Home » Blog » IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY K

IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY K

ESPIRITU SANTO, PAWIIN ANG AKING TAKOT!

JN 14: 23-29

MENSAHE

May makapangyarihang mensahe ang Kristong Muling Nabuhay para sa ating mga alagad: “Huwag kayong matakot. Huwag kayong mabagabag!” Batid ng Panginoon na ang takot ang pinakamasamang kaaway ng buhay espirituwal. Subalit, bakit nga ba tayo natatakot pa rin? Sa puso natin, matatagpuan ang…

  • Takot sa kinabukasan… Ano ang mangyayari sa akin at sa aking pamilya bukas? Makakaya ko ba ang mga pagsubok na darating?
  • Takot sa nakaraan… Paano kung matuklasan nila ang tunay kong pagkatao? Paano kung husgahan ako dahil sa mga nagawa kong dating pagkakamali?
  • Takot sa walang-katiyakan (insecurity)… Makakaya ko ba ito? Mayroon ba akong magagamit upang marating ko ang aking mga pangarap at hangarin? May matitira pa ba para sa akin?
  • Takot sa pag-iisa… Paano sa pagtanda ko? Sino ang magmamahal at mag-aalaga sa akin? Buong buhay ba akong maghihintay?
  • Takot sa kakulangan… Sapat na ba ang ginagawa ko? Nagugustuhan ba nila ako? Ano pa ba ang kulang sa akin?

At sa lahat ng ating mga takot, may inilalatag na lunas ang Panginoon, isang Pangako: Ang Mang-aaliw, ang Diyos Espiritu Santo na magtuturo at magpapa-alala sa atin ng kanyang mga salita. Ang Espiritu Santo, na mula sa puso ng Ama at ng Anak ang nagpapa-alala sa atin ngayon…

  • Na tumingin sa kinabukasan na may pag-asa sa Banal na Pangangalaga ng Diyos na laging nauuna sa atin…
  • Na kumapit sa habag at awa ng Diyos na nagpapatawad sa nagsisising mga puso…
  • Na magtiwala sa pangako ng Diyos na hindi niya tayo iiwanan o pababayaan…
  • Na isuko ang sarili na buong-buo sa mga kamay ng Diyos…
  • Na mahalin ang sarili dahil una tayong minahal ng Panginoon, at dahil dito kaya nating magmahal nang tapat sa Diyos at sa kapwa..

MAGNILAY

Ano ang mga takot na baon mo sa pagtulog at sindak sa iyo sa pagbangon sa umaga? Hilingin natin sa Panginoon na isugo sa ating puso ang Espiritu Santo upang magbigay ng pag-asa sa halip na pagkabahala, ng tiwala sa halip na takot, at ng kapayapaan sa halip na ligalig.

Halina, O Espiritu Santo, halina!