Home » Blog » IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

SUBUKAN ANG IBANG MUKHA NG DIYOS

MT 20: 1-16a

MENSAHE

Kawili-wiling talinghaga! Sinong matinong may-ari ng lupa ang mag-aanyaya sa lahat ng makita niya na magtrabaho sa kanyang lupain, na walang tanung-tanong sa kakayahan o kahandaan ng mga ito? Sinong haciendero ang mag-aanyaya na magtrabaho sa kanya sa huling oras ng maghapon at magbayad pa ng buo sa mga ito? Anong uri ng amo ang magtitiyagang magpaliwanag sa mga manggagawa ng sistemang sinusunod niya sa pamamalakad na para bang kailangan niya itong ipaunawa sa lahat?

Sa salaysaya na ito, binabaligtad ng Panginoong Hesukristo ang kaisipan tungkol sa isang praktikal at karaniwang may-ari ng lupain. Ang bida sa kuwento ay kakaiba sa lahat. Ano ba ang pakay dito ng Panginoon? Walang iba kundi ang ipakita na ang Diyos na kanyang Ama ay higit pa sa inaasahan at iniisip natin. Madalas nating iugnay ang Diyos sa makamundong ideya ng kapangyarihan, awtoridad, at pagpapasiya.

Pero, kahit sa unang pagbasa pa lamang sa Isaias 55, may tangka nang ipakita ang kakaibang larawan ng Diyos. Diyos na siya pang nanunuyo sa mga masasama, may alay na awa sa halip na pagtuligsa. Sa mga pagbasa, inilalahad sa atin ang pagbabago sa pag-iisip tungkol sa Panginoon. Ang Diyos ay palaging tumatanggap, nagpapala, nagpaparaya, nagpapakitang-kabutihan. Ito ang Ama na kilala ni Hesus, ang Ama na nais niyang tanggapin ng lahat. Wala nang iba pa!

Maging tapat sa sarili: paano mo iniisip ang Diyos? Ang Diyos na kilala mo ba ay nakatatakot at madaling magalit, mahilig magparusa, walang pusong hukom, o mahigpit na ama?

MAGNILAY

Kung muling babasahin o pakikinggan ang talinghaga, makakatagpo natin ang Ama ni Hesus, ang Diyos na kakaiba at nakabibigla sa kanyang kabutihan at kagandahang-loob.