyo na iyan, makikita natin ang kahulugan sa bandang huli; magiging maliwanag, kasi God writes straight in crooked lines. Sa gitna ng mga pagsubok doon tayo nagiging creative, masipag, ma-abilidad. Maging sa gitna ng mga pinakamadilim na tagpo ng ating buhay, mababanaag natin sa huli ang plano ng Diyos sa likod ng lahat. Kailangan lang ay tiwala: Sumasampalataya ako. Naniniwala ako. Nagtitiwala ako.Tumatalima ako.

Kapit lang; magsikap at gawin ang lahat, pero kapit lang kay Lord. Kay Lord lang tayo.

Napakaganda pala talagang sariwan ang panalanging ito; Sumasampapalataya Ako lalo at may mga pagsubok; pero mas mabuti na anuman ang pangyayari, masambit natin ang ating panalangin I Believe in God; Sumasampalataya Ako.