SUMASAMPALATAYA AKO PART 5: PINAGPAKASAKIT NI PONCIO PILATO, IPINAKO SA KRUS, NAMATAY, INILIBING…
Ngayong araw na ito ay ipagpapatuloy natin ang pag-unawa sa mga talatang “pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa Krus namatay at inilibing.” Hindi po natin ipapaliwanag kung ano ang kahulugan ng bawat salita sa mga talatang nabanggit. Sa halip, ang pagninilayan natin ay ang pinakapuso ng bahaging ito ng panalanging “Sumasampalataya,” ng panalanging “Kredo.”
At ang pinakapuso nito ay walang iba kundi ang Krus. Kaya ang ating pagninilayan ay ano ba ang kahulugan ng Krus kay Hesus na Panginoon at ano ang kahulugan ng Krus sa ating buhay ngayon bilang mga Kristiyano. Ano ang saysay ng Krus sa loob sa konteksto ng ating pananampalataya kay Kristo? Ito ang pinakamalaking tanong sa bahaging ito ng ating panalangin.
At dito ay madaling papasok sa isipan natin iyong tinatawag na solusyon na ibinigay ni San Anselmo, iyong kanyang paliwanag na ang Krus ay pagbabayad-puri. Ano ba iyong pagbabayad-puri? Medyo mahirap intindihin iyon para sa mga kabataan ngayon, sa mga millennials na katulad natin (joke).
Kahit na sa mga hindi millennials, medyo mahirap nang unawain kasi medyo malalim iyong Tagalog na iyon at malalim lalo iyong kahulugan. Ano ba ang kahulugan ng teorya na ito ni San Anselmo na pagbabayad-puri daw ang Krus? Ganito po yan.
May dalawang bahagi.
May utang, ibig sabihin may nagkakautang at may pinagkautangan. Ibig sabihin may dapat na pagbayaran kasi umutang ka, nagkautang ka. Iyong inutangan mo, dapat mong ibalik sa kanya kung ano iyong hiniram mo sa kanya.
Sabalit ang utang na binabanggit dito ay hindi ordinaryong utang lamang. Hindi pera o hindi gamit. Ang utang dito ay kumakatawan sa kasalanan.
Kaya hindi salapi kundi dangal ang utang. Nasaktan natin ang Diyos nang dahil sa ating mga pagkakasala. Iyon ang ating utang sa Kanya.
Pero kung tutuusin, paano mo nga ba babayaran ang Diyos? Tila hindi natin kayang bayaran ang utang natin sapagkat ang pinagkakautangan natin ay lubhang napakataas, lubhang napakadakila, lubhang kakaiba sa atin. Sabi nga ngayon sa panahon natin, hindi natin ma-reach. At totoo naman, paano mo babayaran ang Diyos na Siyang nagmamayari ng lahat sa mundong ito? Paano mo babayaran ang Diyos na sa Kanyang sarili ay kumpleto at ganap? Pero may utang pa rin tayo sapagkat nagkasala tayo sa Kanyang kabutihan, sinaktan natin ang Kanyang kalooban.
Ang tao ang nagkautang at ang tao ang dapat magbayad. Pero hindi kaya ng tao na tapatan ang utang niya sa Diyos sapagkat hindi siya kapantay ng Diyos. Sabi ni San Anselmo, ito ang dahilan kung bakit si Hesus na Anak ng Diyos mula sa langit ay nagkatawang-tao upang makapagbayad ang tao ng utang sa Diyos.
Bakit po? Si Hesus ang magbabayad. Si Hesus ay tao. Kaya tama lang na siya ay magbayad sa utang ng Kanyang mga kapatid sa ngalan ng lahat ng tao sa buong mundo at sa buong kasaysayan.
Pero si Hesus din ay Diyos, totoong tao at totoong Diyos. At dahil siya ay totoong Diyos, kapantay niya ang Ama at kaya na niyang bayaran o tapatan ang Ama sa pagbabayad ng utang. Ito iyong tinatawag na teorya ng pagbabayad-puri, na si Hesus, Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao para bayaran ang utang natin.
Sapagkat siya lang ang may karapatan na magbayad ng utang na iyon sa kadakilaan ng Diyos.
Eh kung ganito titingnan ang pananampalataya, para pala itong negosyo, ano po? Parang accounting, merong debit, merong credit at kailangang ibalanse. Kaya nga parang kapag sinundan natin ito, lalo na sa sukdulan ng kahulugan ng pagbabayad-puri ni San Anselmo, maling larawan ng Diyos ang uusbong.
Para bang meron tayong isang Diyos na naniningil ng utang? Isang Diyos na laging naghahanap ng bayad? Isang Diyos na humihingi ng katarungan at nagdedemand pa nga ng dugo, kahit ng dugo ng kanyang sariling Anak, para humupa ang kanyang galit, para tumahimik ang kanyang kalooban, para pumayapa na lamang siya at hindi na niya habulin ang tao?
E kung tutuusin, ito po ang larawan ng Diyos sa mga pagano doon sa mga unang mga bansa, sinaunang sibilisasyon na hindi nakakilala sa Panginoong Hesukristo, sa Diyos. Halimbawa iyong mga tribung Aztecs o iyong mga Maya, ito iyong mga ancient civilization sa Latin America na nag-aalay ng dugo ng tao, nag-aalay ng tao na isinasakripisyo sa altar para pumayapa ang kanilang Diyos, ang dini-diyos nila. Eh hindi ito ang larawan ng Diyos sa ating mga Kristiyano.
Sa Bible, hindi ito ang nakasulat. Baligtad dito ang makikita natin sa Biblia. Sa Biblia ang makikita natin ay isang Diyos na laging nakalaan para sa iba.
Ang isang Diyos na hindi nag-iisip sa Kanyang sarili, kundi ang iniisip Niya ay ibuhos ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga minamahal. At ito po iyong tinatawag na radikal na kaibahan ng ating pananampalataya sa mga relihyon na hindi Kristiyano, katulad ng nabanggit ko iyong mga pagan religions noong unang panahon. Mga early civilizations na sumasamba sa mga diyos nila pero hindi Kristiyano iyong pagkaka-unawa.
Para sa kanila, ang Diyos ay dapat bayaran ng tao at ang pagbabayad na iyan ay dapat maganap sa pamamagitan ng dugo ng buhay. Kapag tiningnan natin iyong history of religions, may makikita tayong bahid niyan. Kahit nga ngayon, may mga relihyon pa rin na talagang, alam ninyo iyon, iyong hindi natatakot pumatay, hindi natatakot na kumitil ng buhay, alang-alang sa kadakilaan ng kanilang diyos na sinasamba daw.
Pero sa Bagong Tipan, sa New Testament, taliwas dito, hindi ang tao ang lumalapit sa Diyos na may dalang peace offering. Sa halip sa Bagong Tipan, ang Diyos ang lumalapit sa tao para magbigay sa tao. Oo nga, nasaktan natin talaga siya.
Oo nga, nadungisan natin ang dangal ng kanyang pagka-Ama dahil sa ating ginawang mga kasalanan. Pero eto at siya pa ang gagawa ng paraan para tayo ay maging muling malinis. Ang tao na hindi makatarungan, magiging makatarungan.
Ang tao na namatay sa kasalanan ay mabubuhay muli sa biyaya. Kaya nga ang kabanalan pala para sa Diyos, iyong righteousness o holiness, hindi iyan pagbabayad-puri. Ang “kabanalan” para sa Diyos ay “biyaya.”
Ito iyong twist, ito iyong kakaiba na handog ng Kristyanismo sa buong daigdig. Hindi kailangang pasayahin ng tao ang Diyos. Hindi kailangang libangin, aluin o amuin natin ang Diyos.
Sa halip, sabi doon sa 2 Corinthians 5.19, kay Kristo ipinagkasundo ng Diyos ang tao sa kanyang sarili. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesus, inilapit ng Diyos ang tao sa kanyang bisig, sa kanyang dibdib. Niyakap niyang muli tayo at tinanggap niya tayo.
At dito nagsisimula ang lahat. Ito ang sentro ng pag-unawa sa Diyos doon sa Bagong Tipan. Hindi naghihintay ang Diyos na magbago ka muna, bago kanya mahalin.
Hindi naghihintay ang Diyos na magsisi ka muna, magtika ka muna, magbalik-loob ka muna, magpakabait ka muna, bago niya angkinin na ikaw ay kanyang anak. Hindi. Siya mismo ang lalapit upang makipagkasundo sa iyo, sa atin.
At ito ang kahulugan ng Pagkakatawang-tao ni Hesus. Hindi pagbabayad puri. Ito ang kahulugan ng pagkakatawang tao ng anak ng Diyos at ang kahulugan din ng Kruz.
Hindi pagbabayad puri, kundi pagmamahal. Sa bagong tipan, kapag tininan natin ang Krus, ang una nating dapat na maisip ay isang movement mula sa taas, pababa. Downward movement.
Kapag tiningnan natin ang Krus, maramdaman natin sana na ang Diyos ay nagpakababa nang dahil sa atin. Hindi natin kailangang bayaran ang Diyos sa ating mga kasalanan. Sapagkat inunahan na tayo ng Diyos na mahalin at ilapit sa kanya sa pamamagitan ng kanyang Anak.
Ito iyong pagmamahal na hindi maipaliwanag. Sabi nga ng mga ibang mga writers, ito daw ay foolish love, crazy love. Totoo naman, halos baliw o hangal ang pag-ibig na ito.
Ang Diyos pa ang nagpakababa para ilapit tayo sa kanyang sarili. At ganito natin uunawain ang ating pagsamba. Ang ating pagsamba bilang mga Katoliko, lalo na, ay isang pagpapasalamat dahil tinatanggap natin ang kaligtasan.
Iyan ang kahulugan ng Misa, di po ba? Ang tawag ay Eucharist, Eukaristiya. Ang Eukaristiya, ang kahulugan ay pasasalamat, hindi pag-aalay. Kaya nga nagsisimba tayo dahil nagpapasalamat tayo sa mga biyayang tinanggap natin nitong nakaraang linggo.
At nagpapasalamat tayo sa mga biyayang advance pa na darating pa sa atin sa susunod na linggo. Tayo ang napupuno ng mga kaloob at regalo ng Diyos. Hindi ang Diyos ang nireregaluhan natin.
Tayo ang nireregaluhan Niya kapag tayo ay nagsisimba. Kaya nga, ano ba ang attitude ng iba sa atin? Tamad na tamad magsimba kasi ang feeling natin ay may hinihingi ang Diyos, may demand ang Diyos. Siguro maganda na ibahin natin iyong ating pananaw sa pagsisimba natin, sa pag-attend natin ng Eukaristiya.
Kaya tayo pupunta dun, nagpapasalamat tayo kasi napakabait ng Diyos. Hindi Niya tayo pinababayaan.
Hindi nauubos ang pagpapala sa ating buhay kahit sabihin pa na maraming pagdurusa o pagsubok na nagaganap sa ating buhay o sa ating paligid. Pabayaan natin na kumilos sa atin ang Diyos. Pabayaan natin na magganap sa ating sarili ang tunay na kahulugan ng sakripisyong Kristyano.
Pangalawa, unawain natin kung saan ba nagmumula itong interpretation na ito ng kahulugan ng Krus. Bakit nagkaroon ng kakaibang kahulugan ng Krus para sa mga unang Kristyano at para sa atin din ang mga Kristyano sa panahon natin ngayon. Tandaan natin, noong kamamatay pa lamang ng Panginoong Hesuristo sa Krus, iyong mga alagad para sa kanila, biglang bumagsak ang kanilang mundo.
Para sa kanila, parang ito na iyong dead end, pagkawasak. Di ba iyong dalawang alagad papunta sa Emmaus? Ano ang sabi? Akala namin siya na ang pag-asa. Akala namin matutupad na ang lahat ng aming mga inaasam.
Hindi pala. Pero, nang mabuhay na mag-uli ang ating Panginoong Hesukristo, biglang sumibol ang sigla. Nagkaroon ang mga alagad ng kasiguraduhan na totoo nga, na buhay siyang mag-uli.
Siya ang hari ng lahat, ng buong daigdig at buong kasaysayan. Pero iyong Krus, mahirap pa rin tanggapin. Matagal bago naunawaan ng mga unang Kristyano ang kahulugan ng Krus.
At paano nila ito naunawaan unti-unti? Saan humugot ng tulong ang mga alagad upang maunawaan ang kahulugan ng Pagpapakasakit at Kamatayan ni Hesus? Walang iba kundi sa Lumang Tipan. Dahil doon sa Lumang Tipan, lahat ng sinabi doon ay natupad unti-unti kay Hesus. At si Hesus naman, ang kanyang buong buhay ay nakatulong para unti-unting mabuksan ang pang-unawa ng mga alagad sa mga pangako doon sa Lumang Tipan.
Kaya iyan ay vice versa. Sa Old Testament, lahat ng mga sinabi doon naganap kay Hesus. Kay Hesus naman, lahat ng kanyang buong buhay ay naging isang parang ilaw na tumanglaw sa kahulugan ng Lumang Tipan.
At makikita natin iyan mga kapatid kapag binasa po natin iyong sulat sa mga Ebreo, Letter to the Hebrews. Dito sa Letter to the Hebrews, for the first time, ini-ugnay ang Krus doon sa rituwal ng pakikipagkasundo ng mga Hudyo. Kasi ang mga Hudyo, maraming silang rituwal ng pakikipagkasundo sa Diyos, diba? Halimbawa, nag-aalay sila ng tupa sa Diyos para mabawasan ang kanilang kasalanan.
Nag-aalay sila ng baka, nag-aalay sila ng kambing para sa gayon ay bigyang papuri o sambahin at parangalan ng Diyos. Pero, lahat ng rituwal, pagsamba, pakikipagkasundo ng tao sa Diyos, sabi ng Ebreo, walang buhay, walang saysay kung hindi dadaan sa ating Panginoong Hesukristo. Bakit? Kasi doon palang sa Old Testament, makikita na natin lalo na sa Psalm 50 or 49, depende sa binabasa niyong versyon, no? Psalm 50 or 49 verses 9 to 14.
Ang sabi doon, hindi handog na baka o kambing. Hindi animal sacrifices ang hinihingi ng Diyos. Hindi ba mga hayop na susunugin sa altar.
Ang hinahanap sa atin ng Diyos ay iyong “opo” mula sa ating puso, sa ating mga labi. Taus-pusong “opo” ng tao sa Diyos. At doon sa Letter to the Hebrews, ang pag-unawa ng sumulat nito, tanging kay Hesus lamang, may kahulugan ang paghahandog sa Diyos.
Nakakagulat, di ba? Si Hesus, hindi naman siya pari. Kaya hindi siya nakatira sa Templo at hindi siya bahagi ng mga taong naglilingkod sa Templo. Si Hesus ay layko, layperson, karpintero.
Sa kanyang buhay sa daigdig, hindi siya priest. Siya ay layperson. Pero iyon pala, sabi sa Ebreo, siya pala ang tunay na pari, the True Priest. The real High Priest is none other than the Lord Jesus Christ.
Iyong kamatayan sa Krus, para sa mga Hudyo, iyan ay nakakahiya. Iyan ay isang parusa.
Iyan ay iniiwasan. Pero nakakagulat din, ito pala ang tunay na pagsamba. Ito pala ang tunay na pagluwalhati sa Diyos through worship.
At iyong mamatay ka sa labas ng siyudad ng Jerusalem, doon sa Ilang, doon sa bundok ng Kalbaryo, iyan ay parang lampas ka na sa biyaya ng Diyos. Sa labas eh, wilderness, mountain, labas sa city, sa city ng Diyos. Pero doon pala matatagpuan ang True Temple, ang totoong Templo.
Kaya ang daming kabaligtaran na naganap. A great reversal happened. Ito iyong central idea ng Letter to the Hebrews.
Si Hesus, na hindi pari sa mata ng mga Hudyo, siya pala ang Tunay na Pari. Ang kamatayan sa Krus na tila isang parusa, ito pala ang tunay na pagsamba. At iyong mamatay ka sa labas ng lunsod, doon sa Ilang, ito pala ang Tunay na Templo.
Iyong dating sekular, walang kinalaman sa Diyos, naging tunay na pagsamba. Kasi ang inialay ni Hesus ay walang iba kundi ang kanyang sarili. Ang inialay niya ay walang iba kundi ang katotohanan.
Si Hesus ang daan, katotohanan at buhay. Kaya ang inialay niya sa Ama ay kung ano iyong pinakatotoo sa daigdig, sa kasaysayan. He offered himself, he offered the truth.
Siyempre, nag-alay ang Panginoong Hesus ng kanyang dugo. Pero iyong dugo na ito na dumanak sa Krus, dumanak sa Kalbaryo, ang dugo na ito ay hindi kabayaran, hindi pagbabayang-puri, hindi ito debit-credit katulad ng sinabi natin kanina.
It is an act of great love.
Ang dugong ito ay dapat nating unawain sa diwa noong John 13 verse 1. And he loved them to the end. Minahal niya ang kanyang mga alagad hanggang sa kadulu-duluhan, hanggang isuko niya ang kanyang sarili, hanggang ialay niya ang kanyang buong paglilinkod. Ang Dugo ni Hesus ay hindi bayad.
Ang Dugo ni Hesus ang katotohanan ng pagmamahal ng Diyos sa atin. Kaya nga, wala po palang ibang pagsamba na hinihingi sa atin ng Diyos, kundi iyong Krus ni Kristo. At walang ibang pari na makagagawa nito kundi si Hesus na nakapako sa Krus.
Ito ay kabaligtaran sa lahat na inaasahan ng Israel o ng mga Hudyo. At minsan hanggang maging sa panahon natin, dapat nating maunawaan kung gaano kalaki ang kahulugan nito sa atin sapagkat ito ang pinaka-puso ng pag-aalay ni Hesus. Ngayon naman, ano ang saysay ng pagsambang Kristyano? Ang pagsamba natin bilang mga Kristyano, bilang mga Katoliko, ay hindi na pagsuko ng mga bagay sa Diyos.
Marami sa atin ang takot sumamba, takot magsimba, takot magdasal, takot mag-alay ng sarili kasi akala natin ay ipinasusuko sa atin ng Diyos lahat ng mga mabubuti na nararanasan natin. Hindi pagsusunog ng mga bagay sa harap ng Diyos ang kahulugan ng pagsamba. Ang pagsamba ay kaganapan ng pagmamahal.
Ito iyong fulfillment of love. At ito’y ginawa na ng isang tao na kung saan sa kanyang sarili ay pinag-ugnay iyong mabathalang pag-ibig ng Diyos at iyong pag-ibig ng tao na sumasang-ayon sa pag-ibig ng Diyos. Iyong pagmamahal na iyon, ginawa na ni Hesus para sa atin.
Kaya ito ang bagong anyo ng ating pagsamba. Si Hesus ang tumayo sa ating kalagayan. Tuwing tayo’y magsisimba, tandaan natin, opo, nag-aalay tayo sa Diyos.
Pero sa totoo lang, mas higit pa dun, nag-aalay si Hesus para sa atin at nandoon tayo para saksihan ang pag-aalay Niya, sang-ayunan ang pag-aalay Niya, pasalamatan ang pag-aalay Niya ng Kanyang pag-ibig sa atin.
Kaya para doon sa iba o sa ating lahat siguro, dapat isantabi iyong sariling pagpupunyagi sa kabanalan. Para kasi sa atin, iyong kabanalan, gawa iyan ang ating mga kamay. Padamihan ng mga dasal, padamihan ng mga sakripisyo, paramihan ng regalo sa Diyos, sa simbahan, sa mga projects. O iba naman, pangangatwiran na hindi sila dapat singilin sa kanilang mga kasalanan kasi wala silang kasalanan. Parang si Adan, ano, sabi ni Adan, wag ako, si Eva ang nagkasala, hindi ako.
Ay, mga bagay na iyan dapat natin isantabi. Bakit? Sa halip, dapat natin tanggapin ang pagmamahal ni Hesus na Siyang umako sa ating kalagayan bilang makasalanan sa harap ng Diyos. Inako na Niya lahat at sa piling Niya, maging masaya na lang tayo na sumasamba na tayo sa Ama na punung-puno ng pag-ibig sa atin.
Napakaganda pala mga kapatid, ano? Pag tayo pala sumasamba sa Panginoon, talagang sinalo pala ni Hesus ang lahat ng dapat natin gawin. Wala na tayong dapat gawin kundi buksan lang lang ang ating puso para tanggapin ang Kanyang pagmamahal.
May dalawang bagay na dapat lang natin sigurong linawin o banggitin kasi ito ay mga tendency ngayon sa ating lipunan.
Sa panahon natin, pinapahalagahan natin iyong kapatiran ng tao, iyong brotherhood. Naku, syempre ang galing natin dyan, ano? Gustong-gusto natin ipakita iyong paglingap natin sa ating kapwa, iyong ating pagiging maawain, matulungin, iyong ating pagiging mabuti sa ibang tao. Nakakalimutan natin minsan na ang pagsamba sa Diyos ay hindi lang horizontal.
Ang horizontal iyong pahalang na linya na parang ang dapat mo lang mahalin ay iyong mga taong kasalamuha mo. At iyong ibang mga tao nakakalimot, at in fact, tinatanggihan pa nilang tanggapin iyong vertical, iyong pataas na linya. Hindi ba ang cross dalawa iyan eh, isang pahalang na linya at isang pataas na linya, iyan ang cross.
Hindi po pwedeng panay pahalang lang, hindi mo pwedeng sabihin na ganap na ang iyong buhay kapagka mahal mo ang iyong kapwa. At tama na iyon, hindi ka nakailangan tumingala pa sa Diyos, ano? Kasi iyong brotherly love, kapag tinulak mo iyan sa kanyang kadulu-duluhan, kasukdul-sukdulan, iyong pagmamahal sa kapwa, actually tumutukoy iyan sa pagmamahal sa sarili. Nagiging egoism, self-sufficiency.
Akala natin sapat na ang mundong ito, sapat na ang pakikipagkapwa tao natin. Pero hindi natin kayang gawing perfect ang sarili natin, just because we love our brothers and sisters, ano?
Only with the love of God, kailangan natin iyong vertical, kailangan natin tumingala, kailangan natin sambahin ang Panginoon sapagkat Siya lang ang pwedeng magbigay ng kaganapan doon sa pagmamahal natin sa ating kapwa. Siya lang iyong pwedeng magbasbas ng ugnayan natin sa ating kapwa tao, na upang ito ay maging tunay na makahulugan, upang ito ay maging tunay na makabuluhan.
Kaya kahit iyong simple adoration o pagdadasal natin, pagninilay, paglapit sa Panginoon, ito iyong nagbibigay sa atin ng napakalaking posibilidad na tunay na maging mabuting tao at mabuting kapwa sa isa’t isa. Kaya ibang mga tao na tamad magsimba o sumamba sa Panginoon kasi sabihin lang, mabait naman ako eh, wala naman akong ginagawang masama eh, mabuti naman ako makipagkapwa-tao. Ibang mga tao na halimbawa, ayaw magpakasal sa simbahan, sa harap ng Diyos, eh nagmamahala naman kami, okay na rin ito, kontrata lang naman yan, papel lang naman yan.
Ngayon nakakalimutan natin oh, hindi lang vertical, hindi lang pagmamahal sa kapwa ang mahalaga, kailangan natin ang pagtingala, pagtingin sa Diyos na nagmamahal sa atin. Kung paano ang Diyos ay bumaba mula sa langit, mapunta sa lupa, dapat naman tayong tumingala para salubungin iyong kanyang pagdating, iyong pagbaba niya sa ating buhay.
Ito ang magbibigay sa atin ng tunay at ganap na kalayaan bilang mga nilikha, bilang mga tao.
Pangalawa, may isa pang tendency ngayon na hindi natin nauunawaan iyong kahulugan ng pagpapakasakit, ng paghihirap. Alam ninyo po, bahagi ng karanasan ng isang nagsa-sakripisyo iyong nasasaktan. Sabihin ninyo nga sa akin kung nagmahal na kayo na hindi kayo nasaktan? Hindi ba nasasaktan tayo kapag tayo ay nagmamahal? Bunga ng isang taong natutong lumabas sa sarili niya, eh iyong may kirot, may aray, sabi nga. At higit pa sa taong nagpakita ng ibayong pagmamahal, na higit pa sa pagmamahal niya sa sarili, iyong tao na iyon, si Hesus, ibayong hirap din at sakit ang kanyang dinanas.
Minahal niya nang katakut-takot ang Diyos, ang Ama, at minahal niya ng katakut-takot ang kanyang kapwa, tiyak nga na nasaktan siya at dumanas ng hirap. Tayo nga kapag nagmahal tayo e may kirot, may sakit, din e. Sabi nga ni Mother Teresa, give until it hurts. Talagang nasasaktan ka kapag nagmamahal ka at nagbibigay.
Ang paghihirap, ang bunga at kahulugan ni Hesus noong pag-unat niya ng kanyang mga kamay sa krus, ng pag-unat ng kanyang mga kamay mula sa langit patungo sa lupa, hanggang sa halos impiyernong karanasan na halos masasabi niya: “Ama ko, Ama ko, bakit mo ako pinabayaan?” Iyong pagpapakasakit, pagpapakahirap, iyan ay niyakap ni Hesus mula pa sa kanyang paglalakbay mula sa Ama hanggang sa sinapupunan ni Maria at hanggang sa pagkabayubay sa krus. Kaya bago siya mamatay, talagang napasigaw siya: “Ama ko, Ama ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Ibig sabihin hindi biro, naranasan talaga niya ang hirap; parang pinunit ang kanyang puso; parang hinatak, binaltak, parang may tug-of-war na naganap sa kanyang kalooban nang dahil sa pag-ibig. Ito ang kahulugan ng Krus para sa Panginoon.
Pero tandaan natin, hindi iyong sakit o hirap ang mahalaga; hindi iyon. Hindi nga iyon ininda ng Panginoon e. Ang mas mahalagay e iyong pagmamahal na nagnais pag-ugnayin ang langit at lupa; pagkasunduin ang Diyos at ang tao. Ito ang nagbibigay-kahulugan sa hirap at pagpapakasakit ni Kristo. At ganoon din sa buhay natin: minsan nagtatanong tayo – bakit nasasaktan ako, bakit nahihirapan, bakit nagpapakasakit? Hindi ba ang dahilan diyan e nagmamahal ka, nagmamalasakit ka. Dahil nagnanais kang tumulong, magpakita ng awa, kaya ka nasasaktan.
At hindi iyong sakit ang pinakamahalaga naman. Sa taong tunay na nagmamahal, ang mas mahalaga ay iyong pagmamahal, at secondary lang iyong “pain” o sakit na nararamdaman. Ganito ang sakripisyo ng mga magulang, ng mga guro, ng mga naglilingkod, ng mga taong nag-aalay ng sarili para maging matiwasay ang ating buhay.
Baka ito din ang challenge, ang hamon ng Panginoon; na tuwing lalapit tayo sa kanya, maunawaan natin ang kahulugan ng ating sariling pagpapakasakit para sa kapwa alang-alang sa pagmamahal sa kanila.