Home » Blog » SUMASAMPALATAYA AKO PART 10: SUMASAMPALATAYA AKO SA ESPIRITU SANTO…

SUMASAMPALATAYA AKO PART 10: SUMASAMPALATAYA AKO SA ESPIRITU SANTO…

“Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa banal na simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay ng muli ng nangamatay na tao, at sa buhay na walang hanggan. Amen.”

Sa araw pong ito ay tatalakayin natin ang ikasampung bahagi o tema ng ating pagninilay.

At ito ay walang iba kundi nakasentro sa mga salitang “Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, sa banal na simbahang Katolika.” Nasanay po tayo sa English translation ng ating panalangin na ‘Credo’ o ‘Apostles Creed,’ kung saan sinasabi natin, “I believe in the Holy Spirit.” At tila nga ito ay logical development na matapos ilarawan ang Diyos Ama sa simula ng panalanging Sumasampalataya, at pagkatapos ang Diyos Anak na si Hesucristo ang ating Panginoon, ngayon naman eto na ang Holy Spirit, para maging kumpleto na ang pagtalakay natin sa iisang Diyos na may Tatlong Persona.

At ito din naman ang kahulugan ng panalangin na Sumasampalataya, ito ang pakay: ipakilala sa atin ang Diyos, ang Ama, Anak at Espiritu Santo, iisang Diyos pero nasa Tatlong Persona. Pero alam ba ninyo na sa original Greek o Griyego ng Credo, sapagkat ito ay sa Griyego muna nasulat, hindi naman sa English o Tagalog; iyong original composition niyan ay sinulat sa Greek. Ang nakalagay doon ay sa salin na Ingles, “I believe IN Holy Spirit.”

IN HOLY SPIRIT at hindi IN THE

Hindi po nakalagay doon “I believe IN THE Holy Spirit,” kundi I believe “IN Holy Spirit” lamang, wala iyong “the.” Ano ang kahulugan nito? Ang tinutukay nito ay parang sinasabi sa atin na hindi lamang iyong Third Person ng Santissima Trinidad, ng pagka Diyos, ang Espiritu Santo, ang ipinakikilala sa atin, kundi ang ipinakikilala sa atin ay ang Espiritu ng buong kasaysayan ng kaligtasan. So, ang pakay ng panalangin ito pala sa original niya na version ay hindi upang talakayin kung sino ba ang Espiritu Santo bilang Persona, kundi sino ang Espiritu Santo bilang kaloob sa atin sa kasaysayan ng pamayanang nananalig kay Kristo.

Siyempre natural lang na tumutukoy din ito sa Holy Spirit bilang Persona. Sino ba siya? Ano ba ang kaibahan niya sa Ama at sa Anak? Ano ang pagkakaugnay niya sa Ama at sa Anak? Ano ang kanyang mga kapangyarihan? Ano ang kanyang pagkilos sa mundong ito? Lahat na iyan kasama doon. Subalit sa ikatlong bahaging ito ng Credo, ang ipinapahayag sa atin ay ang nagpapatuloy ang kasaysayan ni Kristo sa pamamagitan ng kaloob ng Espiritu Santo hanggang sa pagbabalik ni Kristo.

PANLOOB NA BUHAY NG DIYOS

Kaya tinitingnan pala ang Espiritu Santo hindi hiwalay doon sa Ama at sa Anak, kundi siya na nagpapatuloy sa pamamagitan niya ang kasaysayan na sinimulan ng Ama at ng Anak, lalung-lalo na ang Anak na Panginoong Hesukristo na magbabalik sa wakas ng panahon. Ang mga salita ng panalangin ay hindi tungkol sa panloob na buhay ng Diyos. Sino ba ang Diyos: ang Ama, Anak at Espiritu Santo; himay-himayin natin… Ito iyong tinatawag na panloob na buhay ng Diyos sa kanyang sarili, iyong interior life of God.

PANLABAS NA BUHAY NG DIYOS

Hindi ito ang sinusuri ng panalangin. Kundi ang nais na palabasin ng panalangin ito ay iyong ilarawan kung paanong ang buhay ng Diyos ay hindi lamang sa kanyang sarili kundi lumalabas ang Diyos lagi. Lumalabas sa kanyang sarili, sa kanyang interior, papunta doon sa exterior o external.

Ang Diyos hindi siya iyong, alam niyo, iyong kuntento lang siya na masaya siya sa kanyang sarili. Na nagu-ugnayan lagi sa langit, sa magpasawalang hanggan, ang Ama, Anak at ang Espiritu Santo. Hindi ganoon lang.

Ang Diyos ay laging lumalabas mula doon. Ang Diyos ay laging bumubukal, nagpapahayag, nagpapakilala, kumikilos. Hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kanyang mga minamahal.

At ang Holy Spirit, siya ang kapangyarihan kung saan ang nabuhay na muli na Panginoong HesuKristo ay nananatili na kasama natin sa kasaysayan ng mundo bilang siyang saligan ng ating bagong kasaysayan at bagong daigdig. So, ang Espiritu Santo ay kapangyarihan ng Diyos na nagpapatuloy magpa-hanggang ngayon. Itinutuloy ang sinimulan ng Ama at ng Anak sa daigdig na ito.

BANAL NA SIMBAHAN KATOLIKA

Kaya nga, kasunod ng pagbanggit sa Espiritu Santo, “Sumasampalataya ako sa Diyos Espiritu Santo sa banal na Simbahang Katolika.” Pagkabanggit sa Espiritu Santo, biglang-bigla binanggit na ang “simbahan.” Dahil ang anuman ang turo tungkol sa simbahan, anuman ang aral o kaalaman tungkol sa simbahan, lahat iyan ay naka-ugnay, naka-ugat at nagmumula sa turo tungkol sa Holy Spirit at sa kanyang mga kaloob sa ating kasaysayan at sa ating buhay.

Sabi natin sa ating panalangin, “Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo sa banal na Simbahang Katolika.” Pagkatapos susundan pa sa “kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan.”

DALAWANG DIREKSYON

Ito iyong dalawang direksyon na tinutumbok noong salitang Simbahang Katolika.

Ang Simbahang Katolikang ito ay kaisahan ng mga banal. Ang simbahang ito ay kapatawaran ng kasalanan, pinagmumulan ng kapatawaran ng kasalanan. Ano ba muna iyong “kasamahan” ng mga banal? Noong bata po ako eh, pag nagdadasal eh, akala ko iyan ay “kasamaan” ng mga banal.

Sabi ko, paano naging masama? E banal na nga. Iyon pala e, mali pala iyong spelling noong aking guide. Dapat pala kasamahan ng mga banal, communion, pagkakaisa, pagkakatipon-tipon ng mga banal.

KASAMAHAN NG MGA BANAL

Alam ninyo po ang mga salitang ito, communion of saints, kasamahan ng mga banal, wala naman iyan sa original na teksto ng panalangin Sumasampalataya noong ito’y gawin sa Roma. Ito’y idinagdag. Subalit ito po, itong mga salitang ito, matagal na.

Mahabang panahon na at sinauna pang tradisyon na pinaniniwalaan ng simbahan kaya naisingit doon sa panalangin. At ang kapwa itong kasamahan ng mga banal at iyong kapatawaran ng mga kasalanan, ito ay nagpapakita sa atin, dito, sa kongkretong mga paraan na ito, gumagalaw ang Espiritu Santo sa kasaysayan. Ang Espiritu Santo ang pinagmumulan ng kasamahan ng mga banal. Ang Espiritu Santo ang pinagmumulan ng kapatawaran ng mga kasalanan.

MGA SAKRAMENTO

Ano’ng ginagamit ng Espiritu Santo sa kanyang pagkilos? Ang ginagamit ng Espiritu Santo para makamit ang kanyang mga bunga na nabanggit ay walang iba kundi ang mga sakramento. Kaya nga po, pag sinabing kasamahan ng mga banal, ang unang tinutukoy dito ay ang batayan na sakramento ng salitang ito at iyan ay walang iba kundi ang Eukaristiya, ang katawan ni Kristo na nagbubunga ng iisang simbahan.

Inilalarawan dito sa atin iyong simbahan bilang pamayanan na nalilibot sa hapag o mesa ng Muling  Nabuhay na Panginoong HesuKristo na siya naman na tumitipon sa lahat at nagu-ugnay sa lahat sa anumang panahon at sa anumang lugar.

BANAL NA EUKARISTIYA/ BANAL NA BAGAY SA MISA

Kaya pag sinabi po na kasamahan ng mga banal, ang unang tinutukoy doon sa mga banal na iyon, hindi tao. Ang tinutukoy doon ay ang banal na Eukaristiya.

Ang mga banal na bagay na iniaalay sa Diyos sa Misa, ginagawang banal ng Diyos at pagkatapos ay ibinabalik sa mga tao para naman tanggapin ang mga tao nang buong pananampalataya. At dahil doon sa Eukaristiya naman, kapag tinanggap iyong mga kaloob na iyon, iyong mga banal na bagay na inialay sa Diyos at ibinalik sa atin ng Panginoon, iyong tinapay at alak na naging Katawan at Dugo ng Panginoon, doon naman nagkakaroon, doon nabubuo iyong mga banal na tao, iyong simbahan. Kaya pag sinabi pa lang kasamahan ng mga banal, tandaan natin, ang una, mga banal na bagay sa Misa.

MGA BANAL NA TAO

Pagkatapos, pangalawa pa lamang, iyong mga banal na tao na tinawag ng Diyos na maging kanyang mga anak, maging kanyang pamayanan sa simbahan. Ang maganda pa dito, pag sinabing kasamahan ng mga banal, hindi lang po iyong mga banal na tao sa mundo ngayon.

Iyong pag sinabing banal na tao ay mga Kristiyano, hindi ibig sabihin na talagang perfect na iyong kabanalan. Ibig sabihin, tinawag tayong maging banal, at banal ang ating kinabibilangang pagkakaisa, pero nagsusumikap pa rin tayong maging banal. Pero sa mata ng Diyos, tayo ay meron nang bahid ng kabanalan sapagkat nasa puso na natin siya, sapagkat tumatanggap na tayo ng kanyang biyaya sa mga sakramento.

Pero hindi lang tinutukoy nito iyong mga tao ngayon na nagsisimba, na bahagi ng simbahan, nagsusumikap magpakabanal. Hindi, kundi tumatagos pa ito hanggang sa ibayo pa roon, lampas pa sa kamatayan. Kaya pati iyong mga banal, iyong mga Kristiyano, iyong mga Katoliko na nagsumikap ialay ang buhay sa Diyos at sa kapwa na nauna na sa ating pumanaw, sila din ay kabilang sa kasamahan ng mga banal, sapagkat tumanggap din sila ng Espiritu Santo at ngayon ay nagtatamasa na ng buhay na walang hanggan.

Kaya ang ganda nitong kasamahan ng mga banal po eh, hindi lang sa lupa, hindi lang iyong simbahan sa lupa, kundi iyong simbahan din sa langit. At sinasabi din natin sa ating pananampalataya, pati iyong simbahan sa Purgatoryo na naghihintay ng tamang panahon para sila ay makarating sa buhay na walang hanggan sa kalangitan.

KAPATAWARAN NG MGA KASALANAN: BINYAG

Pag sinabi naman na kapatawaran ng mga kasalanan, ang pangunahing tinutukoy dito na sakramento ay ang sakramento ng Binyag.

BINYAG

Bakit po? Kasi iyong sakramento ng Binyag, iyan ang tinatawag na ano e, the great sacrament of forgiveness, ang dakilang sakramento ng pagpapatawad. Bakit? Kasi halimbawa ang isang bata ay nabinyagan, pag ang batang iyan ay bininyagan, nawawala iyong salang orihinal o salang minana natin sa ating mga unang magulang. O kapag ang bininyagan naman ay tao na may hustong pag-iisip, hindi lamang naaalis iyong kanyang salang mana o original sin, kundi anumang sala na nagawa niya mismo sa sarili niya, na siya mismo ang nakagawa, iyan ay nawawala sa pamamagitan ng Binyag.

Ibig sabihin, kapag sumalang ka pala sa Binyag, lahat ng kasalanan mo ay mawawala. Kaya itong Binyag ay tinatawag din na sacrament of forgiveness, great sacrament of forgiveness.

KUMPISAL

Pero naunawaan din ng mga unang kristiyano na matapos ang Binyag, natural lamang na ang bawat tao ay babagsak at babagsak pa rin sa tukso, at magkakasala at magkakasala pa rin dahil sa ating kahinaan.

Kaya alam natin, kailangan pa rin natin ng isa pang special na sakramento ng pagpapatawad, bukod doon sa Binyag kasi hindi na pwedeng ulitin iyong Binyag eh. Kaya dapat mayroon pang isang sakramento na lagi nating pwedeng lapitan, lagi nating pwedeng i-avail kapag nangangailangan tayo ng pagpapatawad ng Panginoon sa ating paulit-ulit na mga kasalanan. At napakabait ng Diyos, napakabuti ni Hesus sapagkat itinatag niya ang isa pang sakramento, ang Kumpisal.

EUKARISTIYA, BINYAG AT KUMPISAL

Kaya pag sinabi po na ang simbahan ay kapatawaran ng mga kasalanan, ang ibig sabihin pala nito ay ang simbahan ay nagbibigay sa atin ang sakramento ng Binyag, Iyan ang  una, at pangalawa pa lamang iyong sakramento ng Kumpisal na ating ginaganap kapag tayo ay nagnais nating maglinis ng mga kasalanan, magsuri ng budi at magbagong buhay. Kaya doon sa Kredo o sa panalanging Sumasampalataya ako, ang pang-unawa ay ganito, na ang simbahan ay nagmumula sa kilos ng Espiritu Santo, at ang simbahan ang sentro ng pagkilos ng Espiritu Santo sa mundong ito, at makikita ito pangunahin sa mga sakramento ng Eukaristiya at Binyag na nagbibigay sa atin ng mga bunga ng kasamahan ng mga banal at ang Kumpisal na pagpapatawad ng mga kasalanan.

ANG SENTRO NG SIMBAHAN

Kaya ang larawan ng simbahan na lumulutang sa bahaging ito ng ating panalangin ay talagang isang simbahan na nakasentro sa Diyos, theocentric, ang sentro pala ng simbahan ay ang Diyos, Ama, Anak at Espiritu. At hindi sa mga tao na bumubuo nito, hindi tayo ang sentro ng simbahan ha. Ang sentro ng simbahan ay ang Panginoon, nakasentro sa kaloob ng Diyos na nag-aakay sa mga tao upang maging bago, maging renewed sa kanilang buhay. Ito pong bagay na ito, hindi kayang gawin ng tao.

Hindi natin kayang baguhin ang ating sarili sa pamamagitan lang ng ating mga kapangyarihan, ng sarili nating power. Ito again ay isang regalo, biyaya, grasya ng Diyos. Tatanggapin lamang natin ito, hindi natin kaya itong gawin o ibigay sa ating sarili.

Ang Diyos ang mag-aalok at magbibigay, tinatanggap naman natin nang buong puso. At bagamat nakasentro sa Diyos ang simbahan, ang simbahan naman ay taong-tao din, very human. Tunay na tao dahil umiinog ito sa pagbabalik loob at pagkakaisa ng mga tao sa Diyos at sa kapwa.

Ang tao na binago ng pagpapatawad, nagiging bahagi siya ng kasamahan ng mga banal, ng iba pang mga tao na nabubuhay din sa pagpapatawad. Pagpapatawad ang nagtatatag ng pagkakaisa. At ang pagkakaisa kay Kristo sa Eukaristia ay nag-aakay naman sa pagkakaisa ng mga taong nagbabagong-buhay.

Pinatawad at handang magpatawad tulad ng natanggap nilang biyaya. Mga taong tumatanggap ng Katawan at Dugo ni Kristo para maging pamayanan ni Kristo, bayan ni Kristo sa mundong ito. At makikita po natin yan sa 1 Corinthians 10.17. Makikita din natin yan sa Ephesians 2.15. Ang huling bahagi ng Kredo ay nagsasaad ng ganito.

PAGKABUHAY NA MULI  NG MGA NAMATAY…

“Sa pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao at sa buhay na walang hanggan.” Ito naman po tumutumbok ito doon sa pananampalataya sa Espiritu Santo at sa kanyang kapangyarihan na magpabago sa atin. Na humahantong sa ganitong napakagandang epekto na tayo ay magkakaroon ng muling pagkabuhay at buhay na walang hanggan.

So kilos pa rin ang Espiritu Santo iyon na pag tayo ay binago niya sa ating buhay, sa ating puso, sa ating Espiritu, sa wakas masusumpungan natin ang Pagkabuhay na Muli at ang buhay na walang hanggan. Siyempre ang binabanggit na pagkabuhay ng mga namatay ay kaugnay doon at dumadaloy sa pagkabuhay noong una na namatay at muling nabuhay. Walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo.

Dahil sa Kanya, maaari na tayong tumawid mula sa ating buhay-lupa o iyong “bios” na tinatawag ng mga Griyego tungo sa buhay na ganap, buhay na kasiya-siya, buhay na walang hanggan. Nalupig na ang kamatayan at nabuksan ng isang bagong kinabukasan na hindi na buhay-lupa kundi buhay sa Espiritu at pag-ibig. Ibang klaseng pag-ibig.

Sabi nga natin ang pag-ibig na ito na muling nabuhay, ang pag-ibig na ito na nagdala kay Hesus sa Kanyang Muling Pagkabuhay ay pag-ibig na mas matindi pa, mas higit pa sa kamatayan. A love stronger than death. At ang good news, ito, ang pag-ibig na ito, ang kinabukasan nating lahat.

Ito ay alay sa ating lahat ng Espiritu Santo. Dahil nagpakababa ang Diyos, ang Diyos na nasa langit ay nagpakumbaba at naging tulad ng isang uod, ng isang bulati sa lupa. Ang huling letra ng alpabeto ng kasaysayan ay sa Kanya ulit babalik.

Siya ang Omega ng ating kasaysayan dahil sa Kanyang kagandahang-loob at kababaang-loob. At dinala niya ang kasaysayan natin sa huling tagumpay ng Kanyang pag-ibig. Kaya nga masasabi natin, dahil sabi natin sa ilang bahaging nauna, na ang pinakasentro ng panalanging “Sumasampalataya ako” ay walang iba kundi ang krus ni Kristo.

Ang krus na ito ng Panginoong HesuKristo, ang siyang kaligtasan ng mundo. Kaloob ng Ama na si Kristo ang maging kaligtasan. At ginagawa naman ng Espiritu Santo sa Kanyang kapangyarihan na ipagpatuloy ang naganap ni Kristo sa ating buhay ngayon, sa ating daigdig, sa ating panahon.