Home » Blog » IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

MAGSASAKA AT MAGHAHALAMAN

MT 13: 24-30

MENSAHE

Isang madre ng Little Sisters of Jesus, isang kongregasyon na nakatutok sa pakikilahok sa buhay ng mga manggagawa sa pabrika, bukid, at kabahayan, ang nagsabi na bilang isang magsasaka, naunawaan niya kung ano kahulugan ng talinghaga ng trigo at ng damo sa bukid. Naranasan niya kung bakit hindi agad binubunot ng magsasaka ang mga batang damo upang hindi din madamay ang mga sumisibol pa lang na trigo.

Ang magsasaka kasi ay kaiba sa maghahalaman o hardinero. Ang pakay ng maghahalaman ay kalimitan ang kagandahan ng hardin. Ang pakay ng magsasakay ay palaging ang pagbubunga ng bukid. Ang maghahalaman ay hindi mag-aatubiling magputol, magbunot, at magbali ng lahat ng uri ng damo o halaman para lang mapanatiling maganda ang paligid. Ang magsasaka ay magmamasid at maghihintay muna; pag-aaralan muna ang gagawin sa kanyang taniman.

Ang ating Diyos ay magsasaka na nakakaunawang ang mga damo ay laging sumasabay sa mga trigo. Pag binunot agad ang damo, baka mapahamak ang trigo kasi halos pareho ang itsura ng mga ito sa simula. Nagbibigay siya ng pagkakataon na lumago muna ang mga ito bago piliin na paghiwalayin ang mga damo sa trigo kapag madali na itong makilala.

Ganyan din ang Diyos sa atin; nagbibigay ng pagkakataon bago manghusga; nagpipigil ng kanyang paghatol hanggang huli, kapag talagang sarado na ang puso sa kanyang alok na pagmamahal. May habag siya sa lahat sa atin, laging nagbibigay ng puwang para sa ating pagbabago at pagbabalik-loob.

MAGNILAY

Ngayong linggo, hinahamon tayong tuklasin ang bagong mukha ng Diyos. Tigilan na nating isipin ang Diyos bilang hardinero na nakatuon lang sa panlabas na anyo ng halamanan. Simulan nating isapuso ang Diyos bilang magsasaka na may tunay na malasakit sa lahat ng mga tanim; Dakilang Magsasaka na matiyagang naghihintay para magbunga nang mabuti ang bawat puso. Amen.