Home » Blog » SUMASAMPALATAYA AKO PART 6: NANAOG SA KINAROROONAN NG MGA YUMAO

SUMASAMPALATAYA AKO PART 6: NANAOG SA KINAROROONAN NG MGA YUMAO

Ngayon tayo ay nasa bahagi kung saan sinasabi natin “nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao.” Dati sa English, kapag nagdadasal tayo ng Apostles Creed, sinasabi natin, “He descended into the dead.” Ngayon sinasabi naman natin, “He descended into hell.”

Iyong “from the dead,” ginawang “hell.” Baligtad naman sa Tagalog, na dati sa Tagalog ay “nanaog sa mga impyerno,” hell. Ngayon naman pinalitan, “nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao,” “the dead.”

Kung meron man na isang bahagi ng pananampalataya na tila napakalayo sa isip natin ngayon, siguro ito na po iyon. Kailan ninyo ba huling inisip o pinagnilayan na si Hesus na ating Panginoon ay nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao? Sige nga po, naisip ninyo na ba iyan?

Bihira nga banggitin sa mga sermon, kahit sa mga recollection ng Holy Week o ng Kuwaresma, hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin. Kung mayroon isang bagay na tila napakalayos sa isip ng mga Kristiyano, maaring isa na ito sa mga bagay na iyon.

At kung meron man na mga patunay na binabanggit sa Banal na Kasulatan o sa Bibliya tungkol sa katotohanang ito ng pananampalataya, ang mga ito ay hindi madaling unawain, at kung minsan pa nga ay maaring ipaliwanag sa maraming paraan. Tunghayan natin ang makikita natin sa Salitan ng Diyos tungkol sa pagpanaog ni Kristo sa kinaroroonan ng mga yumao.

Ayon sa unang sulat ni San Pedro, chapter 3, sabi doon, “Siya’y pinatay sa laman at muling binuhay sa espiritu. Sa kalagayang ito, nagpunta Siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo.” Doon naman sa unang sulat ni San Pedro, chapter 4, mababasa, “ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay, upang bagamat sila’y nahusgahan ayon sa laman, gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.” At doon sa Efeso, chapter 4, makikita natin, anong ibig sabihin ng umakyat Siya? Ang ibig sabihin niyan ay, “bumaba muna Siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa.”

Sa Romans, chapter 10, minabanggit, “huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababa sa kailaliman,’ upang muling buhayin si Kristo?” Sa Ebanghelyo ni San Mateo, chapter 12, kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing nasa ilalim ng lupa. Sa Gawa ng Mga Apostol, chapter 2, “sapagkat ang kaluluwa ko’y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay, at hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong banal na lingkod.”

At panghuli, sa Gawa ng Mga Apostol, chapter 2 pa din, “noon pa man ay nakita na ni David ang Muling Pagkabuhay ng Kristo, at ipinahayag niya ito ng kanyang sabihin, hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay, at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.”

So ilan po iyan sa mga sipi mula sa Biblia, sa Salita ng Diyos, na nagpapatunay doon sa ating pananalig sa bahaging ito ng Sumasampalataya o Kredo na ating panalangin.

Ang problema lang sa panahon natin ngayon, parang itong bahaging ito ng pananampalataya, na si Hesus ay nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao, na si Hesus ay nanaog sa impiyerno, ay hindi pinag-uusapan. Hindi masyadong tinatalakay, kahit man sa mga sermon ng mga pari, o mga recollection o pagninilay bago ang Mahal na Araw, o kahit sa katesismo, parang dinadaanan lang natin. Kasi po naman, hindi madaling unawain, at hindi rin madaling ipaliwanag.

Kaya siguro ang tendency natin ay ilibing na lamang sa limot, iwasan, at huwag na lamang pansinin. Pero di ba mas maganda na dahil nga mahirap unawain, mahirap ipaliwanag, ay harapin natin ang challenge na ito, at lalo nating talakayin, sapagkat baka magdala ito sa atin sa isang magandang direksyon. Sa halip na limutin o iwasan ang discussion o pagtalakay, baka mas maganda na palalimin natin.

Ano ba ang kahulugan ng talatang ito sa ating pananampalataya? Paano ba ito makatutulong sa atin para maunawaan ang misteryo ng buhay ng Panginoong Hesukristo? Ang misteryo na isinasaloob o o isinasa-katawan sa Sabado de Gloria, kapagka tayo ay nagdiriwang ng Holy Week, baka matagpuan natin na ito palang bahaging ito ng pananampalataya ay lubhang napakalapit sa ating karanasan, sa puso ng mga nagaganap sa atin, lalo na sa panahon ngayon. Hindi ba mga kapatid, pag Biyernes Santo, tayo ay nakatayo sa harapan ni Kristong nakapapo sa Krus. Iyan ang ating pinagninilayan, iyan ang ating tinatalakay, iyan ang ating ipinagdarasal. Subalit pagdating ng Sabado Santo o Sabado de Gloria, nakatambad sa atin, walang iba, si Kristong Namatay. Ito ang araw, ang Sabado Santo, ang araw na patay ang Diyos.

E napakadami pang namang mga tao sa panahon natin ngayon na ganito ang karanasan, na para bang ang Diyos ay nawawala na sa kanilang buhay. Ang Diyos ay hindi mahagilap kahit na pilit na hinahanap. Ang Diyos ay tila ikinubli ng libingan.

Para bang natutulog pero hindi na magigising, o kaya ayaw magsalita. Kaya, sabi ng iba, huwag na lang pag-usapan. Kalimutan na lamang ang Diyos na iyan.

At ganyan nga po ang ginawa ng mga philosophers na mga atheists o iyong walang pananalig, pananampalataya sa Diyos. Ang sabi ng mga philosophers na ito, God is dead and we killed Him. Patay na ang Diyos at tayo ang pumatay sa Kanya.

Mga kapatid, unawain nating lahat ito doon sa konteksto ng ating pananalig, sa nilalaman ng ating panalangin, na si Hesus ay nanaog sa kinaroroona ng mga yumao. Si Hesus ay nanaog sa impyerno. At siguro maganda alalahanin natin ang ilang tagpo sa Bible na magpapakita sa atin kung paanong ang mga tao ay nagkakaroon ng tendency na ipahayag ang kamatayan ng Diyos.

Halimbawa, sa Old Testament, sa unang aklat ng mga Hari, chapter 18, doon makikita natin si propeta Elias na nakikipagtagisan, nakikipag-kumpetensya sa mga pari ng diyus-diyosan na si Baal. Ang sabi niya, kapwa tayo magdasal. Magdadasal ako kay Yahweh, sa Diyos ng mga Hudyo, ang tunay na Diyos.

Magdasal kayo sa inyong diyus-diyosan na si Baal. Ang Diyos na sasagot ng apoy, iyan ang tunay na Diyos. E iyong mga pari ni Baal ng mga pagano, talagang sumigaw, nagdasal, sumayaw, sinaktan pa nila iyongg kanilang sarili, pinaghiwa-hiwa nila ang kanilang katawan.

Pero walang nangyari sa kanilang dasal. Hindi tumugon ang kanilang Diyos sa kanilang panalangin. Si Elias, lalong lumakas ang loob lalo niya.

At kinutiya niya ang mga paring ito ni Baal. Ang sabi niya, sige, magsisigaw pa kayo. Baka natutulog lang, baka late lang nang gising iyong inyong panginoon. Kaya sumigaw pa kayo at para marinig niya kayo.

Sa panahon natin ngayon, baligtad naman po. Iyong mga hindi naniniwala sa Diyos, sa ating pananampalataya, sila ang para bang sumisigaw sa atin na mga sumasampalataya.

At sinasabihan tayo, sa gitna ng mga problema ng mundong ito, sa gitna ng anumang krisis, sa gitna ng mga hilahil at mga suliranin sa lipunan, sige pa, magdasal pa kayo. Baka tulog ang Diyos ninyo. Baka pipi ang Diyos ninyo. Baka nawawala siya at hindi ninyo na siya matagpuan.

Sa Bagong Tipan, meron din ganitong episode sa Marcos kabanata 4. Ang mga alagad at si Hesus ay nasa bangka at dumating ang isang malakas na unos o bagyo sa gitna ng laot. At ang Panginoon ay natutulog.

Ang mga alagad ay takot at takot at ang sabi, Panginoon, gumising ka, hindi ka ba natatakot na lulubog na tayo? Wala ka bang pakialam na mamamatay na tayo? So iyong mga alagad ay walang alam na kasama nila ang Diyos, sa pamamagitan ni Hesus, sa katauhan ni Hesus, natakot sila at atangkala nila ay hindi sila didinggi ng Panginoon. Doon naman sa Lukas, sa 24 na kabanata, makikita natin iyong dalawang alagad pagkatapos ng pagkapako at kamatayan ni Hesus sa kruz, sila ay babalik na sa Emmaus. Aalis na sa Jerusalem.

Babalik na sa dati nilang buhay. Bakit? Kasi para sa kanila, tila namatay na ang Diyos na kanilang sinasamba. Si Hesus na isinugo ng Diyos at tangi nilang pag-asa ay pumanaw na.

Wala na. Nagkaroon ng malaking gawak, malaking puwang sa kanilang buhay. Kapag sinabi po natin, “Nanaog sa Kinaroroonan ng mga yumao,” alam niyo ba ipinapa-alala sa atin na hindi lang pala iyong “salita” ng Diyos ang mahalaga.

Nasanay kasi tayo na laging may “salita” ang Diyos, may tugon ang Diyos, may sasabihin ang Diyos, may mensahe. Pero ipinapa-alala sa atin, mga kapatid, pati pala iyong “katahimikan ng Diyos,” bahagi din ng pagbubunyag niya ng kanyang sarili. Hindi lamang natin maunawaan. At magkakaroon ng pakikipagtagpo sa Diyos hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang salita, na naririnig, nararanasan, nararamdaman natin.

Ang Diyos din ay maririnig, mararanasan, makakasalamuha natin sa pamamagitan ng kanyang katahimikan. Oo, hindi madaling intindihin iyong katahimikan na iyon. Parang minsan gusto natin basagin iyong katahimikan na yan.

Parang gusto natin na sundutin iyong katahimikan na iyan, nang sa gayon ay mawala na at marinig natin muli ang salita ng Diyos. Pero minsan tahimik ang Diyos sa ating buhay. Ang Diyos ay nagpapahayag, oo, “revelation.”

Pero ang Diyos pala ay “concealment” din, pagkukubli. At kailangan natin maranasan pareho ang salita ng Diyos at ang katahimikan o pagkukubli ng Diyos. Hindi po natapos ang kwento ni Hesus sa krus, nang mamatay siya tapos inilibing siya.

Hindi, ang kuwento niya ay nagpatuloy dahil pumalaot pa siya sa ibayo pa doon, sa kamatayan, sa kadiliman, sa katahimikan, sa pagkukubli ng Diyos.

And again and again, sa buhay natin, we are led to this hour of silence. Doon sa krus, habang nakapako ang Panginoon, sumigaw ang Panginoon.

“Ama ko, Ama ko, bakit mo ako pinabayaan?” Dito makikita natin na naranasan ang Panginoon na siya mismo pumapasok na sa kadiliman. Tila ang layo ng Ama, tila hindi na niya maabot ang Ama, hindi na niya mahagilap ang kamay ng Ama. Kung tutuusin, kinuha niya ang panalanging ito o ang sigaw na ito sa Psalm 22 o Psalm 21, depende sa version na inyong binabasa.

Ito ay bahagi ng dasal ng mga Hudyo na nagsisimula sa isang reklamo, Panginoon, Panginoon, bakit mo kami pinabayaan? Pero sa huli ng Salmo, makikita natin, bago matapos ang panalanging ito, may pag-asa at may pagpupuri sa kadakilaan ng Diyos. Iyong dalawang bagay na ito, present doon sa sigaw ni Hesus sa Krus. “Ama ko, Ama ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ito ay isang sigaw mula sa kailaliman ng kanyang sarili, ng kanyang puso. Para bang hinuhugot ni Hesus ang panalangin, ang sigaw na ito.

Parang sinasabi niya, nasaan ba talaga ang Diyos, ang aking Ama? Nasaan ang magbibigay sa akin ng suporta? Hindi po ito sigaw para sa buhay. Hindi siya naghahagilap ng buhay. Siya ay naghahagilap para sa Amang tila nawawala.

Hindi kaya mga kapatid na ganito rin minsan ang sigaw natin? Kapag tayo naman ang nasa kailaliman ng mga karanasan natin? Kapag parang nasa impyerno na tayo ng buhay? Kapag bagsak na bagsak na tayo? Kapag lugmok na tayo? Parang gusto nating sabihin, Diyos ko, Diyos ko, bakit naman pinabayaan mo ako? Bakit naman iniwan mo kami? Bakit parang hindi na kami mahalaga sa iyo?

Nais natin sa pagninilay na ito na maging tulad ni Hesus na maranasan ang pagiging malapit ng Panginoon sa atin sa kabila ng karanasan natin ng pagiging malayo niya ng para bang pagkawala na tila pag-abandona na sa atin ang Ama ng Panginoon.

Pero ano ba muna po ang kahulugan ng impiyerno? Ano ba iyong kinaroroonan ng mga yumao na tinatawag din na impyierno dito sa ating panalangin? Doon sa mga Hebreo at ganoon din sa mga Griyego, kapag sinabing impiyerno, simple lang ang kahulugan. Ang impiyerno ay ang kalagayan ng isang tao matapos siya mamatay.

Iyan ang kahulugan ng Hebreo na “Sheol” at saka ng Greek na “Hades.” Iyong mga salita na iyan. Simply, ang kahulugan noon, namatay na siya.

Napunta siya sa kinaroroonan ng mga yumao. Napunta siya sa impiyerno. Ibig sabihin, namayapa na siya.

Subalit ito, ang maaring pagkuhanan natin ng mas malalim na pagninilay pa. Oo nga, namatay ang isang tao. Pumanaw siya.

Pero ano ba ang nangyayari kapag ka ang tao ay namatay na? Ano ba ang nagaganap kapag ang tao ay bumagtas na doon sa pinto ng kamatayan? Siyempre, nakakahiya na gawin itong pagninilay na ito. Kasi kung tutuusin, wala naman sa atin nakakaalam dahil hindi pa naman tayo namamatay. Subalit, may konting liwanag na makikita tayong muli doon sa sigaw ni Kristo na Panginoon sa krus na binanggit natin kanina.

Dito makikita natin ang puso ng karanasan ng isang taong pumapasok sa kamatayan. Ng isang taong pumapanaog sa impiyerno, ng isang taong nakikibahagi sa karanasan at kapalaran ng lahat ng tao na walang iba kundi ang kamatayan.

Doon sa krus, nang sumigaw ang Panginoon, Ama ko, Ama ko, bakit mo ako pinabayaan? Actually, hindi niya iniisip iyongg sugat. Tadtad ng sugat ang kanyang katawan mula ulo hanggang paa. Pero hindi iyon ang kanyang iniisip.

Hindi niya iniisip iyong sakit na nararanasan niya, iyong kirot na nararanasan niya. Sa halip, ang binubuno ng Panginoon dito, ni Hesus, ay ang isang matinding pangungulila. Loneliness, sapagkat nararamdaman niya na parang ganap na siyang iniwan.

Ina-abandona ng Ama. Hindi ba bahagi ng tao iyong loneliness ng buhay ng tao? Taliwas iyan sa ating kalikasan bilang mga tao dahil nilikha tayo hindi para maging lonely. Nilikha tayo hindi para mag-isa.

Nilikha tayo na may kasama, kaakbay, kalakbay. Kaya iyongg loneliness, kapag pumasok tayo diyan, nakakatakot. Para bang inalis ka, dinampot ka sa lugar kung saan ka masaya, kasama at kapiling ng iyong mga mahal sa buhay, pagkatapos itatapon ka sa isang lugar na napakahirap mabuhay sapagkat ikaw ay nag-iisa.

Napakahirap i-endure o batahin sapagkat wala kang kasama. Para ba itong bata po, di ba, na inutusan, lumabas ka at bumili ka nga sa tindahan? Eh iyong kalsada ay napakadilim at walang ilaw sa gabi. Wala namang dapat ikatakot iyong bata pero alam mo na iyong bata na papunta sa tindahan, nangangatog iyong tuhod niya, natatakot siya.

Bakit? Dahil siya ay nag-iisa. Kahit sabihin pa, wala namang nakatakot dyan, hindi totoo ang multo, wala ding aso na hahabol sa iyo. Pero ang bata ay natatakot pa rin.

Iba iyong takot ka sa isang bagay, pero iba iyong takot ka kahit walang dapat katakutan. Sapagkat iyon ang kahulugan ng loneliness eh, natatakot kang mag-isa, natatakot ka na magsarili. Para bang natatakot ka sa sarili mo…

Hindi po ba minsan may mga tao din na, halimbawa, nagbabantay ka sa lamay, ikaw na lamang ang naiwan doon, ang patay at saka ikaw sa punerarya.

Alam mo na hindi ka naman pwedeng saktan ng patay kasi patay na iyan. Pero pag nag-iisa ka doon, tumitindig iyong balahibo at natatakot ka, kinikilabutan ka. Mas malalim na takot ang nararanasan mo sa tabi ng patay kahit alam mo na patay na iyan.

Ano ang solusyon? Iyong bata na naglalakad sa dilim, bigyan mo iyan ng kasama, pasamahan mo iyan sa kanyang kuya o ate, hindi na Iyan matatakot. Bakit? May kakwentuhan eh, may kausap, may kasabay. Iyong tao na naglalamay sa patay, bigyan mo iyan ng isa pang makikilamay. Hindi ba lalakas ang loob niyan? Makikipagkwentuhan, tatawa, makikipaglaro ng chess o ng dama, maglilibang sapagkat nabasag na ang kanilang pangungulila.

Ang loneliness o pangungulila, ang solusyon ay hindi sa utak lamang. Ang solusyon ay hindi sa puso din.

Ang solusyon ay presensya ng isang taong nagmamalasakit, ng isang taong nakikilakbay, ng isang taong nagmamahal.

Tingnan pa natin uli itong loneliness na ito. Kung iyong pangungulila ay hindi na kayang bigyang lunas o mabago pa kahit may tao pa na handang dumamay.

Kung iyong pangungulila ng isang tao ay wala nang makababasag, walang makawawasak dahil ito ay tunay, buo, at nakatatakot na pangungulila o loneliness, iyan mga kapatid, ang “tunay na impiyerno.” Iyong loneliness na hindi ka na pwedeng samahan pa ng iba. Iyongg loneliness na hindi ka na pwede pang akbayan, sabayan o kaya ay samahan ng isang taong magmamalasakit sa iyo.

Iyan ang impyerno sa theology. Loneliness o pangungulila na hindi na kayang pawiin pa kahit ng pag-ibig. Sabi sa atin, si Hesus ay nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao, ng mga tao na pumasok sa loneliness, na wala nang solusyon. Pero nangahas pa rin ang Panginoon na pasukin ang lugar na iyon.

Ngayon sa panahon natin, may mga writers o may mga philosophers na nagsasabi, nagsusulat o nagtuturo na lahat daw na ating pakikipag-ugnayan sa mundong ito ay superficial lang, mababaw.

Na wala naman daw talagang pagkakataon na maapektohan tayo talaga ng ating kapwa o maapektuhan natin ang buhay ng ating kapwa. Kahit gaano pa daw kaganda ang relasyon natin sa isa’t isa, sa bandang huli, mababaw lang talaga Iyan. Hindi tatagos sa kaloob-looban ng puso o ng pagkatao.

Kaya kung tutuusin lahat tayo, may karanasan tayo ng impiyerno, ng loneliness na likas sa buhay natin, likas sa pagiging tao nating lahat. Hindi natin matatakasan iyong loneliness na iyon. Hindi natin matatakasan iyong nakatatakot na sitwasyon na para bang hindi ka na madadamayan ng kapwa mo.

Minsan po, nagtatanong ako sa mga mag-asawa, “Iyon bang mag-asawa, nagiging lonely din?” At nagugulat ako sapagkat, yes, kahit na lagi silang magkasama sa bahay, nararamdaman pa rin ng babae o ng lalaki na sa kailaliman o kaibuturan ng kanyang puso, meron pa rin loneliness. Hindi nanaranasan na lagi silang para bang secure na secure na lagi silang merong kalakbay kasama sa buhay, kasangga sa buhay. Meron din palang loneliness na nararanasan pati ang mga tao na mga may asawa o kaya iyong laging may kasama sa buhay.

Isa lang kasi ang sigurado sa atin. May gabi sa buhay natin na ang pangungulila ay hindi mababasag ng kahit anupamang boses na tatawag o sisigaw sa atin. May pinto na tayo lamang ang maaaring pumasok.

Wala tayong kasabay. At ito ay ang pinto ng kamatayan. Sa huli, ang lahat ng takot natin sa mundo ay walang iba kundi takot sa loneliness, takot sa pangungulila, takot na matagpuan natin ang ating sarili na nag-iisa at walang dumadamay o makararamay pa sa atin.

Sa Old Testament, iisa lang po ang salita para sa impiyerno at kamatayan. At iyan ay walang iba kundi iyong “Sheol.” Ibig sabihin, kamatayan… kinaroroonan ng mga yumao. Kamatayan ang sukdulang pangungulila. Subalit ang pangungulilang ito ay hindi na mapapasok pa ng pag-ibig. Kaya ito ay impiyerno talaga. Napakahirap batahin. Napakahirap i-endure.

Sa simula, sinabi natin si Hesus ay nanaog sa impiyerno, sa kinaroroonan ng mga yumao. Anong kahulugan nito? Si Kristo ay naglakbay sa lugar ng huling pangungulila, ng ganap na pangungulila, sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit at kamatayan. Si Hesus ay bumaba sa bangin ng pagkakatapon ng tao, ng abandonment, ng loneliness.

Kung saan wala ng boses na maririnig, doon si Hesus ay nangahas na magpunta. Nilupig niya ang kamatayan sa pamamagitan ng kanyang pagkapako at pagkamatay sa krus. Ngayon naman, nilulupig ni Hesus ang impiyerno sa pamamagitan ng pagdalaw niya sa impiyerno at dinadala niya sa impiyerno ang pag-ibig ng Diyos.

Kaya makikita natin, walang lugar na hindi narating si Hesus. Walang lugar na hindi narating ang pag-ibig. Pati iyong lugar na halos hopeless na sa pangungulila, dinalaw iyan ng Panginoon.

Kaya ang tunay na impiyerno ay ang pagsasara natin ng puso natin sa pagdalaw ni Hesus. Iyong mga taong nasa impiyerno, kaya sila nasa impiyerno ay isinarado na nila ang kanilang puso sa Panginoon. Hindi ang Diyos ang nagdadala sa atin sa impiyerno; tayo ang nagbubulid sa ating sarilii sa impiyerno sa pamamagitan ng pagtalikod natin sa Diyos.

Sana nakatulong magbigay-linaw ang paliwanag na ito. Amen.