Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO A/ CORPUS CHRISTI

DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO A/ CORPUS CHRISTI

EUKARISTIYA AY UGNAYAN

Jn. 6: 51-58

MENSAHE

Ipinagdiriwang natin ngayon ang pinakasentro ng ating pagsamba bilang mga Katoliko sa buong mundo: ang Banal na Eukaristiya, ang Banal na Misa. Nakasalig sa pangako ng Panginoong Hesukristo, nagtitipon tayo tuwing Linggo upang makinabang sa dalawang hapag niya: ang hapag ng Salita ng Diyos at ang hapag ng kanyang Katawan at Dugo, bukal ng ating ligaya at lakas.

Nitong nakaraang Easter, nai-report ang kahanga-hangang dami ng mga kabataan sa buong mundo na nag-convert sa simbahang Katoliko. Marami sa kanila ang nakatuklas ng Banal na Misa bilang Tunay na Presensya ni Hesus sa kanilang buhay, gabay sa hinahanap nilang kapayapaan, kahulugan, at kaligtasan.

Subalit marami din namang mga Katoliko na nalalagas at lumalayo sa simbahan, at madalas dahil ang Banal na Misa ay para sa kanila, naging rituwal na walang kahulugan. Isang dating Katoliko na ministrong born-again ngayon ang nagsaad sa isang panayam na bagamat naniniwala siya na bahagi tayong lahat sa Katawan ni Kristo, hindi niya matatanggap na ang Misa ang pagdiriwang na magpapatingkad ng kanyang pananampalataya. Sa halip, ang kailangan lang ay tuon ng pansin kay Hesus, pagmamahal kay Hesus; ito ang tunay na mahalaga.

Palagay ko ang masiglang kombinasyon ng dalawang pananaw na ito ang makapagpapalago ng pananampalataya at pagdiriwang ng Eukaristiya. Oo, si Hesus ay tunay na nariyan sa kanyang Katawan at Dugo tulad ng kanyang pangako. Subalit kung magdiriwang na walang koneksyon, walang ugnayan sa kanya, hindi magiging personal ang pananampalataya. At oo din, mahalaga ang pananalig sa Salita ni Hesus na nakapagpapabago ng buhay. Subalit kung yayakapin ito na walang pagsunod sa kanyang utos na ipagdiwang ang kanyang Krus at Pagkabuhay sa paraang ninanais niya, ang resulta ay pananampalataya na hindi ganap at kulang.

Kaya, ang Eukaristiya na ipinagdiriwang sa pananampalataya, may buhay na ugnayan at koneksyon kay Hesus ang siyang susi sa makabuluhang pagsamba at pagtanggap ng kanyang Katawan at Dugo na magpapayabong ng ating pagmamahal, pagtalima, at paglilingkod.

MAGNILAY

Paano mo ipinagdiriwang ang Banal na Misa? Hilingin nating sa harap ng Presensya ng Panginoon sa kanyang Katawan at Dugo, ang ating pakikipag-ugnayan sa kanya ay lumalim, magbago, at magbunga.