Home » Blog » IKALABING-DALAWANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKALABING-DALAWANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

MAGWAGI LABAN SA TAKOT

MT 10: 26-33

MENSAHE

Panginoong Hesus, bakit mo sinasabi na huwag kaming matakot? Ito kasi ang pinakamadaling maranasang damdamin ngayon. May giyera sa Europa, may digmaan din sa Gitnang Silangan. Nagtataasan ang mga presyo ng bilihin at gasoline. Ang gulo ng pulitika. Ang daming banta sa buhay at seguridad sa darating na bukas.

Ang dami din pong kaganapan sa mga pamilya: hiwalayan, inggit, away, pagtataksil. May mga taong batbat ng sakit at kahinaan. Marami ang nakapila sa paga-apply ng trabaho, naghihintay ng mga visa, o kaya binabagabag ng gulo ng utak. Hindi kaya takot lang talaga ang aming hantungan?

Subalit ang sabi po ninyo, huwag matakot. Paano ba lulupigin itong nakakikilabot na emosyong ito? Panginoon, makikinig lang ako sa iyo. Tititig lang ako sa iyo, hindi dahil wala kang takot. Natakot ka din sa halamanan ng Getsemani noong gabi bago ka mamatay. Subalit pagtayo mo mula sa pagdarasal, matapong mong hinarap ang iyong tadhana na may tiwala at pag-asa mula sa Ama.

Hindi ka natakot salungatin ang mga Pariseo, ang mga sundalo, si Pilato at Herodes; hindi ka natakot kahit sa krus. Sa halip na takot, kumapit ka sa pagmamahal, pagsuko, at pag-asa sa awa ng Ama, sa kanyang dakilang habag. At ito ang nagdala sa iyo sa Muling Pagkabuhay!

Kaya pala ang inyong bilin, huwag kaming matakot. Ang pagkawasak ay hindi ang may huling halakhak. Ang kamatayan ay hindi ang magtatagumpay. Ang pagkalugmok ay hindi ang huling hantungan. Dahil hindi kami nag-iisa. Hindi mo kami iiwan o pababayaan sa kawalan at kalituhan. Sa pananampalataya, natutuklasan naman ang tapang na nagpapalayas ng bagabag at nagbibigay ng “pag-asang hindi nambibigo” (Rom 5:5). Opo, Panginoong Hesus, kapag natatakot ako, sa iyo ako makikinig; sa iyo lamang ako titingin. Ikaw ang panlaban ko sa takot. Hawak mo ang beat, sabi nga ng awitin!

MAGNILAY

Ano ang mga takot mo ngayon? Handa ka bang ilapag sa paanan ng Panginoon ang mga ito? Nais mo bang sa kanya lamang tumingin at makinig? Huwag ka nang matakot. Manalig kay Hesus!