IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
PANGINOONG HESUS, SAGIPIN MO AKO!
MT 14: 22-33
MENSAHE
Ilang buwan lang ang nakararaan nang dalawang atleta ng isang sikat na pamantasan ang nalunod habang may pagsasanay sa isang dalampasigan, kaganapan na nagdulot ng pambansang pagluluksa at panghihinayang. Paalala ito na ang tubig, bagamat nakapagpapasigla, ay may maitim na bahagi din. Maaari itong maging simbolo ng kaguluhan, pinsala, at pagkawasak, maging sa mga salaysay na mababasa natin sa Bibliya.
Tubig ang gumunaw sa mundo noong panahon ni Noe. Sa nagngangalit na dagat itinapon si Jonas kung saan siya kinain ng malaking isda. Ang mga alagad ng Panginoong Hesus ay nahintakutan sa gitna ng unos habang naglalakbay sa dagat. Ang tubig, sagisag ng bago at sariwa, ay maaari din palang maging hudyat ng pangamba at panganib.
Kaya nga, ang paglalakad ni Hesus sa tubig ay isang kahanga-hangang karanasan para sa mga apostol. Wala pang nasaksihang ganito, maging ang mga bihasa sa pangingisda sa kanila. Para sa kanila, ito ay matibay na katiyakan mula sa Panginoon. Siya ang mas makapangyarihan sa ibabaw ng kaguluhan ng trahedya ng buhay. Hindi siya maigugupo ng pagkawasak. Matapang siya sa harap ng pinaka-nakakatakot na sandali ng buhay. Siya ang Panginoon ng kalikasan at ng sangnilikha!
Ang buhay sa mundo ay tila paglalakbay sa dagat, laging walang katiyakan. Ang payapang tubig ay biglang magiging hampas ng alon. At sa gitna ng lahat ng ito, hinahamon tayong manatiling nakatitig sa Siya na nakatayo sa ibabaw ng lahat; ang ating Kalakbay sa matiwasay man o mapanganib na paglalakbay sa dagat ng buhay. Ang hindi natin nakita pa o naisip man lamang ay kayang gawin ng Panginoon sa mga nagtitiwala sa kanya. Matinding aral ito kay Pedro, habang nasa pagitan siya ng pagtitiwala sa Panginoon at pagkatakot para sa kanyang buhay.
MAGNILAY
Natutunan ko sa pagbabasa ng klasikong aklat na The Spiritual Combat ang isang maikling panalangin. Doon hinikayat ng may akda na magtiwala at manalig tayo sa Panginoon sa sandali ng paghihirap at kaguluhan, at sabihin: Panginoong Hesus, sagipin mo ako! Tulad ng naganap kay Pedro, ipadadama ng Panginoon sa atin ang kanyang pagmamahal at kapangyarihan. Subukan natin ang panalanging ito, na tulad ng nasambit ni Pedro, sa mga sandali ng pagkaligalig: Panginoong Hesus, sagipin mo ako!