Home » Blog » IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

PAANO BA MAG MOVE-ON…

MT 14: 13-21

MENSAHE

Ang pahayag ng Mabuting Balita ngayon ay mahalaga sa tinatawag na self-care o pangangalaga sa sarili. Masyadong naapektuhan ang Panginoong Hesus ng kamatayan ng kanyang pinsan at tagapanguna na si Juan Bautista. Nagdamdam siya at nagluksa. Kinailangan siyang lumayo sa madla upang makapag-isa.

Subalit para kay Hesus, ang pangangalaga si sarili ay hindi dapat magwakas sa pagkakulong sa sarili. Bahagi ng paghilom ay ang pag-usad, pag move-on, ika nga. Hindi maaaring pagtuunan ng pansin ang kirot nang matagal; hindi maaaring indahin ang sugat palagian. Kaya nga, mahalaga sa Panginoon na hindi pagtuunan ng pansin ang panloob niyang pakiramdam kundi maging bukas din sa tawag ng Diyos, sa kalooban ng Ama.

Kaya nang makita niya ang mga taong sumunod at naghanap sa kanya, tinanggap niya ito bilang pagkakataon na magbahagi at maglingkod. Ang pait sa kanyang puso ay napalitan ng higit na habag at malasakit sa mga tao na ibinigay sa kanya bilang misyon. Hindi lamang naghati-hati ng tinapay at nagpamahagi ng isda ang Panginoon sa mga tao. Ibinahagi niya, buong puso at lakas, ang kanyang sarili, dahil sa dinanas niyang karanasan sa buhay.

Sa bandang huli, ang pagbubukas niya ng sarili sa Diyos Ama at ang pagnanais niyang maglingkod sa kapwa ang nakatulong sa paghilom ng kanyang puso. May pagtitiwala at pagbubukas-palad, umusad siya. Sa kabila ng sakit, nagbigay siya ng sarili sa tawag ng pagmamahal at paglilingkod. Hindi kaya ito din ang landas para sa ating paghilom? Kaya ba nating ipagkatiwala ang ating mga dinaramdam sa Diyos at pabayaan ang pagmamahal na akayin tayo papalayo sa nakaraan? Sa huli, hindi lang ito pangangalaga sa sarili kundi tunay na pangangalagang espirituwal din.

MAGNILAY

Paano mo hinaharap ang mga trahedya ng buhay? Mainam nga na maghanap ng paghilom ng mga sugat. Subalit mahalaga din ang iwaksi ang pansin sa sarili at umusad sa pamamagitan ng paglimot sa nakaraan at pagiging bukas sa hamon ng pagmamahal at paglilingkod sa kasalukuyan.