Home » Blog » SUMASAMPALATAYA AKO PART 8: UMAKYAT SA LANGIT, NALULUKLOK SA KANAN NG DIYOS AMANG MAKAPANGYARIHAN

SUMASAMPALATAYA AKO PART 8: UMAKYAT SA LANGIT, NALULUKLOK SA KANAN NG DIYOS AMANG MAKAPANGYARIHAN

Magandang araw pong muli sa inyong lahat. At ngayon ang ating tatalakayin naman ay ang pagpapatuloy ng ating panalanging Sumasampalataya o Kredo: “Umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan.”

Ano po ba ang pumapasok sa isip natin kapag naririnig natin ang salitang langit? Ganito ba? Isang lugar na maulap? Isang lugar kung saan puno ng liwanag? Kung saan hindi tumitigil ang sikat ng araw? At higit sa lahat, isang lugar na malayo at mataas sa atin?

Bago natin simulan ang ating patalakay, ay magibigay muna tayo ng isang munting babala. Isang munting paliwanag nang sa gayon ay magkaroon ng linaw ang ating mga ideya o kaisipan tungkol sa langit, lupa at impyerno.

Kasi po, maraming tao ang naniniwala na ang sanglilikha, ang buhay natin ngayon ay nababalot o pumapaloob sa tatlong bahagdan o tatlong palapag. Para bang three floors ng isang building, halimbawa kung saan tayo naroon ngayon, tayong mga nabubuhay, ito iyong ground floor o first floor; sa ilalim naman, nandoon iyong basement at iyong impiyerno. At sa itaas natin, sa second floor, eh iyon naman ang langit.

Eh kasi ba naman, sa paggamit natin ng pananalita natin araw-araw, nagagawa natin na i-convey o i-transmit ang ganitong idea. Halimbawa, pag may taong nagpapasalamat, “Unang-una po, ako po ay nagpapasalamat doon sa nasa itaas,” at ituturo pa ng daliri, papaitaas.

Para bang ang Diyos ay nasa itaas lamang, na ang langit ay nasa itaas nga. O kaya naman sinasabi natin, magsisi ka sa mga kasalanan mo. Pag hindi ka nagsisi, pag namatay ka, doon ka pupunta sa ibaba at ituturo pa natin iyong lupa, ilalim ng lupa. Ibig sabihin, naniniwala tayo na sa ilalim ng lupa, nandoon nga ang impiyerno – ang lugar ng mga yumao o ang lugar ng mga tao na namatay, na nagsarado ng puso sa Panginoon. Pero alam natin, nasa sangnilikha ng Diyos, wala naman talagang itaas o ibaba. Wala naman talagang kanan o kaliwa.

Ang mga ito, mga kapatid, ay mga expressions lamang. Mga pagpapahayag na tumutukoy sa iba’t ibang aspekto ng ating buhay.

Tulad ng sinabi na natin doon sa pagtalakay natin sa “pagpanaog niya sa lugar ng mga yumao,” sa “kinaroroonan ng mga yumao.” Iyon palang ibaba, iyong lugar kung saan nanaog si Hesus, ang kahulugan noon ay iyong “loneliness” na nararanasan ng isang taong namamatay. Loneliness na kaakibat ng kamatayan. At lalung-lalo na iyong loneliness ng tao na isinarado na ang kanyang puso sa Diyos kaya hindi na malulutas pa ang loneliness na iyan. Ang pinakamatinding loneliness ay walang iba kundi ang impiyerno.

Ngayon naman, pag sinabi natin na si Hesus matapos na manaog sa ibaba, ngayon ay umaakyat sa langit, ang ating tinutukoy ay hindi naman talaga lugar kung saan si Hesus ay umaakyat, na para bang pumailanglang ang isang eroplano, o kaya ang isang lobo, o ang isang burador. Hindi po ganun. Isa pang aspekto ng ating buhay ang tinutukoy nito.

Kung iyong ibaba, iyong kinaroroonan ng yumao, iyong impyerno, ang kahulugan ay loneliness, itong pag-akyat sa langit ay nagpapahayag naman ng katayuan ng isang tao na punong-puno ng posibilidad na magkaroon ng ugnayan sa Diyos at sa kanyang kapwa dahil sa punung-puno ng pag-ibig ang kanyang puso. Kung iyong loneliness, iyon pala ang karanasan ng kamatayan at ng impyerno, iyong heaven naman, ang ibinibigay na karanasan nito sa atin ay “unity, contact, communion with God and with others.” Pakikipagkaisa, pakikipagtagpo, pakikiisa sa Diyos at sa ating kapwa.

Kaya iyong umakyat sa langit ay siyang mayroong tunay na ugnayan sa Diyos at kapwa dahil nababalot siya ng dakilang pag-ibig ng Diyos. May kaibahan iyong karanasan ng kamatayan at lalo na ng impyerno at gayon din iyong karanasan ng langit. Iyong hell, iyong impiyerno, tayo po ang nagdudulot niyang sa sarili natin.

Hindi Diyos ang nagdadala sa atin sa impyerno. Hindi tayo itinutulak ng Diyos sa impiyerno na para bang nakatayo ka sa isang tulay, dumaan ng Diyos at itinulak kang bigla para mahulog ka sa ilalim. Hindi! Tayo ang tumatanggi sa biyaya at alok na pag-ibig ng Diyos.

Kasi gusto nating maging independent, gusto nating gawin iyong nais nating gawin na magpapasaya sa atin, magpapasarap sa atin. Gusto nating ilayo ang sarili natin sa utos at atas ng Panginoon. “Kaya ko itong mag-isa,” “Kaya ko ito,” “Hindi ko kailangan ng tulong ninuman.”

Kaya ang tao ay nagiging untouchable, nagiging solitary, nagiging loner, nagiging rejecter. Tinatanggihan ang alok ng Diyos. Siguro may kilala tayo na mga tao sa ating buhay na nakita natin na parang ang tigas ng loob, yun po ba ang tigas ng puso na hindi sanay magpatawad, ayaw makalimot sa mga nangyari noong nakaraan, laging inaalala iyong sakit na nakalipas at ayaw pang pakawalan iyan.

Hindi ba, kahit dito pa lang sa mundong ito, parang impyerno na iyong buhay niya sapagkat ayaw niyang buksan ang kanyang puso sa kagalakan, sa pagpapatawad, sa kalayaan. Iyong impiyerno, ganun eh. Iyong impyerno, iyon ang katayuan ng tao na ang sinasabi ay, “Gusto ko, ako lang.” “Gusto ko, ako lang ang tama. Ako lang ang magaling. Ako lang ang mabuti.”

Ako lang ang masusunod. Nakabarikada na ang kanyang puso – ganyan ang impiyerno.

Subalit ang langit, ito ang kanyang kaibahan. Ang langit ay hindi natin kayang ibigay sa ating sarili. Ang langit ay hindi natin kayang gawin o i-produce. Hindi natin ito kayang imbentuhin.

Ang langit ay biyaya. Ito ay grasya. Sabi nga sa Latin, ang grasya ay “donum indebitum et superadditum naturae.”  Ibig sabihin nito sa Tagalog, isang regalong hindi man karapat-dapat, pero idinagdag pa rin sa ating pagkatao sa pamamagitan ng pag-ibig ng Diyos.

Kung iyong impyerno ay loneliness sapagkat tinanggihan ang pag-ibig, ang langit naman ay fulfillment, kaganapan ng pag-ibig. Pag-ibig na pinayabong, pag-ibig na pinagyaman, pag-ibig na tinanggap bilang regalo sapagkat ito ay kaloob naman talaga ng Diyos, alok ng Diyos sa tao na Kanyang minamahal.

Dito lang natin mauunawaan kung ano talaga ang kahulugan ng langit sa isang Kristiyano. Hindi po ito lugar sa ibabaw ng mundo o lampas sa ulap, lampas doon sa pinakamataas na mararating natin sa space. Hindi, ang langit at pag-akyat ni Kristo ay konektado dahil ang langit ay nakasentro kay Kristo.

Hindi ito parang pinto na nakasara noong una at binuksan lamang na Hesus sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Hindi, ang langit ay ang pagdaloy, ang paglalakbay nang sabay ng Diyos at ng tao at ito ay naganap kay Hesus sa Kanyang buhay dito sa lupa hanggang sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Dito pa lang sa lupa, si Hesus ay laging nasa langit na sapagkat laging niyang kapiling ang Ama sa Kanyang puso at laging taglay niya ang pag-ibig naman niya para sa ating lahat.

At ang langit ang kinabukasan natin na hindi nating kayang ibigay sa ating sarili kundi tatanggapin lang natin. Ito ay kinabukasang sinimulan na ng isang nagkatawang tao, Diyos na nagkatawang tao at nakipamayan sa atin at nagpamudmod ng Kanyang pagmamahal sa atin. Ang langit ay hindi pribado, hindi private, hindi ito para sa ilang tao na piling-pili lamang.

Ito ay may kinalaman sa lahat ng tao sapagkat lahat ng tao ay niyakap ni Hesus at inalok niya ng Kanyang pagmamahal. Ito ay may kinalaman sa buong sangkatauhan. Ang pagkakaugnay ng Diyos at ng tao na nakalarawan sa Pagkabuhay at pagakyat ni Hesus sa langit, iyan ang pag-asa ng walang hanggang buhay at pag-iral para sa atin.

Iyan ang patunay ng pag-ibig na matindi pa sa kamatayan. Pag-ibig na matindi pa sa kamatayan, hindi lamang dahil nalupig niya ang kamatayan, kundi narating niya ang kaugnayan na ganap sa Diyos at sa Kanyang kapwa-tao. Si Hesus ang pinto sa pagitan ng Diyos at tao.

Siya ang tagapamagitan. Siya ang langit nating lahat. At tayo ay may kakayahang makipag-ugnayan sa Kanya at sa isa’t isa dahil inaalok niya tayo ng Kanyang pag-ibig.

Ibinabahagi niya sa atin ang Kanyang langit. Ang alok pala sa atin ng Panginoon ay langit. Naalala ko noong meron akong kaibigan na gagraduate na at dahil gagraduate na siya, alam niya magkakatrabaho na siya, magkakaroon na siya ng pera at sana nga ay yumaman na siya.

Sabi niya sa akin, “Alam mo pagka graduate ko, dahil ikaw ay matapat kong kaibigan, ang pangako ko sa iyo, ibibigay ko sa iyo ang langit.” Pero walang tao na makapagbibigay sa atin ang langit. Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng langit.

Huwag tayong umasa sa anuman sa lupa na makapagbibigay sa atin ang langit. Si Kristo lamang ang makapagdadala sa atin sa karanasan ng kalangitan. Sana po ay nakatulong ang munting pagninilay na ito para sa gayon ay mabuksan ng ating isip at puso sa kahulugan ng pag-akyat ng Panginoon sa langit.