KAPISTAHAN NG LAHAT NG MGA BANAL/ IKA-31 LINGGO, KARANIWANG PANAHON A
KAILANGAN NATIN ANG MGA SANTO!
MT 5: 1-12a
MENSAHE
Isang matandang pari ang nagtulak sa akin na sumulat ng bagong aklat tungkol sa mga santo dahil ang kaisa-isang aklat sa Tagaloy ay lumang edisyon na. Nagsulat ako ng apat na volumes dahil dito. Napag-alaman ko kamakailan lamang, na sa isang diocese ay mungkahi na basahin mula sa aking mga aklat ang talambuhay ng mga santo bago ang Misa. Tamang mungkahi ng aking kaibigan, at wastong tugon ko naman, dahil totoo nga, kailangan natin ang mga santo!
Kailangan ng mga tao ngayon na maging pamilyar sa mga santo. Kailangan marinig ang magiting na pagmamahal ng mga nanampalataya kay Hesus sa buhay at sa harap man ng kamatayan. Tumugon sila sa tawag ng Mabuting Balita ngayon na maging tunay na “mapalad” sa mata ng Ama.
Subalit ang mga santo ay hindi sa libro lang matatagpuan. Napuna si Santo Papa Juan Pablo II noong kaydami niyang idineklarang mga santo at santa sa panahon niya. Subalit mahalaga ang kanyang dahilan dito: hindi pa laos ang mga santo; hindi sila napag-iwanan; hindi sila naubos na! Patuloy na tumatawag ang Panginoon sa buhay kabanalan ngayon dahil kailangan ng daigdig ang mga mabubuting halimbawa, kasangga sa panalangin, at mga banal na kaibigan ni Kristo. Baka nga, ikaw ang santo o santa sa pamilya mo o sa lugar na iyong ginagalawan ngayon.
Kaugnay ng mga santo iyong mga kaluluwa ng ating mga “mahal na yumao” na maaaring hindi perpekto noong nabubuhay pa. Sa Purgatoryo, dinadalisay sila upang balang araw makarating din sa langit; tulad natin, sila ay mga “naglalakbay tungo sa kabanalan.” Tinutulungan sila ng ating panalangin, habang ipinagdarasal din natin sila. Ang pagmamahal at pagkakaisa ay walang kinikilalang distansya o hangganan.
MAGNILAY
Ngayon, at sa buong Nobyembre, pagnilayan natin ang buhay ng mga santo at santa; alalahanin din natin ang mga mahal nating yumao na nag-iwan ng halimuyak na inspirasyon natin sa buhay ngayon. Higit sa lahat, balikan natin ang mga salita ng Panginoon sa Mabuting Balita upang maging tunay tayong “mapalad” na mga alagad!
*Salamat sa Diocese of Malolos Liturgical Commission sa pagmumungkahing basahin ang aking serye ng mga aklat na “Isang Sulyap sa mga Banal…”; maaaring out of print na ang mga libro subalit ang nilalaman nito ay narito din sa website na ito. God bless you po!
Check out my books, now available as ebooks on Google Play Book Catalog: 1) Kilalanin si Ka Luring Franco, Pilipinang katekista na kandidata sa pagiging santa – https://play.google.com/store/search?q=simpleng%20katekista&c=books&hl=en_GB; 2) Matutunan ang Ignatian discernment o pagkilatis ng mga espiritu – https://play.google.com/store/books/details/Fr_Ramil_Marcos_PAGKILATIS_SA_MGA_ESPIRITU_Gabay_s?id=dZUbEgAAQBAJ&hl=en_GB; Happy Spiritual Reading! God bless!